PALIGSAHAN NG MGA BUNTIS: MODEST PROPOSAL NG ISANG PASTOR
ni Pedro San Pablo XI
Tugon sa populasyong mabilis
lumobo ang pagsaludo sa buntis:
ilunsad ang paligsahang Dakma Tiris.
Magtutumpok ako ng milyong
atis at kamatis mula sa aking plantasyon
at magpepremyo ng limpak na datung.
Sanlibong naunang nagpalistang kagampan
ang sa 100 entablado'y mag-uunahang
umakyat; 10 superbilis ang maglalabanan.
Unahan muling aakyat ang 10 mutya,
dadakma ng atis at kamatis, ipampipiga
ang kili-kiling magkabila.
Batay sa dami ng inorasang pagtiris
ang pipiliing 3rd, 2nd at 1st;
premyado pati pitong karangalang-banggit.
Isang pagkilala sa pagka-konsintidor
ng lipunan sa live-in itong kompetisyon;
kaya puwera ang kasal na babong.
Puro baog ang hihiranging hurado.
Kung may manganganak ora mismo,
isang ambulance ang sasaklolo.
Aamuyin ng isang lupon ang napitpit
sa pagkaipit, at dito mababatid
kung sinong kalahok ang may matinding anghit.