Panapaghihigpit tayo ng sinturon sapagkat ang bansa'y tila basyong bayong; mag-export ng lakas, diskarte't propesyon ang panghimok bilang ultimong solusyon.
Mag-abroad ang uso, mangibang-lupalop, doon magserbisyo kahit mabusabos; di bale raw sakal habang kumakayod, may yen dinar dollar naman sa bulsikot.
Tipong hindi hiyang sa ating gobyerno na sa RP mismo tayo magserbisyo: tumuklas ng mga likas na rekurso para paghanguan ng mga trabaho.
Bersong Barbero - KRONIKA: NUMBERS THAT MATTER SA BUHAY NG ISANG LOVER
KRONIKA: NUMBERS THAT MATTER SA BUHAY NG ISANG LOVER
Anim na distrito ang iniikutan ng isang ginoong Amante ang ngalan; nagrarasyon siya, ayon sa usapan, ng pitumpung lingap sa pitong maybahay.
Kahit layo-layo ang mga distrito, araw-araw siyang paroon-parito; ang bawat paggrahe nakakalendaryo pati paghagibis patungong trabaho.
Bobo kung ituring sa Amante noon: naghaiskul tumigil nagpakabulakbol, isa't kalahating buwang nagjanitor saka biglang-bigla, tumabo ng milyon.
Sampung sunod-sunod umanong bin'wenas sa sabong at naku, lalo pang pinalad sa 'weteng at ibang pagbolang may jackpot-- hayun nagkamansion, sa numero buhat.
Kasal si Amante at sa kanyang ginang ay may walong anak na laki sa aral; dalawampung supling ng kasal-kasalan ang paproxy niyang inaalagaan.
Halos sabay-sabay kung magdalantao ang ginang at anim sa ibang distrito, may tigdadalawang sasakyang magarbo at nagtatabaan ang account sa banko.
Ilang mainggitin ang nakapagdili: hindi sa sugal lang hiyang si Amante; nag-ulit ng tudyo ng isang alkalde tungkol sa ulupong na dating bulati.
Sa performance niya, isang obligasyong sumaludo lagi kay ganito't gayong kumare't kumpareng mas nasa posisyon para makatiyak siya ng proteks'yon.
Dahil may negosyong litaw at maunlad at baryang regular ukol sa karidad, umabot sa anim na libo ang k'wintas ng papuring suot niya sa paggayak.
"Dodoblehin ko na ang bilang ng district ngayong kayang-kaya ng puson at wallet," sabi sa sarili matapos magbihis ng napakapalad na Amante Saez.
Hiniling ng isang masisteng kostumer na ang mga trapo'y pakunwang sambahin; dahil mahilig din magsiste si Gusting, heto'ng nirimahang resulta ng hiling:
SALUDO SA TRAPO
Okey sunduin and obispo: hingalo kasi ang aking amo.
Ang kumpisal ay bawas-bagahe ng budhing bugbog-sarado sa atake. Mapilitan sanang magsisi.
Igawa natin siya ng monumento: mayparu-paro't balimbing sa ulo at bakod na salaming lagpas-tao.
Amuyong niya akong laging tatanghod kahit lasing, tag-araw man o tag-unos.
Bersong Barbero - MINABOTE ANG USAPAN KAHIT WALA SA UMPUKAN
MINABOTE ANG USAPAN KAHIT WALA SA UMPUKAN
Kumusta ang TropangToma Tumba Zuka ang bato at atay, baga at bituka? Ano'ng latest update sa mga romansa? Nilulusob pa ba ng asa-asawa?
May isang katropang di muna bibilang ng boteng nabasyo at masinsing tagay, mga posteng sobrang dalang ang pagitan yaong bibilangin kung kayang dumungaw.
Ayam manalamin palibhasa'y talos ang pamumutiktik ng puti sa buhok, saka sapin-saping buhaghag na tumpok sa noo at pisngi ang mga kulubot.
Kumusta ang lista ng utang sa kanto? Mahaba pa rin ba? Kilo-kilometro? Ang mga upos ba'y nakamonumento sa bungi-bungi nang astrey-na-platito?
Ang katropa ninyo kung hinahanap man, ituring na hindi malaking kawalan; ang mas mahalaga, kayo ay nariyan muli sa mabote masebong biruan.
May napakabigat kasing iniinda, napilitantuloy itong magpahinga. Huwag, huwag sanang takawin ang mata: baka malagutan siya ng hininga.
