balagtas.org

balagtas.org

Saganang Akin - ANG PISO NATIN NOON

ANG PISO NATIN NOON

Sino-sino kaya sa Generation X ang nakababatid, at makikihati, sa kasiyahan kong gunitain ang tatag ng pisong Pinoy? Inabutan ko ang panahon na one peso=$2 ang exchange rate.

Oks pa rin ang peso power paglipas ng ilang taon, kahit medyo nabawasan. Bukambibig ang "upong-diyes" ng pasahero sa jeepney at sa tinalikdang ilang taon, nahihingi lang sa sarisari store ang panrekado sa lutuin.

Sa baryo namin, malaki ang role ng kusing (kalahati ng one centavo) sa gawaing pangkusina.

Ang kusing ay makabibili ng bagoong suka luya bawang sibuyas paminta at sa "pakyaw" na iyan kasama ang hinging asin at sili.

Five centavos ang baon (allowance) ng mga estudyante sa elementary at high school at amount iyan na pambili nila ng kamote o banana cue na 3-5 pirasong nakatuhog, sansupot na hopia, santol sinuguelas kaimito mangga. May matitira pang pambili ng leche o halo-halong yelo gatas asukal.

Nagyayabang, nagmamarangya sa pag-uwi ang tagabaryong kumakayod sa malayong siyudad dahil dala niya ang 90 pisong suweldo sa isang buwan. Bale hepe siya ng isang division sa office niya.

Mula sa panahon kong iyon, parang yoyo ang piso. Baba-taas ang purchasing power. "Libonaryo" ngayon kahit sinong empleado (thousands ang buwanang sahod) pero ano'ng katapat? Presyo ng bilihin at serbisyong taas taas taas.

Sinubok kong muli kamakailan na mabuhay sa lumipas. Nilimusan ko ng one peso ang isang pulubi. Ibinato niya iyon sa akin.

--
Boni Baltazar
saganangakin

Saganang Akin - MAESTRO BATO

MAESTRO BATO

Isang pundador ng Bato Gang, na Maestro kung tawagin, ang nanaginip noong bisperas ng 60th birthday niya.

Kinausap siya ng isang hermit, tinanong kung ano'ng ginagawa niya sa buhay na kaloob ng Diyos.

Nagising si Maestro, napatingin sa kalendaryo. Naisip niya, first time siya pinukol ng ganung tanong.

Naisip din ni Maestro: buti na lang, di nalaman ng hermit ang sagot.

Sa buong buhay niya, busy siyang maghintay ng b-day, at kumain at matulog.
saganangakin

Saganang Akin - KAILANGAN NG BATA: MAWILING BUMASA NG LIBRO

KAILANGAN NG BATA: MAWILING BUMASA NG LIBRO

Bahagi ng wastong paglaki ng bata ang kawilihan niyang bumasa ng libro, ayon sa experts. Paalala nila: "Readers are made, not born."

Narito ang halaw ng ilang kaugnay na kabatiran.

Pangunahing instrumento sa socialization ang pagsasalita. Ang kalidad ng usapang pampamilya ay malalim na natatanim sa utak ng bata.

Pag ang sinasabi ay mayaman sa nilalaman, paksa, anekdota, pagbabahagi ng opinyon at karanasan, at sinasambit na iba-iba ang tono at makulay at malikhain, naihahanda ang bata upang masapol (grasp) niya ang mga posibilidad ng wika.

Pag di nagbabasa ang magulang, kalimitang di rin nagbabasa ang anak niya. Bumibigat ang problema pag di nagbabasa pati titser.

Mahalaga ang paligid. Ang pagbabasa, maging ito ay pinag-uukulan ng oras at uri ng kalagayang pisikal na kailangan man o hindi, ay nakakaapekto sa ugali at pananaw ng bata tungkol sa libro.

Baka maging bitag sa pagtuturo sa bata ang iisang paraan ng pagbasang naghahangad lang ng pagkuha ng impormasyon. Timbangin ang tinatawag na kakitiran ng "opisyal na literaturang" inihaharap sa bata bilang pinagtibay na babasahin at aralin.
saganangakin

Saganang Akin - KALAMIDAD, KARIDAD AT BARADONG ULIRATO

KALAMIDAD, KARIDAD AT BARADONG ULIRATO

Weather you like it or not, mas madalas babaha, mas maraming pamayanang malulubog sa tubig-ulan.

