Bersong Barbero - PAANO TUMANAW NG UTANG NA LOOB? LEONG DE-PUSTISO BAHALANG SUMAGOT
PAANO TUMANAW NG UTANG NA LOOB? LEONG DE-PUSTISO BAHALANG SUMAGOT
Isa pong dentistang mahusay si Andro. Minsan ay bumagtas siya sa disyerto, natagpua'y leong nawindang ang ngipin nang isang kung sino'y tinangkang lamunin.
Naawa si Andro kung kaya bumuo siya agad-agad ng pustisong ginto. Eksakto ang sipat gayundin ang sukat, sa bibig ng leon ay lapat na lapat.
Paglipas ng ilang taon, ineksibit po sa Roman circus ang Kristiyanong dentist bago ibalato sa kawan ng hayop na pawang mabangis, gutom sa paglusob.
Lumabas ang isang leon sa kulungan saka nakanganga, Andro'y nilapitan; natiyak na gawa niya ang pustiso, nakilalanaman ng hayop si Andro.
Paghimod sa paa ni Andro ng leon, ito sa sarili ay biglang nagtanong, "Anobang paraan ang pinakatampok bilang pagtanaw ko ng utang na loob?"
Naisip: "A, siyang sa aki'y nagligtas ay karapat-dapat bigyang publisidad." Ilang sagpang lamang, inubos si Andro ng leon sa tulong ng gintong pustiso.
Ano pa ba ang di nasabi tungkol sa romantic love? Wala na. Pero maraming dapat ipakita. Isang demonstrasyon nito ang "Bisperas ng Kasal" ni Amado Amorco:
Mahabang putol ng iyong malusog malago maitim na buhok ang ibinunyag ng kahong dumating.
Bumuhol sa aking panimdim ang kasamang kalatas: hindi ganap na hihiwalay ang sintang ihaharap ng iba sa altar.
Ano pa ang maiuukol ko sa pampalubag-loob na ito?
Hindi puputi ang munting bungkos; makakapal na hibla ng alaala ang mag-uunahang kumupas at malagas, habang nakalilim sa sinawing palad.
Nakikinabang ang industriya ng advertising sa isang artipisyal na salitang inimbento ng humorist na Kanong si Gelett Burgess.
Patok siya sa readers at listeners noong 1920s at 1930s nang makatuwaan ni GB na paglaruan ang diskarte ng advertisers.
Naghanda ng dummy book jacket para sa convention ng isang publisher, nagnakaw siya ng sketch ng isang kaibig-ibig, kabataang babae at idinispley niya ito.
Nilagyan ni Burgess ng maikling endorsement ni "Miss Belinda Blurb" ang libro. Nagtagumpay si GB: nakabilang sa sirkulasyon ang pekeng entusiyasmo ni Belinda Blurb.
Tinawag na "blurb" ang anumang abisong papuri sa ibinebentang libro, plaka, kotse, etsetera.
(Batay sa librong Why You Say It ni Webb Garrison)