balagtas.org

balagtas.org

Bersong Barbero - PILIIN DITO ANG IYONG MAYO

PILIIN DITO ANG IYONG MAYO

Mayo'y narito na. Araw ng Paggawa
ang basal na hasik sa ating gunita:
pawis, luha't dugong sa obrero mula
ang sinasariwang pangunahing paksa.
"Siyang di kilala't malimit madusta,
ating kilalaning bayani ng madla".
Mensahe ng Mayo Uno ay may wisik
na paghihinagpis at paghihimagsik:
uring manggagawa'y lalong nagigipit
habangang mayama'y yumayamang higit.
Gayunman ang Mayo ay ikinakabit
sa saya at siglang ayaw raw pasaid.
Abalang masayang mabangong makulay
ang Mayo na hitik sa mga larawan;
kahit ang tag-araw ay namamaalam,
maayang panahon ang ibig silayan;
kundi sunod-sunod, suson-susong tunay
ang dinadaluhang pista't santakrusan.
Buwang ikalima'y sadyang masagisag
sa buhay ng Pinoy noon ngayon bukas.
"Buwan ng Bulaklak" kahapon ang tawag,
sa kasalukuya' buwan din ng prutas.
Ang Mayo, sa ganang iba'y walang kupas
o di nagmamaliw yaong halimuyak.
bersongbarbero