balagtas.org

balagtas.org

Obra Muwestra - ANG MAKATA SA DAIGDIG NG PERYODISMO

ANG MAKATA SA DAIGDIG NG PERYODISMO

Mabuting maging buwena manong karanasan ng makata ang pagsuong at pagsalat sa pook at pangyayaring "balitang-balita", na plano niyang gamiting materyal ng tula.

Mabuti, sapagkat titiyakin niyon ang pakikipagkilala niya sa kaligiran; higit na titingkad ang konteksto ng talinghaga.

Kung peryodista siyang nakatalaga sa desk kinailangang iba ang mainitan sa "usaping nagliliyab", titimbangin niya marahil ang halimbawang isang kamakatang "diyarista" rin.

Itinanim nito sa sariling isip ang matulaing abiso ni Francisco 'Balagtas' Baltazar: "ang balita'y bihirang magtapat, magkatotoo man marami nang dagdag".

Panahong 'kopong-kopong' nang sulatin ni Balagtas ang Florante at Laura na pinaghanguan ng abiso, pero mailalarga papunta sa konteksto ng tulang pangkasalukuyan.

Tulad ng alinmang larangan, may katangiang panlipunan ang peryodismo; ito pa nga ang dapat manguna sa pagsusulong ng diyalektika ng komunilasyon.

Nasa ubod ng pag-iral ng lahat ng gawain at palagay ang pangangailangangsikapin ang paglalantad ng buong katotohanan.

"Nakatali" sa desk, kumalap ang naturang kamakata ng dagdag na impormasyon, nagsuri, nagpakahulugan at pinanday sa sariling imahinasyon ang materyal.

Ang talinghaga sa pagiging peryodista ay nalilikha sa pagkabila ng makata sa balitang nasa anyo ng ulat.

Kung sadyang tama na pangingibabaw ng katotohanan ang naghuhudyat ng paglaya ng tao at lipunan, tama ring namamanginoon ang katotohanang iyan.

Dahil may mga bulaan at hangal: pinupulot nila ang mga tapyas at piraso ng pabago-bagong realidad, at itinatabon sa mga indibidwal at institusyong tumataliba sa katinuan at karangalan.

"Dagdag na balita" ang tula bilang tagapagbunsod ng buong katotohanan.

(Celing Labuyo)
obramuwestra