balagtas.org

balagtas.org

Wika Nga - SALIN BILANG BIRONG MALALIM

SALIN BILANG BIRONG MALALIM

Nagiging parusa sa iyo bilang translator ang pabirong hamon ng sinuman sa abilidad mo.

Ipasasalin sa iyo ang isang salita. May pahiwatig (clue) na ihahanap mo ng kaukulang konteksto. Lilitaw na masisteng "makatwiran" ang"tama" o "angkop" na salin.

Halimbawa: Ano ang classic translation sa Filipino ng "impotent"? Wala sa alinmang dictionary ang salin nito. Meron lang "ibong adorno" na sagot ng nagpasalin, kung sinukuan mo ang hamon.

"Classic" ang batayan, pagsangguni sa obrang "Ibong Adarna." Ibon ang isang phallic na katapat ng testicle, panlalaki ang impotent, at adorno ang singkahulugan ng dekorasyon, borloloy, palamuti.

Halimbawa pa: Ano sa Filipino ang (salin ng) "abortion"? Suko kang muli? Tanging sa sariling dictionary ng imahinasyon ng mabirong nagtanong matatagpuan ang sagot: "Patay kang bata ka."
wikanga

Bersong Barbero - MGA TALATANG SAMPAY-BAKOD

MGA TALATANG SAMPAY-BAKOD

Sundan natin siya sa daang matuwid
kung ang dulo'y hindi banging sakdal-tarik.

Ang langit higit na madaling abutin
kaysa nasa tabi ngunit lampas-tingin.

Pagdantay ng mister na napakainit,
magdadalang-tao na naman ang misis.

Habang bata dapat maglinis-linisan
upang sa pagtanda'y maging politician.

Pinakamamahal? Kabuuan ito
ng iba at ibang baka minahal mo.

May theory na kaya nagbigti si Hudas
ay palsipikado ang pabuyang pilak.
bersongbarbero

Obra Muwestra - ANG TANGING TIYAK

ANG TANGING TIYAK

Tula ni LAMBERTO E. ANTONIO

Nagdudumiklap ang bato.
Napagod ang aking noo at bagang
sa tagisan ng paunawa at paglimot.
Ano ang saysay ng pag-usli
ng puting buhok?

Walang hihigit sa pagkatumpak
ng iyong taga.
Dadalhin ko ang walang kasinlaking pagkakamali:
sabik na tagakalas ito
ng kalansay ko.
obramuwestra

Tularaw - 2 TINIG SA LIBLIB

2 TINIG SA LIBLIB

Anang Suwi ng Talahib:
Sapat na ang kakulumpong
ginamit sa dinding, bubong;
sasapit daw ang panahong
may papel din ako roon.

Ba't malungkot kang nagbalik?
Nagpaalam kayong sabik
nang hakutin at umalis.

Anang Butil ng Buhangin:
Agad akong humulagpos,
sila'y tiyak na susunod.
Papel naming gagampana'y
di pampader,
di pantulay
sa magarbong kaligiran.
Noon bigla kong naisip:
balak kaming gawing lubid.

(Boni Baltazar)
tularaw

Wika Nga - KULAS: ANAGRAM NG BALIKBAYAN

KULAS: ANAGRAM NG BALIKBAYAN

Materyal ng malilikhang sitwasyon ang anagram. Paglitaw ng mga salitang binalasa, paglaruin ang imahinasyon.

Anong tema ang ibig talakayin ayon sa mga salitang iyan bilang batayang estruktura? Ang ngalang Kulas, halimbawa, ay isang sagot.

Sumulak ang dugo niya, biglang naalala ang hirap na dinanas sa abroad: ginulpi, itinapon sa lusak matapos pagnakawan, binantaang papatayin pag nagreklamo sa pulisya.

At ngayong dumating si Kulas sa sariling bahay, masukal ang kalooban niya.

Sa halimbawang ito, ang sitwasyon ay batay sa mga salitang-ugat na'luksa', 'lusak', 'sulak' at 'sulak'. Sumulpot sa anagramatikong larong pangwika ang mabubuong mahabang akda na realismong sikolohikal at emosyonal ang katangian.

(GENSEL MORANTO)
wikanga

Tamali - PAGPATAY NG ORAS SA 'ARAW NG MGA PATAY'

PAGPATAY NG ORAS SA 'ARAW NG MGA PATAY'

Pantapat ng Pinoy ang 'Undas' sa Todos los Santos (Araw ng mga Banal). Bakit itinatapat din ang katawagang 'Araw ng mga Patay'? Tila mali o tila tama?

May ganitong argumento: mababa ang grado ng sangkatauhan sa halagahang sagrado. Excellent sa banal-banalan.

Pwes, ligtas na sagot ang Undas o Araw ng mga Utas. Sino'ng nakatitiyak na santa/santo nga ang sumanitso.

Di-perpekto, dahil mga tao rin, silang nagdedesisyon sa kasantohan ni ganito at gayon.

Minsan sa santaon, dagsa ang mga ulila, kandila, korona, pagkain, etsetera sa mga sementeryo. Binabasag ng nabubuhay ang katahimikan sa teritoryo ng nagsiyao.