20 bagyo o higit pa ang bumabayo sa RP taon-taon. Tumitindi ang pamiminsala dahil sira ang ecological balance.

Kinakalbo ang bundok at gubat, tinatambakan ng latak ng kaunlaran ang waterways.

Nakabalakid sa daluyan patungong dagat ang sala-salabid na tanda ng kasalaulaan; ruruta at mamimiyapis ang baha sa mababang pamayanan.

Balisawsawin o sumpungin ang implementasyon ng hakbanging iwas-bawas-pinsala. Taranta pag kinakalamidad, kesehoda pag aliwalas ang panahon.

Nakararaos daw naman, sa ayuda ng karidad.

Baradong kaisipan at ugaling ningas-kugon ang pampagrabe sa sitwasyon.
saganangakin

Saganang Akin - PAGDAAN NG MEDIA SA IBABAW NG BANGKAY

PAGDAAN NG MEDIA SA IBABAW NG BANGKAY

Kampante ang media, brodkast lalo na, sa maling paggamit ng salita.

Tampok na halimbawa ang "maliban." Wala ito sa tagpo pero pinapapapel sa halip na "bukod" ang tama at dapat gumanap.

Pinatay ng media ang "bukod" at padaan-daan sa ibabaw ng bangkay nito, habang bitbit ang "maliban".

Bale "besides" ang bukod at "except" ang maliban; dagdag ang una, bawas ang huli.

Huwag naman tayong maging iresponsable sa pagwiwika habang nagsusulong tayo ng "responsableng pamamahayag".
saganangakin

Saganang Akin - ANG TUNAY NA TRADISYON

ANG TUNAY NA TRADISYON

Naglahad minsan si Igor Stravinsky ng pakahulugan sa tradisyon. Sabi niya:

"Hindi relikya ng naglahong panahon ang tunay na tradisyon kundi buhay na puwersang nagpapasigla at pumapatnubay sa kasalukuyan.

"Isang pamana ang tradisyon: tinatanggap natin pero dapat pinamumunga bago ipagkatiwala sa susunod na henerasyon.

"Walang kinalaman sa pag-alinsunod sa tradisyon ang panghihiram ng isang method dahil napapalitan itong huli.

Isinusulong naman ang tradisyon para makalikha ng bago.

Bagaman sining ng musika ang paksa ni Stravinsky, mapagbabatayan ito ng pagsusuri sa ibang larangan.
saganangakin

Saganang Akin - GUSTO AY GUSOT

GUSTO AY GUSOT

Nabubuhay at namamatay ang Pinoy sa katwirang kapag may gusot may lusot.

Bakit siya pasasagasa? Ano, may topak? Mas gugustuhin niyang managasa. Madali namang lusutan.

Lalaitin pa niya ang sinagasaan: tanga kasi!

Lumalaki ang gusot, lumalalim ang ugat ng maling gawi at gawa.

Magkakasanga ang katwiran: madaling takpan ang kakulangan o kasalanan.
saganangakin

Saganang Akin - AKO AT SI 'INSIANG' NGAYON PAGKARAAN NG 37 TAON (Una sa Dalawang Bahagi)

AKO AT SI 'INSIANG' NGAYON PAGKARAAN NG 37 TAON
(Una sa Dalawang Bahagi)

Noong 1976 nakita ko sa unang pagkakataon si Hilda Koronel sa shooting ng "Insiang" sa Women's Correctional Institution, Mandaluyong City. Iyon ang una't huling punta ko sa isang location ng sineng dinirek ni Lino Brocka.

Sayang! Isa ako sa biggest fans ni HK na di sinuwerteng makalapit para magpakilala o makipagkilala sa kanya.

Noong Enero 2014, umuwi sa RP ang kababayan kong Andy Tecson, violinist-photographer, konektado sa AJ Press na may mga base sa US. Nalamang iniskrip ko ang "Insiang," dinalaw niya ako.

Inusisa ni AT ang lagay ng karera ko. (Kapwa graduate kami sa isang high school sa bayan namin, pamilyar sa hilig ng isa't isa.

