Published ng Ateneo Press. Pinagtatagpo ng librong ito ang mga karanasang rural at urban, at ikinikislap ang pag-asa sa gitna man ng malungkot, malagim na buhay.
Obra Muwestra - ROMANSANG MAHIWAGA AT MAKAPANGYARIHAN
ROMANSANG MAHIWAGA AT MAKAPANGYARIHAN
Isang demonstrasyon ng dalubhasang pagromansa sa paksa ang nobelang "Halina sa Ating Bukas" ni Macario Pineda.
Background nito ang pagsailalim ng mga Pinoy sa maselang proseso ng pagbabago noong himagsikang 1896 at noong dumating ang hukbong pandigma ng Amerika.
Pulido, mabisa ang pagsasadula ng tadhana ng tao: hinuhubog ng sariling pagkukusa at mga impluwensiyang panrelihiyon, pampolitika, pangkalikasan.
Makilapsaw, matining ang teksto ng mahiwaga, makapangyarihang pagsintang higit sa pansariling interes ang saklaw.
Modelo si M. Pineda sa paghabi ng pananalitang malalim ang talab sa "sintaks ng sensibilidad" ng reader.
Pagsuri sa kahapon at sa ngayon at paglikha ng bukas ang anyaya ng nobela.
Ngayong Sept. ay 63 taon na ang Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, itinuturing na "benchmark of literary excellence" sa bansa.
Noong 2000 naitala sa memorial book (1951-2000) ng Palanca Foundation ang nanalong writers 1,447 mga akda nila sa iba't ibang categories: isang record ng pagkalikha ng "treasury of the hopes, the wisdom and the identity of the Filipino."
Sa pakahulugang iyan humuhugot ng dagdag na sigla ang maraming writers natin para sumali sa Palanca.
Trinity siyempre ng (alinmang) timpalak ang sponsor, entry/contestant, at hurado. Pamantayan sa paghatol ang pana-panahong kinukuwestiyon.
Tugon dito? Mismong 6 na dekada ng CPMAL.
Matatag ito sa pagsusulong ng "mission of providing nourishment for the national spirit."
Nakatipon sa DOBLE TRES, DOBLE UNO ni LAMBERTO E. ANTONIO ang mga piling sanaysay na nagpapalawak sa kahulugan ng ganitong komposisyong panliteratura. Pinapaksa ng libro ang mga usaping panlipunan at pangkulturang kinakaharap ng sambahayan at sambayanan sa kasalukuyang siglo. Muling makikita sa katipunang ito ang husay at lalim ni L. E. Antonio bilang manunulat.
Obra Muwestra - DOBLE TRES, DOBLE UNO: BAGONG LIBRO NI LAMBERTO E. ANTONIO
DOBLE TRES, DOBLE UNO: BAGONG LIBRO NI LAMBERTO E. ANTONIO
Katipunan ito ng 33 sanaysay sa pamilya at lipunang Pilipino na pinili mula sa mga akdang sinulat (1977-2008) ni LEA at inilathala kamakailan ng Ateneo de Manila University Press.
Ayon kay Antonio, marami siyang nabuong kuwento, nobelang kapos at tula na "nahubaran ng maskara" makaraang paulit-ulit niyang basahin. "Dapat naiklasipika bilang sanaysay ang mga ito,"sabi niya.
May walo pang aklat si LEA na nagpapakita ng husay, lalim at lawak niya bilang manunulat.
Kabilang dito ang Hagkis ng Talahib: Mga Tula (1980), na katatagpuan ng "tunay na pamumulaklak ng henyo ng makatang nakikisangkot," ayon sa guro at kritikong si Soledad S. Reyes.
Mahigit 4 na dekada ang saklaw ng karera ko bilang manunulat, kasama ang ika-5 taon ng pagbubuhat, maghapon at/o magdamag.
Empleado akong nagbuhat noon, may buo-buong kita. Ngayong wala akong opisina, wala ring mabilang na barya-barya.
Kayraming nag-aakala: magaan ang pagbubuhat ko ng panulat. Naku, mas mabigat ito kaysa bangko (bench).
Kahit nagbubuhat at nagbabasa ako ng libro habang nakatayo, paupo kong ibinubuno ang panulat bago buhatin patungo sa dakong nais masapit ng (aking) isip.
