KAILANGAN NG BATA: MAWILING BUMASA NG LIBRO
Bahagi ng wastong paglaki ng bata ang kawilihan niyang bumasa ng libro, ayon sa experts. Paalala nila: "Readers are made, not born."
Narito ang halaw ng ilang kaugnay na kabatiran.
Pangunahing instrumento sa socialization ang pagsasalita. Ang kalidad ng usapang pampamilya ay malalim na natatanim sa utak ng bata.
Pag ang sinasabi ay mayaman sa nilalaman, paksa, anekdota, pagbabahagi ng opinyon at karanasan, at sinasambit na iba-iba ang tono at makulay at malikhain, naihahanda ang bata upang masapol (grasp) niya ang mga posibilidad ng wika.
Pag di nagbabasa ang magulang, kalimitang di rin nagbabasa ang anak niya. Bumibigat ang problema pag di nagbabasa pati titser.
Mahalaga ang paligid. Ang pagbabasa, maging ito ay pinag-uukulan ng oras at uri ng kalagayang pisikal na kailangan man o hindi, ay nakakaapekto sa ugali at pananaw ng bata tungkol sa libro.
Baka maging bitag sa pagtuturo sa bata ang iisang paraan ng pagbasang naghahangad lang ng pagkuha ng impormasyon. Timbangin ang tinatawag na kakitiran ng "opisyal na literaturang" inihaharap sa bata bilang pinagtibay na babasahin at aralin.