balagtas.org

balagtas.org

Bersong Barbero - MAY BUWANG DIYOSA AT MAY FEMINISTA

MAY BUWANG DIYOSA AT MAY FEMINISTA

Pinaksa ng librong aking natunghayan
ang babae bilang 'lalaking pandangal';
mythology, tula, gender (kasarian)
ang magkakasamang sinuring pahimay.

Diyosa ang buwan, ayon po sa libro,
na tatlo ang anyo, ang kulay ay tatlo:
birhen, inang buntis saka bruha ito;
itim, pula, puti'y dagdag na simbolo.

Mito nga, sabihin na nating alamat
ang pinakasuri ng awtor ng aklat;
sa imagination ng female ay lakas,
aniya, ang dulot ng gayong kalatas.

Mahabang panahong ang kababaiha'y
minamaliit daw ng sandaigdigan,
binabalewala sa mga larangang
ang nawawayani ay kalalakihan.

Sa literatura, naihalimbawa
ang paghatol: walang babaing makata,
may tula ang dilag subalit mistula
itong panlalaking palagi ang diwa.

Naging problema po ng barbero ninyo
ang lawak at lalim ng paksa ng libro;
maraming bahaging ang meaning ay ano?
Salimuot kasi'y nakatutuliro.

Gayunman, may bagay siyang tinitiyak,
kahit problemado sa hiram na aklat:
Noon, may diyosang bida sa alamat.
Ngayon, may feminist, iya'y realidad.
bersongbarbero