KALAYAANG SINIPAT
Sa Freedom in the World 2014 report ng Washington-based Freedom House na sumaklaw sa 195 bansa, 88 ang klasipikadong "malaya" at 48 ang "hindi malaya".
Pakonsuwelo sa Pilipinas: ipinasunggab dito ng FH ang "best score" sa hanay ng lahat ng bansang kasapi sa Asean, na pawang "partly free" gaya ng Indonesia, Thailand, Singapore at Malaysia.
Nasisipat sa ulat ang paghilahod pa rin ng RP sa maraming larangan, na maraming kahinaan. Sa economy, halimbawa, nakakubabaw ang mga monopolyo at "oligopolies".
Ergo, dakdak lang ang diumano'y patas na kompetisyon.
Winawari na konektado sa sitwasyong iyan ang pagtalamak ng katiwalian at pagsikil sa mga tagataguyod ng kapakanang pampubliko.
Imbes na ipagyabang natin na sa Asia ay RP ang "balwarte ng kalayaan", pagtugmain natin ang sistemang demokratiko at tunay na pangangailangan ng ating sambayanan.