Mahabang kuwentuhan. Bago umalis, bumili si Andy ng isa kong libro, humingi ng aking resume, posible raw mainterview ako ng press nila. Higit sa lahat, pinasulat ako ng liham, ibibigay raw niya kay Hilda. Kakila niya ito, naninirahan ngayon sa US kapiling ng negosyanteng husband Ralph Moore.

Natuos ko, mahigit 37 taon na pala ang lumipas mula nang iskripin ko ang "Insiang." Dekada '70 ang yugto ng pasiya kong ipampahaba sa sariling career ang paglikha ng Pinoy version ng "artform of the 20th century" (pelikula).

Sa mga nabuo kong iskrip, 2 ang naihanap ng producers; tinanggihang isapelikula dahil parehong "sobrang serious, at magastos."

Isa ang sobra naman sa bakbakan, naisine matapos ulit-ulit na ipabago ang title "para di gaanong mahalatang copy cat ni Charles Bronson ang bidang Pinoy. May naka-troika ako sa iskrip na ito.

(Tatapusin)
saganangakin

Saganang Akin - AKO AT SI 'INSIANG' NGAYON PAGKARAAN NG 37 TAON (Huling Bahagi)

AKO AT SI 'INSIANG' NGAYON PAGKARAAN NG 37 TAON
(Huling Bahagi)

Isa ko pang iskrip ang naisine rin; nang itanghal saka ko lang nabistong nilapa ang diskarte ko at iniba pati takbo ng istoryang sex comedy.

Ayoko na sanang sumawsaw sa pelikula. Tinutukan ko nang husto ang mga trabahong pampublikasyon.

Bigla, kinontak ako ni Lino Brocka, inalok na gawin ko ang screenplay adaptation ng "Insiang" (teleplay ito ni Mario O'Hara).

Sa loob-loob ko, sino akong iisnab kay Brocka? Ora mismo, naakit ako na muling sumabay sa kalakarang "mulang print tungong screen."

Bilang screenwriter, di ako lubhang dismayado. Permanenteng nakasabit sa "Insiang" ang ngalan ko. Ito ang unang pelikulang Pinoy na itinanghal sa (maprestihiyong)Cannes Film Festival at mula roon, mula noon, ay umorbit sa iba-ibang panig ng daigdig.

Sa aking liham (handwritten) kay "Insiang," isinaad ko, humigit-kumulang, ang ganito:

Hindi ako magtataka kung tulad ng maraming students at kritiko ng literatura ay maibulalas ni Susan 'Hilda' Reid-Moore: "I know the name (akin) but not the man."

Ano't anuman, ang "Insiang" ay mananatiling matingkad na bahagi ng aking karera, gaano man kahaba ang maabot nito. (LAMBERTO E. ANTONIO)
saganangakin

Saganang Akin - BUHAY PA, EMBALSAMADO NA

BUHAY PA, EMBALSAMADO NA

Depende sa life style ang haba at ikli ng buhay ng tao. Kuwestiyon iyan ng kalusugan.

Regular ba'ng exercise? Walang bisyo? Anong food ang kinokonsumo? Sagot dito sa huli, you are what you eat.

Nutrition ang tuon. Anang kasabihan, kumain ka ng gulay para humaba ang iyong buhay.

Tama iyan, noong di pa pineperwisyo ng elementong kemikal ang kalikasan.

Eh ngayon? Laos na raw ang paggamit ng likas na fertilizer. So, "pampalusog" sa aanihing pananim na gulay ang ibinombang sobrang pestisidyo.

Fresh tingnan, pero buhay pa eh...embalsamado na, kung baga.

Ay, buhay; wala na yatang ligtas kainin ang modernong tao. Kaya halos magkatabi lang ang duyan at hukay.

(Celing Labuyo)
saganangakin

Saganang Akin - PINTOR KULAPOL BILANG TRANSLATOR (Una sa Tatlong Bahagi)

PINTOR KULAPOL BILANG TRANSLATOR
(Una sa Tatlong Bahagi)

ni L. E. ANTONIO

Hindi libro ang "Leaves of Grass"; tao ang masasalat ng sinumang sasalat sa kalipunang ito ng mga tula ni Walt Whitman. Malaki ang kaugnayan niyan sa selebrasyon niya ng "I" (hindi pronoun): "I celebrate myself and sing myself, and what I assume you shall assume".

