ISTORYA NG PAGKASINDAK
SA ISANG LETRANG NALAGLAG
Daig ng pilantik ng dilang masama
ang bigwas ng isang sandatang pantaga:
Ito po ang aking pinanday na tugma
tungkol sa masakit na pananalita.
At totoo namang ang salita natin
ay hindi sa dila agad nanggagaling,
kailangan munang sa isip tumining
kung angkop o hindi sa bawat gawain.
Kapag mapipikon ay baka mainam
na ang sasabihi'y lunurin sa laway,
manahimik muna at ang kalooban
ay walis-walisin kung sadyang masukal.
Minsan, naglilimbag ang isang magasin
ng maraming kopya nang biglang napansin:
may mali sa tampok ditong lathalain
tngkol sa proyekto ng isang rehimen.
'Public image' kasi ng gobyernong Marcos
ang paksa ng akdang bale nagbantayog
kay Imelda, pero ang 'l' ay nahulog
mula po sa 'public': sakdal-laking danyos!
Ang pag-iimprenta'y agad itinigil,
saka isiningit ang 'l' sa ispeling;
kapag Tinagalog, alam naman natin,
ang 'pubic' ay 'bulbol' (na 'hair' ang kapiling).
Sinunog ang lahat ng kopyang nalimbag,
baka may ipuslit, kung basta inimbak,
at buking ni Marcos, kalabosong tiyak
ang pabliser, pati editorial staff.
May kapangyarihan ang alinmang wika
sa taglay na tunog, hugis, kulay, haka.
Salita'y hasaan ng dila at diwa
sa pagpapahayag ng mali at tama.