balagtas.org

balagtas.org

Tamali - REKLAMO NG CHAMELEON

REKLAMO NG CHAMELEON

Magdahan-dahan sana
ang mautak at mapangmata
bago sila humusga.
Pinakamakulay ang paraan
ko sa pagsasanggalang
at likas sa akin bilang nilalang.
Di ko kailanman minithi
ang kalagayang malabahaghari
para ipanloko at maghari.
Iwasang matukso
na ikompara ako
sa inyong mga politiko.
tamali

Wika Nga - 174 TAON NG 'O.K.'

174 TAON NG 'O.K.'

Alam ng halos lahat ang kahulugan ng "O.K." pero bihira siguro ang nakababatid na dinaglat na palayaw (abbreviated nickname) ito ng isang politikong Kano.

Noong 23 Marso 1840, naglathala ang peryodikong New Era ng New York City ng ganitong anouncement:

"The Democratic O.K. Club are hereby ordered to meet at the house of Jacob Calvin on Tuesday evening".

Binuo ang club para suportahan sa muling pagkandidato ang dating presidente ng US na si Martin Van Buren, isinilang sa Kinderhook, New York.

Sa paghirit niya ng 2nd term sa White House, "Old Kinderhook" ang naging papuri kay Van Buren ng admirers niya.

Mula noon, naging popular sa US at lumaganap sa buong mundod ang prase ("okey" rin ang bigkas-Filipino).
wikanga

Saganang Akin - PINTOR KULAPOL BILANG TRANSLATOR (Ika-2 sa Tatlong Bahagi)

PINTOR KULAPOL BILANG TRANSLATOR
(Ika-2 sa Tatlong Bahagi)

ni L. E. ANTONIO

Pagdidibuho ang pinakauna kong hilig. Nang manaig sa buhay ko ang pagsusulat, ikinasiya kong maging pintor kulapol paminsan-minsan.

Sa pag-eedit ko ng magasin, halimbawa, ginagawan ko ng ilustrasyon ang akda ng iba at sarili kong obra.

Sa akin nagpasaklolo ang mga pamangkin kong kinailangang magsumite sa teachers nila ng dibuho, chart, graph o lettering.

Tigkalahati ng 2 dekada ng pagsusulat ko nang makaengkuwentro ko ang paggawa ng pabalat ng aklat.
Noong huling hati ng 1960s, ipinaguhit sa akin ni Rogelio G. Mangahas ang cover ng nilibrong katipunan ng mga tula ng iba't ibang makata. Ganyan din ang itinoka sa akin ni Rio Alma nang aklatin niya ang unang kalipunan ng mga tula niya.

Unang hati ng 1970s nang ipatirada naman sa akin nina Ruth Elynia S. Mabanglo at Cesar T. Mella Jr. ang mga pabalat ng libro ng tula ng isa't isa.

(Tatapusin)

Bersong Barbero - ORAS NG PAG-IBIG AT MGA KULIGLIG

ORAS NG PAG-IBIG AT MGA KULIGLIG

Pagdating ng oras ng mga kuliglig,
ang bugnuting ginang ay tumatalilis
upang mailapat ang likod sa sahig.
Mahimbing ang kanyang tinatalilisang
nasa gintong banig at nananagimpang
muli ng panakaw na ligayang karnal.
May karalitaang laging nagbubukas
ng pinto sa ginang habang naglalayag
ang kabyak na buwang ang hanap ay kabyak.
Paglawig ng oras ng mga kuliglig,
nakinig ang lupa sa tapat ng sahig,
masama ang hanging gumapang sa banig.
Sa bugtong ng ibang uring kuligligan,
nagising nakinig itong iniiwan,
subalit nagpukol ng sumbat ang ginang.
Nagsupling ng dahas ang paninibugho
at nagsumagasa, sumuwag sa pinto:
nasilip ng buwan ang tagpong madugo.
Sa pananahimik ng mga kuliglig,
ang tinalilisa'y humukay sa liblib--
at dalawang bangkay doon ang nabulid.
bersongbarbero

Obra Muwestra - DALAWANG SUSAN SA AKING AKLATAN

DALAWANG SUSAN SA AKING AKLATAN

ni LAMBERTO E. ANTONIO

Ang Malaki sa Lalaki (Halaw kay Susan Faludi)

Masculinity ang bulaklak na talusaling,
dapatalagaang orchids
sa bahay na mainit,
laging balagan at busugin.
Kasukat ng problema ng lalaki
ang sarili niyang mapagmalaki,
taglay ang lahat ng bagay,
kabilang ang pagmaliit sa babae.
Para sa lalaking nag-aakalang kasinlaki
ng mundo ang kanyang ulo,
malaking banta ang ginang
o dalagang nakasambot
ng layang karampot:
nakahawak ng tingting
at kabadong alboroto ang macho,
balak umano siyang walisin nito.
Krisis na sexual iyan,
nakasanayang masdan
ang hagupit
na ukol lamang sa nilikhang mapagtiis
at hinugot daw sa tadyang.