Maririnig ko ang mga tinig buhat, o mula, sa ibang naunang mambubuhat. Iisa ang sinasabi: Mas makapangyarihan ang pluma kaysa espada.
Nagpapagunita ito ng isang kaybigat na papel ng manunulat: maging "budhi ng lipunan".
Natural kaninuman ang magbuhat ng sariling bangko. Ginagawa ko ito pag ganado ako.
Dahil ayokong basta gumaya, sama-samang binubuhat ko ang panulat, bangko at hapag.
(Prologo ito ng bagong kalipunan ng sariling mga akdang prosang kinikinis ni LEA)
Obra Muwestra - TUNGKOL SA POETIKA NG LIRIKA (Una sa Serye)
TUNGKOL SA POETIKA NG LIRIKA (Una sa Serye)
ni LAMBERTO E. ANTONIO
Bahagi ito ng papel na binasa ko sa workshop ng Sulat-Kamay Writers Guild na idinaos sa Cabiao, NE noong last quarter ng 2013.
Pawang liriko ang mga tulang isasalang; bago sinimulan ang talakayan, sinalakay ko ang pangkalahatang tematikong tirada ng nagsidalo.
Ginamit ko ang sumusunod na diskurso batay sa aking piyesang "Berso Buhat sa Baryo".
Sinasagap pa ba ng iyong hinagap ang alingawngaw ng aking tinig? Bumabaling ang talahib, naghahagkis sa katahimikan ng bulaklak na matalim ang hugis. Kinasasabikan ka ng himpilan. Sasambilatin ako ng habagat, ngayong ipinagkakait ng amihan ang iyong halimuyak.
Isang tula ng pangungulila, tila patunay ito sa pansing napagbubuklod ang emosyon at imahinasyon ng objective, malinaw at di-kumbensiyonal na paglalarawan ng kalikasan.
Arkitektoniko ang solong estropa. Pampasidhi sa damdamin ng paghihintay ang mga tunog ng siyam na linya.
Siyam din na hinati sa 3 clusters ang pagririmang pandulo: magkasunod at magkasalit, na sinuhayan ng ibang salitang kasintunog.
Obra Muwestra - TUNGKOL SA POETIKA NG LIRIKA (Ika-2 sa Serye)
TUNGKOL SA POETIKA NG LIRIKA (Ika-2 sa serye)
ni LAMBERTO E. ANTONIO
Taglay ng piyesa ang mga pamilyar na sangkap sa maharayang paglalakip, gaya ng "amihan" at "habagat."
Ang literal na kahulugan ng mga iyan ay nalikha bilang mapagpahiwatig na kabatirang makirot: "bulaklak na matalim ang hugis," na bahagi ng tanawing rural.
Nakasalig sa tagisan ng memorya at olvido ang tematikong tirada.
Ipinaloob sa "Berso Buhat sa Baryo" ang dalawang panahong pantumbas sa tagisan (tag-araw at tag-ulan): isang dula ng matimyas na lumipas at mapait na kasalukuyan.
Imahinasyon ng makata ang tanghalan; mula sa imahinasyon, lumipat-lumapat sa damdamin ang dula, at vice versa. (TATAPUSIN)
Obra Muwestra - TUNGKOL SA POETIKA NG LIRIKA (Huling Bahagi)
TUNGKOL SA POETIKA NG LIRIKA (Huling Bahagi)
ni LAMBERTO E. ANTONIO
Mayorya ng aking mga tulang liriko nabuo sa sandali ng pangungulilang nagbunsod para mai-concratize ang creative solitude.
Dapat pansinin: nag-uulit ako ng mga salita't imaheng nagamit ko sa ibang sariling tula. Gayunman, iba ring kabatiran ang umiigkasmula sa mga estropa ng partikular na bagong piyesa.
Ihambing ang " Berso Buhat sa Baryo" sa mga lirikong tulang kabilang sa aking mga aklat ng tula, para makita ang kaibahan.
Ang diskurso, o mga notasyong ito ay malinaw na nagpapanukala: Tugunan ang problema ng bawat tulang isasalang sa workshop, na liriko, siksik ang structure pero buhaghag ang emosyon.