Isa itong version ng salitang naging laman (flesh). May hamon ang assertion. Kapain ang insights na nakapalaman sa aklat, damahin at pakinggan ang wikang nakalimbag. Ipinasasalat din sa reader ang pabalat (cover) ng libro. At nagsilbing okasyon ito para maglarga ako ng pakahulugan.

Bilang translator (at makata, kuwentista, essayist at mandudula), makiling ako sa "pabalat", igiit mang makaluma, sinauna at laos ang salitang iyan. Higit sa udyok na paglaruan ang diwa, nagbibigay ng puwang ang salin para sa malikhaing pasok (approach).

Maikokonek ang "pabalat" sa pabalat-bunga (pakunwari), makokonsulta ang paghusgang "makintab sa labas, maburak (o maputik) sa loob". Pag di matapat ang pabalat ng aklat sa contents o sa layunin nito, ay mapagpanggap o "plastik" ang materyal (libro mismo).

Maiisip na mistulang isdang kapak ang author ng gayong aklat.

(Itutuloy)
saganangakin

Saganang Akin - PINTOR KULAPOL BILANG TRANSLATOR (Huli sa 3 Bahagi)

PINTOR KULAPOL BILANG TRANSLATOR
(Huli sa 3 Bahagi)

ni L. E. ANTONIO

Mga taon 1967, 1968, 1970 at 1974 ng pagkalibro ng mga kalipunang Mangahas, Alma, Mabanglo at Mella ang batayan ng binuo kong bersong "Pabalat ng Aklat":

Dapat malaman ang laman ng libro
sa pabalat nito.
Mata ng haraya ang nagturo sa pinsel
para piliing ipasalamin:
kidlat ibon talulot bundok;
kulay letra at hubog na pawang nagkaloob
ng hininga sa pamagat.
Binuksan ng mga aklat
ang pagkakataong mapagbuklod
ang dibuho at taludtod:
Ricebirds Supling Makinasyon at Manlilikha--
guniguning napauunawa ang ibinabadha.

Mula sa idea ko, na idinibuho ng iba, ang pabalat ng Hagkis ng Talahib (1980), katipunan ng aking mga tulang minamahalaga ng mga kritiko at estudyante ng literatura. Hangad ko na maulit sana ang aking pagiging pintor kulapol, sa pakahulugang angkop sa panahon ng impormasyon.
saganangakin

Saganang Akin - JORGE LUIS BORGES: MONOLOGO SA LABERINTO

JORGE LUIS BORGES: MONOLOGO SA LABERINTO

Tila nga obsesyon ang gumawa ng kuwentong laging may imahen ng laberinto. Ayaw humiwalay sa imahinasyon ko mula nang una ko itong matuklasan sa library ng ama ko.
Ang image ay nasa isang librong may kakatwang ukit sa isang buong pahina, nagpapakita ng gusaling kahawig ng ampiteatro, mabitak, mas mataas kaysa mga sipres at nakatayong mga tao sa paligid.

Inisip ko noon na kung gagamit ako ng magnifying glass, makakikita ako ng isang minotauro sa loob ng gusali.

Ang laberintong iyon ay simbolo ng pagkalito, ng pagkawala sa buhay.

Hindi miminsang hiningan ako ng kuro-kuro hinggil sa "malaberintong" mga akda ko--tila pagkonsulta kaugnay ng "pag-influence" ko sa isang buongsalinlahi ng mga manunulat.

Inaakala ko ba na ang imahen ng pagkawala nating lahat sa isang laberinto ay isang pesimistikong pagtanaw ko sa panahong hinaharap ng sangkatauhan?

Di ganyan kalubos ang pakiwari ko. Naniniwala akong meron ding pag-asa, may salvation. Kung tiyak ngang isang laberinto ang uniberso, makadarama tayo ng kapanatagan.

Minotauro ang kakila-kilabot na sentro ng laberinto. Gayunman, di natin alam kung may isang sentro ang uniberso. May probabilidad na di laberinto ang uniberso kundi gulo at kung gayon, nawawala nga tayo.