Bersong Barbero - KAUNA-UNAHANG BABAE SA MUNDO NG MGA LALAKI
KAUNA-UNAHANG BABAE SA MUNDO NG MGA LALAKI
Ang salin ng lahi at kapangyarihan ay pinagsama ko sa paglalarawan. Sa texto ng akda, isang matang bulag ang ibig sabihin ng salitang "pisak." Iyan ang nag-inspire para itong berso ay buuin bilang kisapmatang kwento. Ngayon po bahala na kayong magmatyag at mag-analisa SA MUNDO NG BULAG:
Sa mundo ng bulag na mga lalaki, lumitaw ang isang pisak na babae. Dahil sa pangalan, hipo, halimuyak ay hinirang siyang reyna ng liwanag. Pagkat nagkareyna, dapat magkahari; sa pinakabata siya nagpalahi. Anang nangaiwan sa pangungulila: "Ang babae dito madagdagan sana." "Kailangang bago tayo mamayapa, mabawasang muli ang mga binata." "Sa ano't anuman, pasalamat tayo; hindi kumakapa ang dumating dito." Sabihin pa nga bang ang mundo'y nagdiwang nang ibalita na: "Reyna'y nagsisilang!" Umuha ang batang haring tatanghalin-- malaki, malusog, makisig, at duling.
May philosopher po na minsang nagwika, "Ang pagkatao mo ang iyong tadhana." Angkop sa sinumang nilumpong mistula, ng basyong batayan, ang malay at haka. Mababanggit dito'y mga pamahiing kung dinidinig man hindi nililining, basta nakagisnan takot na suriin kung sakto o saltod lagi sa gawain. Isang halimbawa ang trahe de boda: masamang isukat umano ng nobya; papaano naman kung kulang o sobra ang yari? A, iya'y mas masamang suma. Huwag pong isiping kawalan ng galang ang tila pagdedma sa matandang asal. Kung may pangyayaring nagkataon lamang, tama bang tanggapin kahit habambuhay? Tradisyon ang aking tawag sa tuntuning nakapagsusulong ng wastong layunin, isang salalayang laging malargahin: tila po di saklaw iyang pamahiin.
Bersong Barbero - GANITO KALAPAD ANG PAPEL NG ERMAT
GANITO KALAPAD ANG PAPEL NG ERMAT
Tingnan natin siyang pinagbubuhatan ng itinatanging liwanag ng buhay: ina siyang laging inilalarawang may kaibang sinding ilaw ng tahanan. Sa buhay-pamilya napakahalaga ang tanglaw na mula sa ulirang ina; anumang sandaling kailangan siya, hindi magkakait sa anak na sinta. Wala nang hihigit sa pamamatnubay ng ina, sapagkat sa kanyang kandungan, dibdib, labi't bisig unang namalayan ng sanggol ang tunog at anyo at kulay. Paano na kaya ang ating daigdig kung wala ang isang ilaw na marikit? Ang gabi't araw man ay mamumusikit sa dilim at lungkot, hirap at hinagpis. Pagmasdan ang ina at ang mamamasdan ay mga dekada ng kanyang tag-araw; gumaganap siyang walang pagkapagal bilang tanglaw natin hanggang magtag-ulan.
Bersong Barbero - ORAS NG PAG-IBIG AT MGA KULIGLIG
ORAS NG PAG-IBIG AT MGA KULIGLIG
Pagdating ng oras ng mga kuliglig, ang bugnuting ginang ay tumatalilis upang mailapat ang likod sa sahig. Mahimbing ang kanyang tinatalilisang nasa gintong banig at nananagimpang muli ng panakaw na ligayang karnal. May karalitaang laging nagbubukas ng pinto sa ginang habang naglalayag ang kabyak na buwang ang hanap ay kabyak. Paglawig ng oras ng mga kuliglig, nakinig ang lupa sa tapat ng sahig, masama ang hanging gumapang sa banig. Sa bugtong ng ibang uring kuligligan, nagising nakinig itong iniiwan, subalit nagpukol ng sumbat ang ginang. Nagsupling ng dahas ang paninibugho at nagsumagasa, sumuwag sa pinto: nasilip ng buwan ang tagpong madugo. Sa pananahimik ng mga kuliglig, ang tinalilisa'y humukay sa liblib-- at dalawang bangkay doon ang nabulid.