Obra Muwestra - ANG MAKATA SA DAIGDIG NG PERYODISMO
ANG MAKATA SA DAIGDIG NG PERYODISMO
Mabuting maging buwena manong karanasan ng makata ang pagsuong at pagsalat sa pook at pangyayaring "balitang-balita", na plano niyang gamiting materyal ng tula.
Mabuti, sapagkat titiyakin niyon ang pakikipagkilala niya sa kaligiran; higit na titingkad ang konteksto ng talinghaga.
Kung peryodista siyang nakatalaga sa desk kinailangang iba ang mainitan sa "usaping nagliliyab", titimbangin niya marahil ang halimbawang isang kamakatang "diyarista" rin.
Itinanim nito sa sariling isip ang matulaing abiso ni Francisco 'Balagtas' Baltazar: "ang balita'y bihirang magtapat, magkatotoo man marami nang dagdag".
Panahong 'kopong-kopong' nang sulatin ni Balagtas ang Florante at Laura na pinaghanguan ng abiso, pero mailalarga papunta sa konteksto ng tulang pangkasalukuyan.
Tulad ng alinmang larangan, may katangiang panlipunan ang peryodismo; ito pa nga ang dapat manguna sa pagsusulong ng diyalektika ng komunilasyon.
Nasa ubod ng pag-iral ng lahat ng gawain at palagay ang pangangailangangsikapin ang paglalantad ng buong katotohanan.
"Nakatali" sa desk, kumalap ang naturang kamakata ng dagdag na impormasyon, nagsuri, nagpakahulugan at pinanday sa sariling imahinasyon ang materyal.
Ang talinghaga sa pagiging peryodista ay nalilikha sa pagkabila ng makata sa balitang nasa anyo ng ulat.
Kung sadyang tama na pangingibabaw ng katotohanan ang naghuhudyat ng paglaya ng tao at lipunan, tama ring namamanginoon ang katotohanang iyan.
Dahil may mga bulaan at hangal: pinupulot nila ang mga tapyas at piraso ng pabago-bagong realidad, at itinatabon sa mga indibidwal at institusyong tumataliba sa katinuan at karangalan.
"Dagdag na balita" ang tula bilang tagapagbunsod ng buong katotohanan.
Obra Muwestra - 'THE SKELETON YOUR PAINS TURN INTO A MONSTER'
'THE SKELETON YOUR PAINS TURN INTO A MONSTER'
Ayon kay guro- kritikong Soledad S. Reyes, isang malinaw na halimbawa ng puwersa sa poetry ni LAMBERTO E. ANTONIO ang "Gabi ng Isang Piyon".
Sa tulang ito ni LEA, "itinapat ng persona ang kalagayan ng piyon sa pangkalahatang buhay ng karaniwang trabahador--ang mahabang oras ng pagbubuwis ng dugo, ang mga kasangkapan sa paggawa, ang kawalan ng pag-asa, ang sakit at dusa sa katawan at kaluluwa, ang kawalan ng katarungan".
Mula sa aklat ng tulang "HAGKIS NG TALAHIB" (LASH OF WILD GRASS) ni Antonio ang nasabing piyesa, na isinalin sa English ng National Artist na si Bienvenido Lumbera, at ilang ulit nakasama sa mga antolohiya.
Ipinamagat ni Lumbera ang "Night of A Construction Worker" sa selection na ganito ang teksto:
Unable to sleep. Yes, hands have let go of shovel, Hammer, pipe, wire and other tools, But dismissal at five had failed to signal Gravel, cement and filling earth To let go of your breath. When the lightbulb flickers out, There's only the dark to ask to nurse the flaring up And the throbbing of the littlest muscle, blister, bruise and cut On arm and finger, and the stab at the heart and brain, As you lie on cast-off plywood board, wood shaving Or empty cement bags in the solitary corner Of the building a sketch as yet on drafting paper. Unable to sleep. One whose fatigue has seeped to the very bones Needs a visit from drowsiness, but before your gaze Cement mixer keeps churning without tiring it seems-- More blood and sweat to mix with sand and cement, Flesh you will slap Onto ribs of iron: the skeleton your pains Turn second by second into a monster, In return for wage that barely staves off hunger, For dreaming up more construction jobs to come, For prayers made musty by sweat and magic spell. Moments like these when neon lights shred the dark, When labor contractor and greedy right-hand man have gone home, Dark shapes crouch and stick accusing fingers in the mind: Sunken cheeks of the sickly newborn Or wife whose eyes blur At the unappealing meal of congee and grains of salt... And, too, cold night spread by the late hour A prescribed balm on bare torso That resists convincing it's turning into skin and bones. How can you fall asleep When each time you stretch out on your back it seems the stars Are slowly swallowed up by the towering roof above? Only the dark in the corner to ply with queries: Why gravel, filling earth and sand Refuse to let go, weighing on your breath-- Each time the thought looms in your mind you're part Of the scaffolding you yourself one of these days, will take apart.
