balagtas.org

balagtas.org

Wika Nga - KASALI SA SALIN

KASALI SA SALIN

Translation o salin ang isang paraan ng pagpapalawak ng tangkilik sa akdang isinalin.

Pambawas ito sa bigat ng layuning umunawa at magpaunawa.

Literal ba o malaya ang (pagka)salin? Puwedeng kombinasyon, kung sadyang ito ang kailangan.

Pinakamahalaga sa salin: mapanatili ang diwa't kahulugan ng orihinal. Makiling ang mayorya ng translators sa diskarteng malaya.

May pahalaw na salin; madalas ay pinipili ang ilang tampok na bahagi ng akdang isasalin dahil mahaba ang kabuuan nito.

Kasali ba sa gawaing ito ang "saling-pusa"? Pupuwede iyong "salin" lamang.
wikanga

Saganang Akin - ANG TUNAY NA TRADISYON

ANG TUNAY NA TRADISYON

Naglahad minsan si Igor Stravinsky ng pakahulugan sa tradisyon. Sabi niya:

"Hindi relikya ng naglahong panahon ang tunay na tradisyon kundi buhay na puwersang nagpapasigla at pumapatnubay sa kasalukuyan.

"Isang pamana ang tradisyon: tinatanggap natin pero dapat pinamumunga bago ipagkatiwala sa susunod na henerasyon.

"Walang kinalaman sa pag-alinsunod sa tradisyon ang panghihiram ng isang method dahil napapalitan itong huli.

Isinusulong naman ang tradisyon para makalikha ng bago.

Bagaman sining ng musika ang paksa ni Stravinsky, mapagbabatayan ito ng pagsusuri sa ibang larangan.
saganangakin

Wika Nga - BINALASANG SALITA

BINALASANG SALITA

Laro sa salita ang isang paraan ng pagsubok sa kaalamang pangwika.

Sa naritong erotikong tulang "Kay Ana Grema", agad makikita sa titulong ito ang diskarteng anagramatiko.

"Sabik ako sa bikas mo
na likha ng iyong halik:
panakaw man ay pakanaw,
nagdumila, nagdumali.

"Kung ibinit ang balak ko,
ibitin mo kaya muli?
Sa pagtukso ay pagtusok
ang sagot na tagos dapat".

Tukuyin ang pitong salitang idinaan ng makata sa sistemang anagram.
wikanga

Tamali - BAYANG AMOY-KANDILA

BAYANG AMOY-KANDILA

Bago idinaos ang polls 2013, kinalampag ng isang politiko ang kooperatibang pang-elektrisidad sa Cabiao, Nueva Ecija.

Binayo ng bagyo noong Oct. 11, bumalik sa bayan ang madilim na panahon at 2 weeks itong amoy-kandila.

Dumating ang liwanag na kaakibat daw ng power play ng politiko noong magbobotohan na. Bakit napakatagal nagtiis ang bayan?

Diumano, hinintay ng balisawsawing kooperatiba ang bagong bagyong magsasauli ng koryenteng tinangay ng nagdaang unos. Sampol ba ito ng "micro sense, macro madness"?
tamali

Portada - SOBRANG PAGHAHANGAD

SOBRANG PAGHAHANGAD

Hindi madaling mabuhay nang matagumpay sa mundong hinuhubog ng mga puwersa ng likas na pagbabago.

Pagkalipas ng mahigit 4 bilyong taon, naging malakas na puwersa ang sangkatauhan mismo.

Mas marami ngayon ang walang self-control. Inuubos nila ang resources ng mundo kahit ipaghihirap ito ng susunod na henerasyon.

Namamalayan ang panganib bilang resulta ng sobrang pagnanasang magtamasa ng materyal na prosperidad.

Kailangang pag-aralang mabuti ng sangkatauhan ang natural history.

(Halaw ng balagtas.org. sa librong Forces of Change: A New View of Nature)
portada

Obra Muwestra - TALAMBAHAY BUHAT SA AKING PANULAT

TALAMBAHAY BUHAT SA AKING PANULAT

ni LAMBERTO E. ANTONIO

Mahigit 4 na dekada ang saklaw ng karera ko bilang manunulat, kasama ang ika-5 taon ng pagbubuhat, maghapon at/o magdamag.

Empleado akong nagbuhat noon, may buo-buong kita. Ngayong wala akong opisina, wala ring mabilang na barya-barya.

Kayraming nag-aakala: magaan ang pagbubuhat ko ng panulat. Naku, mas mabigat ito kaysa bangko (bench).

Kahit nagbubuhat at nagbabasa ako ng libro habang nakatayo, paupo kong ibinubuno ang panulat bago buhatin patungo sa dakong nais masapit ng (aking) isip.

Maririnig ko ang mga tinig buhat, o mula, sa ibang naunang mambubuhat. Iisa ang sinasabi: Mas makapangyarihan ang pluma kaysa espada.

Nagpapagunita ito ng isang kaybigat na papel ng manunulat: maging "budhi ng lipunan".

Natural kaninuman ang magbuhat ng sariling bangko. Ginagawa ko ito pag ganado ako.

