PINTOR KULAPOL BILANG TRANSLATOR
(Una sa Tatlong Bahagi)
ni L. E. ANTONIO
Hindi libro ang "Leaves of Grass"; tao ang masasalat ng sinumang sasalat sa kalipunang ito ng mga tula ni Walt Whitman. Malaki ang kaugnayan niyan sa selebrasyon niya ng "I" (hindi pronoun): "I celebrate myself and sing myself, and what I assume you shall assume".
Isa itong version ng salitang naging laman (flesh). May hamon ang assertion. Kapain ang insights na nakapalaman sa aklat, damahin at pakinggan ang wikang nakalimbag. Ipinasasalat din sa reader ang pabalat (cover) ng libro. At nagsilbing okasyon ito para maglarga ako ng pakahulugan.
Bilang translator (at makata, kuwentista, essayist at mandudula), makiling ako sa "pabalat", igiit mang makaluma, sinauna at laos ang salitang iyan. Higit sa udyok na paglaruan ang diwa, nagbibigay ng puwang ang salin para sa malikhaing pasok (approach).
Maikokonek ang "pabalat" sa pabalat-bunga (pakunwari), makokonsulta ang paghusgang "makintab sa labas, maburak (o maputik) sa loob". Pag di matapat ang pabalat ng aklat sa contents o sa layunin nito, ay mapagpanggap o "plastik" ang materyal (libro mismo).
Maiisip na mistulang isdang kapak ang author ng gayong aklat.
(Itutuloy)