ANG PISO NATIN NOON
Sino-sino kaya sa Generation X ang nakababatid, at makikihati, sa kasiyahan kong gunitain ang tatag ng pisong Pinoy? Inabutan ko ang panahon na one peso=$2 ang exchange rate.
Oks pa rin ang peso power paglipas ng ilang taon, kahit medyo nabawasan. Bukambibig ang "upong-diyes" ng pasahero sa jeepney at sa tinalikdang ilang taon, nahihingi lang sa sarisari store ang panrekado sa lutuin.
Sa baryo namin, malaki ang role ng kusing (kalahati ng one centavo) sa gawaing pangkusina.
Ang kusing ay makabibili ng bagoong suka luya bawang sibuyas paminta at sa "pakyaw" na iyan kasama ang hinging asin at sili.
Five centavos ang baon (allowance) ng mga estudyante sa elementary at high school at amount iyan na pambili nila ng kamote o banana cue na 3-5 pirasong nakatuhog, sansupot na hopia, santol sinuguelas kaimito mangga. May matitira pang pambili ng leche o halo-halong yelo gatas asukal.
Nagyayabang, nagmamarangya sa pag-uwi ang tagabaryong kumakayod sa malayong siyudad dahil dala niya ang 90 pisong suweldo sa isang buwan. Bale hepe siya ng isang division sa office niya.
Mula sa panahon kong iyon, parang yoyo ang piso. Baba-taas ang purchasing power. "Libonaryo" ngayon kahit sinong empleado (thousands ang buwanang sahod) pero ano'ng katapat? Presyo ng bilihin at serbisyong taas taas taas.
Sinubok kong muli kamakailan na mabuhay sa lumipas. Nilimusan ko ng one peso ang isang pulubi. Ibinato niya iyon sa akin.
--
Boni Baltazar