DISKARTENG PAMBATA NG ISANG MATANDA
Tulang pangmatanda
ay singitan ko raw
ng pambatang tula
kahit na pahapyaw.
Okey, may naimpok
ang barberong gurang
na apat na tumpok
nitong kamusmusan.
(1) ANYAYA NG AMPALAYA
Gulay na mapait,
berde at kulubot,
kainin mo, paslit,
ikaw ay lulusog.
(2) AAKALAING GARDEN
Lirio, bulaklaking
baro ang suot mo,
baka ka habulin
niyong paruparo.
(3) NAKATINGIN SA BUWAN
Pusa kong maitim,
nasa pasamano;
gusto bang sagipi'y
buwan sa estero?
(4) KAY ISKONG IKOT
Hilig mo'y umikot
sa bakanteng lugar;
may trumpong napulot,
naging kaikutan.