'PINAG-UUSAPAN NGAYON': ISANG EBALWASYON
ni LAMBERTO E. ANTONIO
(Ika-3 at Huling Bahagi)
Gumagamit si Ramos ng mga salita at praseng "malapit sa bituka ng masa." May metaporikong takbo ng diskursong nakabatay sa karanasan na (inaakalang) pamilyar sa mayorya ng readers.
Matagal nang pinabagsak ng people power ang rehimeng Marcos at nasundan ito ng isa o dalawa pang gayong pagkilos na "extra-constitutional." Pero ayon sa malalim na pahiwatig ng awtor, tila hindi natuto ang mga mamamayan sa mga aral ng kasaysayan.
At tila kailangan ding manatiling 'ngayon' (kasalukuyang panahon) ang 'noon' para muling tangkaing maibalik ang (marangal na) ideal--o yaong mithing hindi nakakanal sa materyosong konsiderasyon.
Sa isang seleksiyon, ganito ang pagwiwika ni Ramos: "Bumabagtas ang bansa sa nag-aalimpuyong unos, unos na siyang lohikal na bunga ng ating inihasik na hangin sa nagdaang mga panahon ng ating pagpapabaya, pagpapaubaya, kahangalan at pagwawalambahala."