balagtas.org

balagtas.org

Bersong Barbero - LALAKING HINIBANG NG RETRATO, NAGTAPAT PO SA INYONG BARBERO

LALAKING HINIBANG NG RETRATO, NAGTAPAT PO SA INYONG BARBERO

Tumatagas na kisame'y pahiwatig
ng malaong pagkasara ng aklatan;
mga libro atmagasing nagkadungis,
iwinalay ko sa kwartong nagkadanaw.

Nang linising isa-isa at buklatin
ay tumambad ang marilag na retrato
ng kahapong nakaipit sa magasin
(napulot ko noong ako'y binatilyo).

Malinaw pa hanggang ngayon ang larawang
pinadapo ng amihan, isang hapon,
sa gilid ng maalabok na lansangan:
naghintay sa anino kong lumalaboy?

Bakit kaya binayaang mapawaglit?
Pinunasan ko ng panyo, pagkauwi,
ang kariktang dinampian din ng halik
sa labi at pati matang nakangiti.

Nagkapitak sa pitaka, dinala ko
sa paglakad kahit saan ang babae.
Sino'ng nobyo? O misis na? Kahit ano
ang estado'y iyon na nga, hindi bale.

Naging ganap na binata't nagkanobya
sa paraang di sinadya, nag-apuhap
pa ng iba akong sobrang nagpipita:
kasingganda ng retrato bilang kabyak.

Bigo ako, pero hindi sa pagsambot
ng trabaho at pabirong pangingibig;
nakasal man sa mayumi't maalindog,
bote't libro ang higit kong kinatalik.

Lasing akong naglagalag at nasadlak
sa kandungan ng kung sinong namulatan:
santag-araw kinasuyo at kumalas
nang madamang lumalamig angsuyuan.

Pag-uwi ko, ang dinatna'y inuunos
na tahanang walang kabyak na mayumi;
meron lamang isang kabyak na malikot:
kasiklutan ng lukot na pagwawari.

Ako kaya o ginang ko ang nagkanlong
ng babae sa magasin?
Sa amiga o magulang kaya niya isinumbong
ang may-gawa ng mahaba niyang dusa?

Paghalakhak ngayo'y di ko napigilang
ipanlait sa haba ng pangyayari.
At basta ba sa marilag na larawan
buong-buong ibubunton ko ang sisi?
bersongbarbero