Dahil ayokong basta gumaya, sama-samang binubuhat ko ang panulat, bangko at hapag.

(Prologo ito ng bagong kalipunan ng sariling mga akdang prosang kinikinis ni LEA)
obramuwestra

Bersong Barbero - MINABOTE ANG USAPAN KAHIT WALA SA UMPUKAN

MINABOTE ANG USAPAN KAHIT WALA SA UMPUKAN

Kumusta ang TropangToma Tumba Zuka
ang bato at atay, baga at bituka?
Ano'ng latest update sa mga romansa?
Nilulusob pa ba ng asa-asawa?

May isang katropang di muna bibilang
ng boteng nabasyo at masinsing tagay,
mga posteng sobrang dalang ang pagitan
yaong bibilangin kung kayang dumungaw.

Ayam manalamin palibhasa'y talos
ang pamumutiktik ng puti sa buhok,
saka sapin-saping buhaghag na tumpok
sa noo at pisngi ang mga kulubot.

Kumusta ang lista ng utang sa kanto?
Mahaba pa rin ba? Kilo-kilometro?
Ang mga upos ba'y nakamonumento
sa bungi-bungi nang astrey-na-platito?

Ang katropa ninyo kung hinahanap man,
ituring na hindi malaking kawalan;
ang mas mahalaga, kayo ay nariyan
muli sa mabote masebong biruan.

May napakabigat kasing iniinda,
napilitantuloy itong magpahinga.
Huwag, huwag sanang takawin ang mata:
baka malagutan siya ng hininga.
bersongbarbero

Tularaw - AKALA SA MAKATA

AKALA SA MAKATA

Na makata ang sinumang bumibigkas lang ng tula ay pag-aakala ng isang lalaking nagpakilalang "makata" ng Baryo San Gregorio.

Nagpunta siya sa aming nayong karatig ng BSG, may kailangan daw sa ama ko.

"Patutulain ako sa program ng munisipyo sa linggong darating. Magpapagawa ako ulit ng tula sa ama mo," sabi sa akin ng lalaki.

"Ano po ang papaksain ng tula?" Sagot niya ay kahit ano, basta bagong gawa.

Nagkamot ako ng batok. "Pag may student na ang sadya ay gaya ng sa inyo, ako po ang pinagagawa ni Tatay."

"Aha! Makata ka rin pala! Ngayon lang kasi kita nakita."

Naitanong ko:"Alam po ba sa mga okasyong dinaluhan n'yo...na ama ko ang gumawa ng mga tulang ipinarinig n'yo?"

Biglang namutla, tila napahiya, nagpaalam at kumahog siyang umalis. Nakuha niya ang punto ko.

Walang kakayahang bumuo ng sariling tula, mambibigkas siya pero hindi makata.

--
Boni Baltazar
tularaw

Saganang Akin - GUSTO AY GUSOT

GUSTO AY GUSOT

Nabubuhay at namamatay ang Pinoy sa katwirang kapag may gusot may lusot.

Bakit siya pasasagasa? Ano, may topak? Mas gugustuhin niyang managasa. Madali namang lusutan.

Lalaitin pa niya ang sinagasaan: tanga kasi!

Lumalaki ang gusot, lumalalim ang ugat ng maling gawi at gawa.

Magkakasanga ang katwiran: madaling takpan ang kakulangan o kasalanan.
saganangakin

Obra Muwestra - TUNGKOL SA POETIKA NG LIRIKA (Una sa Serye)

TUNGKOL SA POETIKA NG LIRIKA
(Una sa Serye)

ni LAMBERTO E. ANTONIO

Bahagi ito ng papel na binasa ko sa workshop ng Sulat-Kamay Writers Guild na idinaos sa Cabiao, NE noong last quarter ng 2013.

Pawang liriko ang mga tulang isasalang; bago sinimulan ang talakayan, sinalakay ko ang pangkalahatang tematikong tirada ng nagsidalo.

Ginamit ko ang sumusunod na diskurso batay sa aking piyesang "Berso Buhat sa Baryo".

Sinasagap pa ba ng iyong hinagap
ang alingawngaw ng aking tinig?
Bumabaling ang talahib,
naghahagkis sa katahimikan
ng bulaklak na matalim ang hugis.
Kinasasabikan ka ng himpilan.
Sasambilatin ako ng habagat,
ngayong ipinagkakait ng amihan
ang iyong halimuyak.


Isang tula ng pangungulila, tila patunay ito sa pansing napagbubuklod ang emosyon at imahinasyon ng objective, malinaw at di-kumbensiyonal na paglalarawan ng kalikasan.

Arkitektoniko ang solong estropa. Pampasidhi sa damdamin ng paghihintay ang mga tunog ng siyam na linya.

Siyam din na hinati sa 3 clusters ang pagririmang pandulo: magkasunod at magkasalit, na sinuhayan ng ibang salitang kasintunog.

(Itutuloy)
obramuwestra

prev 10 20 30 40 50 60 70 80 90 100 110 120 130 140 150 160 170 180 190 200 210 next