Bersong Barbero - SAKALING MAHILIG PO TAYO SA TSISMIS
SAKALING MAHILIG PO TAYO SA TSISMIS
Iyang tinatawag nating alimuom ay maitutumbas sa sitsit na buhong, makakating dila ang nagpapausbong ng tsismis na sabi'y isa nang propesyon. Inggit ang malimit na sanhi ng sitsit; delikado dahil baka maghimagsik ang sinisiraang pahina-hinagpis at nang maghiganti ay napakalupit. Maipanlalaban sa ganyang sistema? Magpasak ng bulak sa butas ng tenga; kundi hahabaan ang ating pasensya, ilong na may bulak ang magiging suma. Nagiging sukdulan iyang alimuom kung asal ng kapwa ay laging patraidor; mas nakabibingi, sabi nga, ang bulong kompara sa sigaw na dumadagundong. Iyang alimuom kung ibig masagap, kaibiganin mo nang husto ang kabag; pigilin ang utot, habang may kausap, kung bulok ang amoy dahil lalaganap.
Mayo'y narito na. Araw ng Paggawa ang basal na hasik sa ating gunita: pawis, luha't dugong sa obrero mula ang sinasariwang pangunahing paksa. "Siyang di kilala't malimit madusta, ating kilalaning bayani ng madla". Mensahe ng Mayo Uno ay may wisik na paghihinagpis at paghihimagsik: uring manggagawa'y lalong nagigipit habangang mayama'y yumayamang higit. Gayunman ang Mayo ay ikinakabit sa saya at siglang ayaw raw pasaid. Abalang masayang mabangong makulay ang Mayo na hitik sa mga larawan; kahit ang tag-araw ay namamaalam, maayang panahon ang ibig silayan; kundi sunod-sunod, suson-susong tunay ang dinadaluhang pista't santakrusan. Buwang ikalima'y sadyang masagisag sa buhay ng Pinoy noon ngayon bukas. "Buwan ng Bulaklak" kahapon ang tawag, sa kasalukuya' buwan din ng prutas. Ang Mayo, sa ganang iba'y walang kupas o di nagmamaliw yaong halimuyak.
Bersong Barbero - PAANO TUMANAW NG UTANG NA LOOB? LEONG DE-PUSTISO BAHALANG SUMAGOT
PAANO TUMANAW NG UTANG NA LOOB? LEONG DE-PUSTISO BAHALANG SUMAGOT
Isa pong dentistang mahusay si Andro. Minsan ay bumagtas siya sa disyerto, natagpua'y leong nawindang ang ngipin nang isang kung sino'y tinangkang lamunin.
Naawa si Andro kung kaya bumuo siya agad-agad ng pustisong ginto. Eksakto ang sipat gayundin ang sukat, sa bibig ng leon ay lapat na lapat.
Paglipas ng ilang taon, ineksibit po sa Roman circus ang Kristiyanong dentist bago ibalato sa kawan ng hayop na pawang mabangis, gutom sa paglusob.
Lumabas ang isang leon sa kulungan saka nakanganga, Andro'y nilapitan; natiyak na gawa niya ang pustiso, nakilalanaman ng hayop si Andro.
Paghimod sa paa ni Andro ng leon, ito sa sarili ay biglang nagtanong, "Anobang paraan ang pinakatampok bilang pagtanaw ko ng utang na loob?"
Naisip: "A, siyang sa aki'y nagligtas ay karapat-dapat bigyang publisidad." Ilang sagpang lamang, inubos si Andro ng leon sa tulong ng gintong pustiso.
Bersong Barbero - KUWENTONG HUWETENG (O KAYA'Y STL)
KUWENTONG HUWETENG (O KAYA'Y STL)
Laro sa numero ang minsang tinumbok ng isip ni Marting mabiro malikot; pakwento ang kanyang taktikang ang buod ay sugal na hilig ng mga kapurok.
Ang unang kubrador na natanaw niya ay tinawag, ito nama'y nag-apura sa paglapit. "Martin, tataya ka baga?" sabik na usisa halatang masigla.
Sumagot si Martin: "Ako'y nanaginip, sa diwa ko' y buong-buong nakaukit. Dahil kubrador ka, dapat mong masisid ang sakdal-lalim mang mga pahiwatig."
Ayon sa kubrador, "O sige nga, Martin, ang panaginip mo ay ating himayin. Wala pang tumaya kahit singkong duling, kaya buena mano kitang tutuusin."
