ANG NATIPUHANG KARERA NG CLASSMATE NA DEBATISTA
Kilala sa bayan namin
ang isa kong kapitbahay,
Allan Talo kung tawagin,
laging wagi sa huntahan.
Tuloy-tuloy bumukilya
sobrang lakas umuugong,
mapagsiste, at tatawa
ang katalo kahit tutol.
Purok-purok mang malayo
o malapit ay humanga
sa malawak niyang kuro
na may halong talinhaga.
Pilosopo yaong bansag
sa patay na niyang tatay,
kaya naman naging tatak
na minana nitong Allan.
Mayroon din namang inis
at palaging umiiwas
na harapin o mamasid
siyang baliw daw mangusap.
"Naipasok na sa Mental
si Allan ng kanyang ama,
ang ganitong karanasa'y
nanatiling bitbit niya."
Sa nasagap niyang sitsit,
naisagot na pailing,
"Para silang walang sakit
na gaya ng magmagaling."
"Sila kasi'y nangabara
sa lahat ng pag-uumpok;
gumiit man di umubra
ang mayabang nilang sagot."
Mas maraming nahikayat
si Allan sa aming baryo,
naihalal na kagawad
at kapitan ng konseho.
Nang lalo pang makilala
sa diskarte bilang lider,
nagdesisyong ang tirada
ay sa bayan ibabaling.
"Mas mabigat ang labanang
pang-alkalde," nawika ko.
"Masalapi ang karibal
at manok ng kapitolyo."
"Buong bayan ang sasalag
sa palo ng katunggali,"
ani Allan parang tiyak
na panalo siyang muli.
At siya nga'y nakalusot
sa salpukang pagkahigpit,
isang boto yaong ungos:
"Akin iyon!" aking sambit.
Nang manumpa sa tungkulin
si Allan eh sobrang tamlay,
bumalikat ng gawai'y
walang kibo gaputok man.
Napansin ko, laging gayon
ang anak ng pilosopo:
gamundo ang konsumisyong
humumpak sa pisngi nito.
Naisip ko, tumalab na
kay Allan ang kahulugan
ng labanan: wagi siya,
may sugat na dinaramdam.
Hatinggabi nang umigkas
ang sagot sa dili-dili:
natanaw kong nakaakyat
sa bubungan itong yorme.
"Prinsipyo ko'y mariwasa!!!"
ani Allan umuugong
muli ngayon ang salita.
"Saan ako dadagison?!"
Sasamsamin palang lahat
yaong manang naiprenda;
ganun daw ba ang katapat
ng sinuong na karera?
Kilala sa circle namin
akong tanging tagahanga
ni Allan na greatest leader
ng maliit at kawawa.
Classmate ngayon kaming muli
ng neighbor kong politician:
nagtatalo, buong sidhi,
at parehong nasa Mental.
Dito na po nagwawakas
ang salaysay kay Ka Gusting
ng kostumer na maluwat
niyang hindi nagugunting.