Masculinity ang bulaklak na talusaling, dapatalagaang orchids sa bahay na mainit, laging balagan at busugin. Kasukat ng problema ng lalaki ang sarili niyang mapagmalaki, taglay ang lahat ng bagay, kabilang ang pagmaliit sa babae. Para sa lalaking nag-aakalang kasinlaki ng mundo ang kanyang ulo, malaking banta ang ginang o dalagang nakasambot ng layang karampot: nakahawak ng tingting at kabadong alboroto ang macho, balak umano siyang walisin nito. Krisis na sexual iyan, nakasanayang masdan ang hagupit na ukol lamang sa nilikhang mapagtiis at hinugot daw sa tadyang.
Libog (Halaw kay Susan Minot)
Napakanormal ang pagsiping kahit kanino, kapag nasimulan mo ito. Patuloy silang dumarating, pumapaligid. Matapos ang sex namamaluktot kang tila hipon, napinsalaang kalooban. Di mo sisikaping magpaliwanag o humingi ng kahit ano, o bahagyang mangusap sa kaharap. Nagbubukas ka ng mga hita, hindi makapagbukas ng puso. Ginagawa mo ang lahat ng gusto nila. Pagkaraan, nagkakamot sila ng bayag, o titingin sa kisame. Pagbaling nila sa iyo, sasabihin ng kanilang tingin: Anak ng pating, naglaho na yata ang babaing nilalaspag natin.
Obra Muwestra - ADAPTASYON NG AWIT NOON (Una sa 3 Bahagi)
ADAPTASYON NG AWIT NOON (Una sa 3 Bahagi)
ni LAMBERTO E. ANTONIO
SARONG BANGGUI (Para kay JMA)
Natingala kita at ito'y sapat na; naglaho subalit dito sa dibdib ko, lumitaw na muli ang kaanyuan mo. Inakalang ganggam sa pananagimpan ang aking narinig habang umaawit, ngunit gising ako at iyo ang tinig. Hugis-mukhang hiyas ang naiwang tatak sa akin ng ganggam at gabing madilim upang sa tuwina ay pakamutyain. (Itutuloy)
Obra Muwestra - ADAPTASYON NG AWIT NOON (Ika-2 sa 3 Bahagi)
ADAPTASYON NG AWIT NOON (Ika-2 sa 3 Bahagi)
ni LAMBERTO E. ANTONIO
SAKAY-SUKOB
Napakiusapang isakay ang bata, sumagwan pabalik, mula sa Maynila, ang mamang may dalang sambangkang mantika. Napakiusapang isukob ang sanggol, nagpa yong pabalik, mula sa Malabon, ang aleng may dalang sambaldeng bagoong.
Obra Muwestra - ADAPTASYON NG AWIT NOON (Huli sa 3 Bahagi)
ADAPTASYON NG AWIT NOON (Huli sa 3 Bahagi)
ni LAMBERTO E. ANTONIO
SITSIRITSIT
Sitsiritsit, alibambang, naira os na ang kasal; sa paghimbing ng heneral, ang senyora ay daratal. Dumidinig sa tugtugin ang duluhang sasapitin, sumasayaw ang damdamin sa maputik na landasin. Salagubang, salaginto, may handaang walang hinto: pandalawa at patago, pamawi ng panibugho.
Yumao noong 17 Abril 2014 si Gabriel Garcia Marquez, ang manunulat ng Colombia. "Internationally acclaimed" ang kanyang mga nobelang "One Hundred Years of Solitude"(1970) at "Love in the Time of Cholera"(1988) at maging ang maiikling katha niya.
