Bago idinaos ang polls 2013, kinalampag ng isang politiko ang kooperatibang pang-elektrisidad sa Cabiao, Nueva Ecija.
Binayo ng bagyo noong Oct. 11, bumalik sa bayan ang madilim na panahon at 2 weeks itong amoy-kandila.
Dumating ang liwanag na kaakibat daw ng power play ng politiko noong magbobotohan na. Bakit napakatagal nagtiis ang bayan?
Diumano, hinintay ng balisawsawing kooperatiba ang bagong bagyong magsasauli ng koryenteng tinangay ng nagdaang unos. Sampol ba ito ng "micro sense, macro madness"?
Mahigit 4 na dekada ang saklaw ng karera ko bilang manunulat, kasama ang ika-5 taon ng pagbubuhat, maghapon at/o magdamag.
Empleado akong nagbuhat noon, may buo-buong kita. Ngayong wala akong opisina, wala ring mabilang na barya-barya.
Kayraming nag-aakala: magaan ang pagbubuhat ko ng panulat. Naku, mas mabigat ito kaysa bangko (bench).
Kahit nagbubuhat at nagbabasa ako ng libro habang nakatayo, paupo kong ibinubuno ang panulat bago buhatin patungo sa dakong nais masapit ng (aking) isip.
Maririnig ko ang mga tinig buhat, o mula, sa ibang naunang mambubuhat. Iisa ang sinasabi: Mas makapangyarihan ang pluma kaysa espada.
Nagpapagunita ito ng isang kaybigat na papel ng manunulat: maging "budhi ng lipunan".
Natural kaninuman ang magbuhat ng sariling bangko. Ginagawa ko ito pag ganado ako.
Dahil ayokong basta gumaya, sama-samang binubuhat ko ang panulat, bangko at hapag.
(Prologo ito ng bagong kalipunan ng sariling mga akdang prosang kinikinis ni LEA)
Bersong Barbero - MINABOTE ANG USAPAN KAHIT WALA SA UMPUKAN
MINABOTE ANG USAPAN KAHIT WALA SA UMPUKAN
Kumusta ang TropangToma Tumba Zuka ang bato at atay, baga at bituka? Ano'ng latest update sa mga romansa? Nilulusob pa ba ng asa-asawa?
May isang katropang di muna bibilang ng boteng nabasyo at masinsing tagay, mga posteng sobrang dalang ang pagitan yaong bibilangin kung kayang dumungaw.
Ayam manalamin palibhasa'y talos ang pamumutiktik ng puti sa buhok, saka sapin-saping buhaghag na tumpok sa noo at pisngi ang mga kulubot.
Kumusta ang lista ng utang sa kanto? Mahaba pa rin ba? Kilo-kilometro? Ang mga upos ba'y nakamonumento sa bungi-bungi nang astrey-na-platito?
Ang katropa ninyo kung hinahanap man, ituring na hindi malaking kawalan; ang mas mahalaga, kayo ay nariyan muli sa mabote masebong biruan.
May napakabigat kasing iniinda, napilitantuloy itong magpahinga. Huwag, huwag sanang takawin ang mata: baka malagutan siya ng hininga.
Obra Muwestra - TUNGKOL SA POETIKA NG LIRIKA (Una sa Serye)
TUNGKOL SA POETIKA NG LIRIKA (Una sa Serye)
ni LAMBERTO E. ANTONIO
Bahagi ito ng papel na binasa ko sa workshop ng Sulat-Kamay Writers Guild na idinaos sa Cabiao, NE noong last quarter ng 2013.
Pawang liriko ang mga tulang isasalang; bago sinimulan ang talakayan, sinalakay ko ang pangkalahatang tematikong tirada ng nagsidalo.
Ginamit ko ang sumusunod na diskurso batay sa aking piyesang "Berso Buhat sa Baryo".
Sinasagap pa ba ng iyong hinagap ang alingawngaw ng aking tinig? Bumabaling ang talahib, naghahagkis sa katahimikan ng bulaklak na matalim ang hugis. Kinasasabikan ka ng himpilan. Sasambilatin ako ng habagat, ngayong ipinagkakait ng amihan ang iyong halimuyak.
Isang tula ng pangungulila, tila patunay ito sa pansing napagbubuklod ang emosyon at imahinasyon ng objective, malinaw at di-kumbensiyonal na paglalarawan ng kalikasan.
Arkitektoniko ang solong estropa. Pampasidhi sa damdamin ng paghihintay ang mga tunog ng siyam na linya.
Siyam din na hinati sa 3 clusters ang pagririmang pandulo: magkasunod at magkasalit, na sinuhayan ng ibang salitang kasintunog.
Allergic sa pagtitip ang isa kong kabarkada. Pagpapawili raw ito para maging palaasa ang tao.
Sa beerhouse, tila salot na iniiwasan ni Bark ang GROs kahit supersexy. Never siya nagteybol. Sobra na'ng patong sa presyo ng lady's drink, daig ko pa ang nagtip, angal niya.
Nagpizza kami minsan. Pagpunta niya sa CR naglagay ako ng coins sa mesa para sa waiter naming may ipinababalot sa counter.
Pagbalik ni Bark napansin ang coins, kinuha ibinabalik sa akin. Inignor ko kunwa kaya ibinulsa niya.
Paalis kami sa pizza parlor nang humabol ang waiter. Cesar po'ng ngalan ko, sir, sabi nito kay Bark. Di po ba ang para kay Cesar dapat ibigay kay Cesar?
Naobligasi Bark na isa-isang ipasahod sa palad ng waiter ang coins.
Nakataxi na kami nang sabihin ng kabarkada: Naisahan ako ng kumag, matalas na ang mata mahusay pa sa lohika!
Sa Freedom in the World 2014 report ng Washington-based Freedom House na sumaklaw sa 195 bansa, 88 ang klasipikadong "malaya" at 48 ang "hindi malaya".
Pakonsuwelo sa Pilipinas: ipinasunggab dito ng FH ang "best score" sa hanay ng lahat ng bansang kasapi sa Asean, na pawang "partly free" gaya ng Indonesia, Thailand, Singapore at Malaysia.
Nasisipat sa ulat ang paghilahod pa rin ng RP sa maraming larangan, na maraming kahinaan. Sa economy, halimbawa, nakakubabaw ang mga monopolyo at "oligopolies".
Ergo, dakdak lang ang diumano'y patas na kompetisyon.
Winawari na konektado sa sitwasyong iyan ang pagtalamak ng katiwalian at pagsikil sa mga tagataguyod ng kapakanang pampubliko.
Imbes na ipagyabang natin na sa Asia ay RP ang "balwarte ng kalayaan", pagtugmain natin ang sistemang demokratiko at tunay na pangangailangan ng ating sambayanan.