Madaling isiping isang maayos na estruktura ang uniberso, pero pwede ring pasubalian iyan at ikatwirang di ito magagamitan ng lohika, o di maipaliliwanag sa sangkatauhan ang uniberso.

(Adaptasyon ni LEAntonio)
saganangakin

Saganang Akin - INODORO SA DULO (Ayon kay Bertolt Brecht)

INODORO SA DULO

(Ayon kay Bertolt Brecht)

Hindi damuhang malapit sa nitso ng aking magulang ang bahagi ng mundong pinakagusto kong lugaran.

Hindi ang kama ng puta, o luhuran sa kompesyonaryo, o malambot malusog mainit na suso.

Inodoro ang laging pinakamagandang dulo ng pag-atras sa mga bagay na ayaw mo sa mundo.

Doon, makauupo ka, kontentong matatalos: nasa ulunan ang mga bituin, nasa ibaba ang ipot.

Isang kaibig-ibig na lugar; makapagsosolo ka, kahit sa gabi ng iyong kasal. Isang lugar na mapagpakumbaba, nagpapatanggap na hamak kang nilikha.

(Halaw ni Ambo T. Abra)
saganangakin

Saganang Akin - MALUNGKOT ANG PINAKAMAHUSAY (Ayon kay Ernest Hemingway)

MALUNGKOT ANG PINAKAMAHUSAY

(Ayon kay Ernest Hemingway)

Malungkot na buhay ang pag-akda, sa pinakamahusay nitong halimbawa.

Pinapawing pansamantala ng mga grupo ang kalungkutan ng panitikero, pero hindi niya ikinahuhusay ito.

Kasabay ng pagtaas ng pagkilala sa kanya ng madla, kadalasang nabibilasa ang kanyang obra.

Siyang sapat ang husay, na solong umaakda, ay haharap sa eternidad o kawalan nito.

Mapanglaw ang pamamanitik na nagtataglay ng pambihirang kilatis.

(Halaw ni Celine Labuyo)
saganangakin

Saganang Akin - PALIGSAHAN NG MGA BUNTIS: MODEST PROPOSAL NG ISANG PASTOR

PALIGSAHAN NG MGA BUNTIS: MODEST PROPOSAL NG ISANG PASTOR

ni Pedro San Pablo XI

Tugon sa populasyong mabilis
lumobo ang pagsaludo sa buntis:
ilunsad ang paligsahang Dakma Tiris.

Magtutumpok ako ng milyong
atis at kamatis mula sa aking plantasyon
at magpepremyo ng limpak na datung.

Sanlibong naunang nagpalistang kagampan
ang sa 100 entablado'y mag-uunahang
umakyat; 10 superbilis ang maglalabanan.

Unahan muling aakyat ang 10 mutya,
dadakma ng atis at kamatis, ipampipiga
ang kili-kiling magkabila.

Batay sa dami ng inorasang pagtiris
ang pipiliing 3rd, 2nd at 1st;
premyado pati pitong karangalang-banggit.

Isang pagkilala sa pagka-konsintidor
ng lipunan sa live-in itong kompetisyon;
kaya puwera ang kasal na babong.

Puro baog ang hihiranging hurado.
Kung may manganganak ora mismo,
isang ambulance ang sasaklolo.

Aamuyin ng isang lupon ang napitpit
sa pagkaipit, at dito mababatid
kung sinong kalahok ang may matinding anghit.
saganangakin

Saganang Akin - SA PAGKATHA MO

SA PAGKATHA MO

Ikaw ang pipiliin ng paksa ng ikukuwento mo.
Huhulihin mo ang kislap ng alitaptap.
Papatak ito, lalaganap na luha, laway, pawis, at semilya.
Saka iigting, iinit at lilikha ng butas sa pahina.

(Batay sa isang lecture ni Nadine Gordimer)
saganangakin

Saganang Akin - MAGAAN KONG BANGKO

MAGAAN KONG BANGKO

Patutunayan ko na kasinggaan ako ng ibang mapanudyo.
Basta manatili silang nakaupo sa aking bangko.
Bubuhatin ko, lampas sa ulo ang taas.
Saka ibabalibag ko ito.
saganangakin

Saganang Akin - 'RAGNAROK': LUNGKOT-AT-LUGOD SA PAKIKIHAMOK (Halaw kay Tom Shippey)

'RAGNAROK': LUNGKOT-AT-LUGOD SA PAKIKIHAMOK

(Halaw kay Tom Shippey)

Pagkawasak ng mga bathalang lumaban sa mga kampon ng demonyo ang 'Ragnarok' ng mitong Norse.