Nag-aral ng batas, nagsulat ng screenplay, nagreporter para sa peryodikong Colombian na El Espectador, at nagkorespondentsa Rome, Paris, Barcelona, Caracas at New York, pinagtambal ni GGM ang malikhaing pagsulat at mapagsiyasat ng pag-uulat.
Nakahulma sa kombinasyong ito ang reputasyon niya kaugnay ng "magical realism". Nanalo siya ng Nobel Prize for Literature noong 1982.
Isang imahen ang nagpapaigkas ng mga istorya ni Garcia Marquez: sumisibol at lumalago sa ulo niya ang imahen hanggang mabuo ang akdang puwedeng maranasan sa tunay na buhay.
Isinilang sa Aracataca, Colombia noong 1928 si GGM na nagwika minsan: "Mula nang naisin kong maging manunulat, wala kahit sinong nakapigil sa akin. Maging pinakamahusay na writer sa buong mundo ang natitirang bagay na magagawa ko".
Tips sa mahusay na pagsulat ng kuwento ang hiningi minsan sa akin ng isang grupo ng mga bagito at ilang beterano sa larangang pampanitikan.
Sampay-bakod ang aking mga obra at pansariling opinyong panliteratura, sabi ko sa kanila. Inirekomenda kong bumaling sila sa 3rd edition ng The Story and Its Writer (1991) ni Ann Chambers, editor, sakaling di pa nila nabasa ito.
Napakaraming selections ng 1,607-pahinang libro: 115 stories ng 84 authors (kanluranin at di-kanluranin) na malamang pakinabangan ng mga kinauukulan.
Kinailangang magkaroon ng panibagong edisyon ang aklat, ani Chambers. Pinasibol ito ng pagnanais niyang makapagturo mula sa isang antolohiyang siksik sa mga pangungusap ng manunulat tungkol sa maikling kuwento, pagkaraan ng mga taon ng kawalang-kasiyahan sa paggamit ng textbook na siksik sa mga pangungusap ng editor.
Ang 3rd edition ay mistulang galerya ng 'sila ang sila' o 'sino ang sino' sa literaturang may pandaigdigang saklaw ang mga akda: klasikong salaysay, modernong obra maestra, seleksiyong contemporary.
May mga komentaryo sa sari-sarili nilang akda o akda ng iba ang mga awtor mismo, dili kaya'y mga kritikong pumulso sa selections.
Napatnubayan ako ng librong ito sa malalimang pag-unawa sa (pag)katha.
Naipahiwatig sa akin ng The Story... kung paano medyo hahangaan sa pagiging sampay-bakod ang isang manunulat.
(Mula sa Siyam Nawa at 99 pang Tula ni Lamberto E. Antonio)
Pinapagod ka ng aking alaala, namamagitan ang pitagan.
Ipinagtitimpla mo ako ng kape, pagkapansing minsan pa, mangangahas akong maglayag pabalik sa mundong kayang-kaya kong paikutin sa sariling palad at sa balikat ng mga kapanahong hinukos ng edad.
Idinidikta ng pag-iisa ang magpakaumid, maghinay-hinay sa paghigop, namnamin ang kilapsaw sa balintataw.
Pinagpipitaganan ko ang iyong pahiwatig: na tanging sa isip lamang laging sariwa ang lumipas.
Sa pagkupas ng magdamag, panatag akong naiidlip sa pag-uumaga, umaasang mas maaliwalas ang maghapon at nanumbalik ang sigasig mong magtanong.
Magpapakapagod ako sa pagpapalutang ng pira-pirasong alaala, at sasagipin, sisinupin mo ito.
1. Ginising siya ng biglang pagbuhos, biglang pagtila ng ulan. At naisip niya ang mahahabang tag-araw nilang mag-asawa; ang mga pangarap, na kalahati ang nasa ibayong-dagat. Nang buksan niya ang bintana, iwinisik ng hangin ang kanyang luha.
2. Pakimkim ng palangiting mutya ang katahimikang kasintigas ng bato. Dinibdib ko, pinasabog ito ng bumigwas na gunita ng pagluhang kasimpait ng apdo.
