balagtas.org

balagtas.org

Obra Muwestra - LINGAP SA LUMIPAS

LINGAP SA LUMIPAS

(Mula sa Siyam Nawa at 99 pang Tula ni Lamberto E. Antonio)

Pinapagod ka ng aking alaala,
namamagitan ang pitagan.

Ipinagtitimpla mo ako ng kape,
pagkapansing minsan pa,
mangangahas akong maglayag
pabalik sa mundong kayang-kaya
kong paikutin sa sariling palad
at sa balikat ng mga kapanahong
hinukos ng edad.

Idinidikta ng pag-iisa
ang magpakaumid, maghinay-hinay
sa paghigop, namnamin
ang kilapsaw sa balintataw.

Pinagpipitaganan ko ang iyong pahiwatig:
na tanging sa isip lamang laging sariwa ang lumipas.

Sa pagkupas ng magdamag,
panatag akong naiidlip sa pag-uumaga,
umaasang mas maaliwalas ang maghapon
at nanumbalik ang sigasig mong magtanong.

Magpapakapagod ako
sa pagpapalutang ng pira-pirasong alaala,
at sasagipin, sisinupin mo ito.
obramuwestra