INODORO SA DULO
(Ayon kay Bertolt Brecht)
Hindi damuhang malapit sa nitso ng aking magulang ang bahagi ng mundong pinakagusto kong lugaran.
Hindi ang kama ng puta, o luhuran sa kompesyonaryo, o malambot malusog mainit na suso.
Inodoro ang laging pinakamagandang dulo ng pag-atras sa mga bagay na ayaw mo sa mundo.
Doon, makauupo ka, kontentong matatalos: nasa ulunan ang mga bituin, nasa ibaba ang ipot.
Isang kaibig-ibig na lugar; makapagsosolo ka, kahit sa gabi ng iyong kasal. Isang lugar na mapagpakumbaba, nagpapatanggap na hamak kang nilikha.
(Halaw ni Ambo T. Abra)