ORAS NG PAG-IBIG AT MGA KULIGLIG
Pagdating ng oras ng mga kuliglig,
ang bugnuting ginang ay tumatalilis
upang mailapat ang likod sa sahig.
Mahimbing ang kanyang tinatalilisang
nasa gintong banig at nananagimpang
muli ng panakaw na ligayang karnal.
May karalitaang laging nagbubukas
ng pinto sa ginang habang naglalayag
ang kabyak na buwang ang hanap ay kabyak.
Paglawig ng oras ng mga kuliglig,
nakinig ang lupa sa tapat ng sahig,
masama ang hanging gumapang sa banig.
Sa bugtong ng ibang uring kuligligan,
nagising nakinig itong iniiwan,
subalit nagpukol ng sumbat ang ginang.
Nagsupling ng dahas ang paninibugho
at nagsumagasa, sumuwag sa pinto:
nasilip ng buwan ang tagpong madugo.
Sa pananahimik ng mga kuliglig,
ang tinalilisa'y humukay sa liblib--
at dalawang bangkay doon ang nabulid.