'RAGNAROK': LUNGKOT-AT-LUGOD SA PAKIKIHAMOK
(Halaw kay Tom Shippey)
Pagkawasak ng mga bathalang lumaban sa mga kampon ng demonyo ang 'Ragnarok' ng mitong Norse.
Kung talo (sa bersiyong ito ng Armageddon) ang mga diyos at mga taong alyado nila, bakit papanigan natin sila? Bakit hindi tayo gumaya sa masasama o maging tagasamba ng demonyo?
'Potent but terrible' ang turing sa kasagutang tunay na magiting. Makontrol man ng tiwaling mga puwersa ang uniberso at tila di na ito mababawi o matutubos, hindi iyon sapat upang bumaligtad o lumipat ng panig ang bayani.
Sa tradisyonal na punto de bistang Kristiyano, may pabuyang langit at salbasyon ang nagmamagiting laban sa kasamaan.
Pero sa Ragnarok, ang tanging pabuya ay 'somber satisfaction' sa ginawang kabutihan. Dito, kung gayon, maingat na inaalis ang 'easy hope' upang ang kinauukulan ay maging makamalayan sa mahabang pagkalupig at kapahamakan.
Isa itong teorya ng kagitingan o katapangang nilimot ng modernong panahong 'nakikibayani' laban sa mismong (tunay na) bayani.