balagtas.org

balagtas.org

Obra Muwestra - TUNGKOL SA POETIKA NG LIRIKA (Una sa Serye)

TUNGKOL SA POETIKA NG LIRIKA
(Una sa Serye)

ni LAMBERTO E. ANTONIO

Bahagi ito ng papel na binasa ko sa workshop ng Sulat-Kamay Writers Guild na idinaos sa Cabiao, NE noong last quarter ng 2013.

Pawang liriko ang mga tulang isasalang; bago sinimulan ang talakayan, sinalakay ko ang pangkalahatang tematikong tirada ng nagsidalo.

Ginamit ko ang sumusunod na diskurso batay sa aking piyesang "Berso Buhat sa Baryo".

Sinasagap pa ba ng iyong hinagap
ang alingawngaw ng aking tinig?
Bumabaling ang talahib,
naghahagkis sa katahimikan
ng bulaklak na matalim ang hugis.
Kinasasabikan ka ng himpilan.
Sasambilatin ako ng habagat,
ngayong ipinagkakait ng amihan
ang iyong halimuyak.


Isang tula ng pangungulila, tila patunay ito sa pansing napagbubuklod ang emosyon at imahinasyon ng objective, malinaw at di-kumbensiyonal na paglalarawan ng kalikasan.

Arkitektoniko ang solong estropa. Pampasidhi sa damdamin ng paghihintay ang mga tunog ng siyam na linya.

Siyam din na hinati sa 3 clusters ang pagririmang pandulo: magkasunod at magkasalit, na sinuhayan ng ibang salitang kasintunog.

(Itutuloy)
obramuwestra