Obra Muwestra - 'PINAG-UUSAPAN NGAYON': ISANG EBALWASYON (Una sa 3 Bahagi)
'PINAG-UUSAPAN NGAYON': ISANG EBALWASYON
ni LAMBERTO E. ANTONIO
(Una sa 3 Bahagi)
Tinutukoy ng 'ngayon' sa titulo ng katipunang ito ng halos 50 kolum ni Bienvenido A. Ramos ang panahong umiiral sa bansa ang martial law. Dalawang ulit (1979 at 1981) nanalo ng Grand Opinion Award sa Catholic Mass Media Awards ang pitak ni Ramos sa magasing Liwayway na inedit niya noon.
Ipinagugunita ng serye ng 'parang editoryal o opinyong' ito ang 'literatura ng kumprontasyon' at 'literatura ng sirkumbensiyon' na kinailangang pagpilian ng mga manunulat sa naturang yugto ng pagbabawal ng rehimeng Marcos ang pagsulat tungkol sa dahas at sex at lalo na, ang pagpuna sa gobyerno.
Na matagumpay namang nagampanan ni Ramos ang tungkulin niya bilang editor nang di siya lumitaw na subersibo sa tingin ng rehimen ay isang indikasyon ng pagpapairal ng sariling pakahulugan sa dalawang paraang iyon ng pag-akda.
Sa mga piyesa ng katipunan, pinagsugpong ni Ramos ang kumprontasyon at sirkumbensiyon sa talakay ng mga isyu.
May tuon sa kostumbre ng mamamayan at pailalim na hagupit sa sistema ng pamamahalana ang paninikil ay ikinukubli ng mga slogan gaya ng 'Bagong Lipunan', 'demokratikong rebolusyon' at 'Bagong Republika.'
Obra Muwestra - 'PINAG-UUSAPAN NGAYON': ISANG EBALWASYON (Ika-2 Bahagi)
'PINAG-UUSAPAN NGAYON': ISANG EBALWASYON
ni LAMBERTO E. ANTONIO
(Ika-2 Bahagi)
Nailakip ni B. A. Ramos sa kanyang karera bilang makata-mangangatha ang kritika ng mga halagahang bumabaluktot sa asal ng indibidwal at bumubulok sa institusyon.
Naibuklod sa mga isyung pambarangay at pambansa ang mga pangyayaring pandaigdig, isang negasyon ng lakas at talinong nalulustay.
Naglalahad siya ng mga kabatirang piniga mula sa mga tunggalian; mahahalata ang rubdob sa pagpapanukalang bukod sa pagsalungat sa tiwaling gawain, imperatibo para sa indibidwal at institusyon ang "pagsasaliksik-kaluluwa."
Ang ganitong postura at praktika ni Ramos, sa pagsulat ng opinyon, ay positibong halimbawa ng populistang pag(papa)dulog.
Obra Muwestra - 'PINAG-UUSAPAN NGAYON': ISANG EBALWASYON (Ika-3 at Huling Bahagi)
'PINAG-UUSAPAN NGAYON': ISANG EBALWASYON
ni LAMBERTO E. ANTONIO
(Ika-3 at Huling Bahagi)
Gumagamit si Ramos ng mga salita at praseng "malapit sa bituka ng masa." May metaporikong takbo ng diskursong nakabatay sa karanasan na (inaakalang) pamilyar sa mayorya ng readers.
Matagal nang pinabagsak ng people power ang rehimeng Marcos at nasundan ito ng isa o dalawa pang gayong pagkilos na "extra-constitutional." Pero ayon sa malalim na pahiwatig ng awtor, tila hindi natuto ang mga mamamayan sa mga aral ng kasaysayan.
At tila kailangan ding manatiling 'ngayon' (kasalukuyang panahon) ang 'noon' para muling tangkaing maibalik ang (marangal na) ideal--o yaong mithing hindi nakakanal sa materyosong konsiderasyon.
Sa isang seleksiyon, ganito ang pagwiwika ni Ramos: "Bumabagtas ang bansa sa nag-aalimpuyong unos, unos na siyang lohikal na bunga ng ating inihasik na hangin sa nagdaang mga panahon ng ating pagpapabaya, pagpapaubaya, kahangalan at pagwawalambahala."