balagtas.org

balagtas.org

Obra Muwestra - DALAWANG SUSAN SA AKING AKLATAN

DALAWANG SUSAN SA AKING AKLATAN

ni LAMBERTO E. ANTONIO

Ang Malaki sa Lalaki (Halaw kay Susan Faludi)

Masculinity ang bulaklak na talusaling,
dapatalagaang orchids
sa bahay na mainit,
laging balagan at busugin.
Kasukat ng problema ng lalaki
ang sarili niyang mapagmalaki,
taglay ang lahat ng bagay,
kabilang ang pagmaliit sa babae.
Para sa lalaking nag-aakalang kasinlaki
ng mundo ang kanyang ulo,
malaking banta ang ginang
o dalagang nakasambot
ng layang karampot:
nakahawak ng tingting
at kabadong alboroto ang macho,
balak umano siyang walisin nito.
Krisis na sexual iyan,
nakasanayang masdan
ang hagupit
na ukol lamang sa nilikhang mapagtiis
at hinugot daw sa tadyang.

Libog (Halaw kay Susan Minot)

Napakanormal ang pagsiping kahit kanino,
kapag nasimulan mo ito.
Patuloy silang dumarating, pumapaligid.
Matapos ang sex
namamaluktot kang tila hipon,
napinsalaang kalooban.
Di mo sisikaping magpaliwanag
o humingi ng kahit ano,
o bahagyang mangusap sa kaharap.
Nagbubukas ka ng mga hita,
hindi makapagbukas ng puso.
Ginagawa mo ang lahat ng gusto nila.
Pagkaraan, nagkakamot sila ng bayag,
o titingin sa kisame.
Pagbaling nila sa iyo,
sasabihin ng kanilang tingin:
Anak ng pating,
naglaho na yata ang babaing
nilalaspag natin.
obramuwestra