"Ang panaginip ko'y kagila-gilalas," simula ni Martin halos walang kurap. "Isang pusang itim ang aking nasabat sa tinatahak kong madilim na landas."
"Aba, may popular na paniniwala, nueve ang numerong sagisag ng pusa," sabi ng kubrador at dagdag na wika, "siyam daw ang buhay ng ganyang alaga."
Isinalaysay pa ni Martin ay ito: Sa dulo ng landas ay may isang punso at naghuhunihang ibong batubato, saka umiikot na yoyoat trumpo.
Sumulpot sa punso ang mga pulubi na bulag at lumpo at bingi at pipi, sumapaw sa tagpo ang isang babae na mala-diyosa ang kariktang iwi.
Arok-analisa naman ang kubrador sa pinakikinggan niyang tila bugtong. Sabi pa ni Martin, "Biglang dumagundong ang kulog na waring pumutok na kanyon."
Dumating daw siya sa tuktok ng bundok na sadyang kaytaas at doon sa tuktok, isang ermitanyo naman ang sumulpot na magkasinghaba ang balbas at tungkod.
"Ang tuktok ng bundok, mataas na bilang," sabi ng kubrador, "pati ang sumilay doong ermitanyong may ulilang buhay: thirty-nine marapat sila sa listahan."
Ang sabi ni Martin, sa dulo ng k'wento, "Mahigpit ang bilin niyong ermitanyo: huwag kong dedmahin yaong kanyang payo upang ang buhay ko'y hindi maper'wisyo."
Tanong ng kubrador, "Ano ba ang bilin? Sabihin mo para muli kong sisirin." Sa anyong malungkot, Martin ay nagturing: "Umiwas daw akong tumaya sa 'weteng."
Bersong Barbero - ISTORYA NG PAGKASINDAK SA ISANG LETRANG NALAGLAG
ISTORYA NG PAGKASINDAK SA ISANG LETRANG NALAGLAG
Daig ng pilantik ng dilang masama ang bigwas ng isang sandatang pantaga: Ito po ang aking pinanday na tugma tungkol sa masakit na pananalita.
At totoo namang ang salita natin ay hindi sa dila agad nanggagaling, kailangan munang sa isip tumining kung angkop o hindi sa bawat gawain.
Kapag mapipikon ay baka mainam na ang sasabihi'y lunurin sa laway, manahimik muna at ang kalooban ay walis-walisin kung sadyang masukal.
Minsan, naglilimbag ang isang magasin ng maraming kopya nang biglang napansin: may mali sa tampok ditong lathalain tngkol sa proyekto ng isang rehimen.
'Public image' kasi ng gobyernong Marcos ang paksa ng akdang bale nagbantayog kay Imelda, pero ang 'l' ay nahulog mula po sa 'public': sakdal-laking danyos!
Ang pag-iimprenta'y agad itinigil, saka isiningit ang 'l' sa ispeling; kapag Tinagalog, alam naman natin, ang 'pubic' ay 'bulbol' (na 'hair' ang kapiling).
Sinunog ang lahat ng kopyang nalimbag, baka may ipuslit, kung basta inimbak, at buking ni Marcos, kalabosong tiyak ang pabliser, pati editorial staff.
May kapangyarihan ang alinmang wika sa taglay na tunog, hugis, kulay, haka. Salita'y hasaan ng dila at diwa sa pagpapahayag ng mali at tama.
Bersong Barbero - POPULASYONG SA PAGLOBO AY SIMBILIS NG KUNEHO
POPULASYONG SA PAGLOBO AY SIMBILIS NG KUNEHO
Paksa hanggang ngayon ng mga suki ko yaong bumisitang vicario ni Kristo; tampok sa iniwan niPope Francis dito ang pananalita tungkol sa kuneho.
Hindi kailangang matulad sa rabbit (na sa puntong breeding ay sadyang prolific) ang mga magulang, winika ng Pontiff. Baka sa parenthood ay makabalakid.
Dahil sa kuneho ay nabanggit tuloy ang ulat na lampas sa sandaang milyon ang paglobo nitong ating populasyon: matuling paglaking dapat ure ko.
Ikinabit bilang paksa ang kuneho sa umano'y survey na isang porsyento ng world's population ang may monopolyo sa yaman ng buong daigdigdin mismo.
Siyamnapu't siyam na porsyento naman, ngayong 2015, ang bale miron lang: Asensong matulin ng mangilan-ngilan habang usad-pagong ang batugan o tamad.