Libog (Halaw kay Susan Minot)

Napakanormal ang pagsiping kahit kanino,
kapag nasimulan mo ito.
Patuloy silang dumarating, pumapaligid.
Matapos ang sex
namamaluktot kang tila hipon,
napinsalaang kalooban.
Di mo sisikaping magpaliwanag
o humingi ng kahit ano,
o bahagyang mangusap sa kaharap.
Nagbubukas ka ng mga hita,
hindi makapagbukas ng puso.
Ginagawa mo ang lahat ng gusto nila.
Pagkaraan, nagkakamot sila ng bayag,
o titingin sa kisame.
Pagbaling nila sa iyo,
sasabihin ng kanilang tingin:
Anak ng pating,
naglaho na yata ang babaing
nilalaspag natin.
obramuwestra

Saganang Akin - PINTOR KULAPOL BILANG TRANSLATOR (Huli sa 3 Bahagi)

PINTOR KULAPOL BILANG TRANSLATOR
(Huli sa 3 Bahagi)

ni L. E. ANTONIO

Mga taon 1967, 1968, 1970 at 1974 ng pagkalibro ng mga kalipunang Mangahas, Alma, Mabanglo at Mella ang batayan ng binuo kong bersong "Pabalat ng Aklat":

Dapat malaman ang laman ng libro
sa pabalat nito.
Mata ng haraya ang nagturo sa pinsel
para piliing ipasalamin:
kidlat ibon talulot bundok;
kulay letra at hubog na pawang nagkaloob
ng hininga sa pamagat.
Binuksan ng mga aklat
ang pagkakataong mapagbuklod
ang dibuho at taludtod:
Ricebirds Supling Makinasyon at Manlilikha--
guniguning napauunawa ang ibinabadha.

Mula sa idea ko, na idinibuho ng iba, ang pabalat ng Hagkis ng Talahib (1980), katipunan ng aking mga tulang minamahalaga ng mga kritiko at estudyante ng literatura. Hangad ko na maulit sana ang aking pagiging pintor kulapol, sa pakahulugang angkop sa panahon ng impormasyon.
saganangakin

Tamali - PASYENTENG NAGHAHANAP NG KAAWAY

PASYENTENG NAGHAHANAP NG KAAWAY

Mahaba ang katahimikan ng mga kaibigan. Kayrami nila, di man patalunin sa bangin ay gagawin ito, mapatunayan lang sa mundo ang katapatan ng bawat amigo.

Naputol ang isang misyong nakabubuti sa kanila at sa iyo. Pansamantala lang ito, sinasabi-sabi mo sa iyong anino.

Umaasam ka ng text o tinig, huwag nang yabag, mula sa mga kapanalig. Krimen ba ang mithi na mabawasan ang pighati kahit sandali?!

Sa kalagayang iyan, ibig mong magkaroon ng kaaway na magsisigaw ng panghihinayang kung bakit di ka pa natuluyan.

Pampasilakbo ito ng dugo, siguradong titingkad ang kulay ng tagpo.

(Celing Labuyo)
tamali

Tularaw - PILA SA BOTIKA

PILA SA BOTIKA

Nahihirapan silang basahin
ang resetang dala
ng bawat isa.
Ang madali ay sumiksik sa pila,
dumampot ng sirup, tabletas, kapsula.
Sa pag-uwi, iniisip daw nila ang layo ng lalakarin;
wala muling natira kahit singkong duling.
Agad mababasa sa mukha
ng bata at matanda:
Sana, muli silang magkita-kita sa botika,
hindi sa punerarya.
tularaw

Obra Muwestra - ADAPTASYON NG AWIT NOON (Una sa 3 Bahagi)

ADAPTASYON NG AWIT NOON
(Una sa 3 Bahagi)

ni LAMBERTO E. ANTONIO

SARONG BANGGUI (Para kay JMA)

Natingala kita
at ito'y sapat na;
naglaho subalit dito sa dibdib ko,
lumitaw na muli ang kaanyuan mo.
Inakalang ganggam
sa pananagimpan
ang aking narinig habang umaawit,
ngunit gising ako at iyo ang tinig.
Hugis-mukhang hiyas
ang naiwang tatak
sa akin ng ganggam at gabing madilim
upang sa tuwina ay pakamutyain. (Itutuloy)
obramuwestra

Obra Muwestra - ADAPTASYON NG AWIT NOON (Ika-2 sa 3 Bahagi)

ADAPTASYON NG AWIT NOON
(Ika-2 sa 3 Bahagi)

ni LAMBERTO E. ANTONIO

SAKAY-SUKOB

Napakiusapang isakay ang bata,
sumagwan pabalik, mula sa Maynila,
ang mamang may dalang sambangkang mantika.
Napakiusapang isukob ang sanggol,
nagpa yong pabalik, mula sa Malabon,
ang aleng may dalang sambaldeng bagoong.
obramuwestra

prev 10 20 30 40 50 60 70 80 90 100 110 120 130 140 150 160 170 180 190 200 next