KUWENTONG HUWETENG (O KAYA'Y STL)
Laro sa numero ang minsang tinumbok
ng isip ni Marting mabiro malikot;
pakwento ang kanyang taktikang ang buod
ay sugal na hilig ng mga kapurok.
Ang unang kubrador na natanaw niya
ay tinawag, ito nama'y nag-apura
sa paglapit. "Martin, tataya ka baga?"
sabik na usisa halatang masigla.
Sumagot si Martin: "Ako'y nanaginip,
sa diwa ko' y buong-buong nakaukit.
Dahil kubrador ka, dapat mong masisid
ang sakdal-lalim mang mga pahiwatig."
Ayon sa kubrador, "O sige nga, Martin,
ang panaginip mo ay ating himayin.
Wala pang tumaya kahit singkong duling,
kaya buena mano kitang tutuusin."
"Ang panaginip ko'y kagila-gilalas,"
simula ni Martin halos walang kurap.
"Isang pusang itim ang aking nasabat
sa tinatahak kong madilim na landas."
"Aba, may popular na paniniwala,
nueve ang numerong sagisag ng pusa,"
sabi ng kubrador at dagdag na wika,
"siyam daw ang buhay ng ganyang alaga."
Isinalaysay pa ni Martin ay ito:
Sa dulo ng landas ay may isang punso
at naghuhunihang ibong batubato,
saka umiikot na yoyoat trumpo.
Sumulpot sa punso ang mga pulubi
na bulag at lumpo at bingi at pipi,
sumapaw sa tagpo ang isang babae
na mala-diyosa ang kariktang iwi.
Arok-analisa naman ang kubrador
sa pinakikinggan niyang tila bugtong.
Sabi pa ni Martin, "Biglang dumagundong
ang kulog na waring pumutok na kanyon."
Dumating daw siya sa tuktok ng bundok
na sadyang kaytaas at doon sa tuktok,
isang ermitanyo naman ang sumulpot
na magkasinghaba ang balbas at tungkod.
"Ang tuktok ng bundok, mataas na bilang,"
sabi ng kubrador, "pati ang sumilay
doong ermitanyong may ulilang buhay:
thirty-nine marapat sila sa listahan."
Ang sabi ni Martin, sa dulo ng k'wento,
"Mahigpit ang bilin niyong ermitanyo:
huwag kong dedmahin yaong kanyang payo
upang ang buhay ko'y hindi maper'wisyo."
Tanong ng kubrador, "Ano ba ang bilin?
Sabihin mo para muli kong sisirin."
Sa anyong malungkot, Martin ay nagturing:
"Umiwas daw akong tumaya sa 'weteng."