balagtas.org

balagtas.org

Obra Muwestra - LIHAM NI RIZAL SA UNANG KATIPAN NIYANG 14 ANYOS

LIHAM NI RIZAL SA UNANG KATIPAN NIYANG 14 ANYOS

Ikaw, Segunda
ang nagsimulang magturo
sa akin ng kataka-taka,
kapana-panabik,
kapanga-pangambang pagpintuho.

Ninais kong talikuran ang layuning nailunsad:
may katipan ka na,
ayokong makasugat sa pag-ibig
ang aking panig.

Tinipan kita sa panaginip;
nagisnan sa siyudad;
pinagliwanag ng pagtalikod mo
sa kanya ang pitak sa damdaming ito.

Pinantig ta
sa pintig ang unawaang ganap
na mamumukadkad
kapag nagkita tayo sa Laguna.

Bakit nagdalawang-loob ako
nang dumating
ang sasakyan mo, nagwagayway ka
ng panyolito,
at natulos ako sa gilid ng daan
at naghubad lang ng sumbrero?

O, masimbuyong pagwawari...
Ay, pagkakiming naghari.
Pasintabi kung tuluyang naglaho
sa paningin ang umasang paraluman.

Senyorita Segunda Katigbak:
Habang naglalakbay
at nagsusunog ako ng kilay
sa malayong lupalop, naglalayag sa balintataw
ang isang dalagita--

Siya na unang guro ng puso
ng kabataang anak ng Kalamba.

--Tula ni LAMBERTO E. ANTONIO
obramuwestra