balagtas.org

balagtas.org

Obra Muwestra - 'PINAG-UUSAPAN NGAYON': ISANG EBALWASYON (Una sa 3 Bahagi)

'PINAG-UUSAPAN NGAYON': ISANG EBALWASYON

ni LAMBERTO E. ANTONIO

(Una sa 3 Bahagi)

Tinutukoy ng 'ngayon' sa titulo ng katipunang ito ng halos 50 kolum ni Bienvenido A. Ramos ang panahong umiiral sa bansa ang martial law. Dalawang ulit (1979 at 1981) nanalo ng Grand Opinion Award sa Catholic Mass Media Awards ang pitak ni Ramos sa magasing Liwayway na inedit niya noon.

Ipinagugunita ng serye ng 'parang editoryal o opinyong' ito ang 'literatura ng kumprontasyon' at 'literatura ng sirkumbensiyon' na kinailangang pagpilian ng mga manunulat sa naturang yugto ng pagbabawal ng rehimeng Marcos ang pagsulat tungkol sa dahas at sex at lalo na, ang pagpuna sa gobyerno.

Na matagumpay namang nagampanan ni Ramos ang tungkulin niya bilang editor nang di siya lumitaw na subersibo sa tingin ng rehimen ay isang indikasyon ng pagpapairal ng sariling pakahulugan sa dalawang paraang iyon ng pag-akda.

Sa mga piyesa ng katipunan, pinagsugpong ni Ramos ang kumprontasyon at sirkumbensiyon sa talakay ng mga isyu.

May tuon sa kostumbre ng mamamayan at pailalim na hagupit sa sistema ng pamamahalana ang paninikil ay ikinukubli ng mga slogan gaya ng 'Bagong Lipunan', 'demokratikong rebolusyon' at 'Bagong Republika.'

(Itutuloy)
obramuwestra