Okey, kung hudyat iyang nahimasmasan ang tao, gumagalang sa alaala, pumupulot ng aral sa naging karanasan ng mga patay.

Baka naman pakitang-tao lang, pakita sa nasa labas, hindi sa nasa loob, ng nitso.

(Celine Labuyo)
tamali

Tularaw - RIMA SA DUSA

RIMA SA DUSA

Isang lalaking pinindeho (pinagtaksilan ng misis niya) ang tahimik na nagdurusa. Kalagayan ito na sinalukan namin ng damdaming nirimahan. Salatin natin sa (piyesang) SUSI ang sentimyento niya na ganito inilarawan:

Isang susi ang pumaloob
sa kahapong sandakot.
Itinapon ito ng ginang
na nagkasusi sa ibang bahay.

Nagkapilat sa dibdib
siyang ulila sa silid.
Pabukas-bukas ang palad:
may hugis-susing pilat.

Pantiyak sa pagiging tula ng SUSI ang sistema ng pahiwatig: malalim na damdamin at malinaw na kaisipan sa pinulot, inalagaang sagisag ng pag-ibig.

(LEA)
tularaw

Bersong Barbero - ISTORYA NG PAGKASINDAK SA ISANG LETRANG NALAGLAG

ISTORYA NG PAGKASINDAK
SA ISANG LETRANG NALAGLAG


Daig ng pilantik ng dilang masama
ang bigwas ng isang sandatang pantaga:
Ito po ang aking pinanday na tugma
tungkol sa masakit na pananalita.

At totoo namang ang salita natin
ay hindi sa dila agad nanggagaling,
kailangan munang sa isip tumining
kung angkop o hindi sa bawat gawain.

Kapag mapipikon ay baka mainam
na ang sasabihi'y lunurin sa laway,
manahimik muna at ang kalooban
ay walis-walisin kung sadyang masukal.

Minsan, naglilimbag ang isang magasin
ng maraming kopya nang biglang napansin:
may mali sa tampok ditong lathalain
tngkol sa proyekto ng isang rehimen.

'Public image' kasi ng gobyernong Marcos
ang paksa ng akdang bale nagbantayog
kay Imelda, pero ang 'l' ay nahulog
mula po sa 'public': sakdal-laking danyos!

Ang pag-iimprenta'y agad itinigil,
saka isiningit ang 'l' sa ispeling;
kapag Tinagalog, alam naman natin,
ang 'pubic' ay 'bulbol' (na 'hair' ang kapiling).

Sinunog ang lahat ng kopyang nalimbag,
baka may ipuslit, kung basta inimbak,
at buking ni Marcos, kalabosong tiyak
ang pabliser, pati editorial staff.

May kapangyarihan ang alinmang wika
sa taglay na tunog, hugis, kulay, haka.
Salita'y hasaan ng dila at diwa
sa pagpapahayag ng mali at tama.
bersongbarbero

Bersong Barbero - POPULASYONG SA PAGLOBO AY SIMBILIS NG KUNEHO

POPULASYONG SA PAGLOBO AY SIMBILIS NG KUNEHO

Paksa hanggang ngayon ng mga suki ko
yaong bumisitang vicario ni Kristo;
tampok sa iniwan niPope Francis dito
ang pananalita tungkol sa kuneho.

Hindi kailangang matulad sa rabbit
(na sa puntong breeding ay sadyang prolific)
ang mga magulang, winika ng Pontiff.
Baka sa parenthood ay makabalakid.

Dahil sa kuneho ay nabanggit tuloy
ang ulat na lampas sa sandaang milyon
ang paglobo nitong ating populasyon:
matuling paglaking dapat ure ko.

Ikinabit bilang paksa ang kuneho
sa umano'y survey na isang porsyento
ng world's population ang may monopolyo
sa yaman ng buong daigdigdin mismo.

Siyamnapu't siyam na porsyento naman,
ngayong 2015, ang bale miron lang:
Asensong matulin ng mangilan-ngilan
habang usad-pagong ang batugan o tamad.
bersongbarbero

Saganang Akin - WALANG GANAP NA LALAKI O BABAE

WALANG GANAP NA LALAKI O BABAE

Ang tao ay hindi kailanman lubos na lalaki o babae; walang kalalakihan, walang kababaihan, meron lang mayoryang sexual.

Ang isang lalaking di nagkikimkim ng pagkababae ay napakadaling dayain at patulugin ng imahinasyon niya o pag-aakalang nakahihigit siya sa isang kabalyero.

Ang isang babaing walang katiting mang tanda ng makalangit na kawalang-malay, na panlalaki, ay napakarealista para sa malalawak na paghahakang nagmumula sa kapusuran ng tinatawag nating henyo.

(Hango sa librong "DOBLE TRES, DOBLE UNO: 33 Sanaysay sa Pamilya at Lipunang Filipino" ni LAMBERTO E. ANTONIO)
saganangakin

prev 10 20 30 40 50 60 70 80 90 100 110 120 130 140 150 160 170 180 190 200 next