Kung talo (sa bersiyong ito ng Armageddon) ang mga diyos at mga taong alyado nila, bakit papanigan natin sila? Bakit hindi tayo gumaya sa masasama o maging tagasamba ng demonyo?

'Potent but terrible' ang turing sa kasagutang tunay na magiting. Makontrol man ng tiwaling mga puwersa ang uniberso at tila di na ito mababawi o matutubos, hindi iyon sapat upang bumaligtad o lumipat ng panig ang bayani.

Sa tradisyonal na punto de bistang Kristiyano, may pabuyang langit at salbasyon ang nagmamagiting laban sa kasamaan.

Pero sa Ragnarok, ang tanging pabuya ay 'somber satisfaction' sa ginawang kabutihan. Dito, kung gayon, maingat na inaalis ang 'easy hope' upang ang kinauukulan ay maging makamalayan sa mahabang pagkalupig at kapahamakan.

Isa itong teorya ng kagitingan o katapangang nilimot ng modernong panahong 'nakikibayani' laban sa mismong (tunay na) bayani.
saganangakin

Saganang Akin - WALANG GANAP NA LALAKI O BABAE

WALANG GANAP NA LALAKI O BABAE

Ang tao ay hindi kailanman lubos na lalaki o babae; walang kalalakihan, walang kababaihan, meron lang mayoryang sexual.

Ang isang lalaking di nagkikimkim ng pagkababae ay napakadaling dayain at patulugin ng imahinasyon niya o pag-aakalang nakahihigit siya sa isang kabalyero.

Ang isang babaing walang katiting mang tanda ng makalangit na kawalang-malay, na panlalaki, ay napakarealista para sa malalawak na paghahakang nagmumula sa kapusuran ng tinatawag nating henyo.

(Hango sa librong "DOBLE TRES, DOBLE UNO: 33 Sanaysay sa Pamilya at Lipunang Filipino" ni LAMBERTO E. ANTONIO)
saganangakin

Saganang Akin - 3 IBON SA BAWAT PUTOK

3 IBON SA BAWAT PUTOK

Kamakailan (27 Abril 2015), malugod akong nabulabog sa pinamumugaran kong lalawigan nang sunduin ako ng Komisyon sa Wikang Filipino at isalang sa Tertulya sa Tula: Isang Hapon ng mga Makata ng Taon.

Kasama ko sa okasyong idinaos sa KWF sa Maynila sina Roger Mangahas at Jess Santiago na lumingon sa mga direksiyong panliteratura at kaligirang panlipunan noong mga dekada 60, 70 at 80.

Sa bawat tanong sa amin ng dumalong mga guro at estudyante, kinailangang medyo matipid at siksik ang tugon; 2 oras lamang ang dapat patayin ng tsismis na sabi'y isa nang propesyon.

Sa timpalak na Talaang Ginto sa Tula, tinanghal na Makata ng Taon 1969 si Roger, 1978 at 1979 si Jess, at 1980 ako.

Bukod sa tanong at sagot, tig-iisang tula namin ang binasa ng 3 taga-KWF.

Hindi ang mismong 'mga tula ng taon' ang binasa sa programang iyon. Nagsilbi sanang dagdag na paliwanag ang naturang mga piyesa hinggil sa kaakibat na tematikong tungkusan: ang pighating nagpaalab sa makata upang magbalikwas laban sa tiwaling kalagayang umiiral.

Mahihiwatigan ito sa mga pamagat: 'Dalit kay Sarhento Gameng' ni Roger, 'Sa Pagdalaw ng Pangungulila' at 'Nais Kong Likumin ang mga Alabok forces ang itaas.

Ano't anuman, baka ikinalugod naman ng mga kinauukulan ang 'tatlong ibon sa bawat putok' na ipinawari ng okasyon.
saganangakin