balagtas.org

balagtas.org

Bersong Barbero - DISKURSO SA USO

DISKURSO SA USO

Pakaisipin nga ang salitang "uso"
at ang nakikitang mga pagbabago:
ayos ng paligid, tahanan at tao
na kung kilatisin ay umaasenso.

Nangyayari ito at dapat asahang
kasama talaga sa takbo ng buhay;
ang hindi humirit para umagapay,
mahaba ang tulog tiyak sa kangkungan.

Malimit mangyaring agad dinededma
ang usong sa tingin ay wala nang kwenta,
imbes na ingatan, ibinabasura
ang naturang api kinawawang moda.

Kulang ng pag-arok sa katotohanang
may cycle o ikot ang usong mabuhay;
anuman ang moda sa kasalukuyan,
may antigong padron na pinanggalingan.
bersongbarberodiskursosauso

Bersong Barbero - DISKURSO SA USO (2)

DISKURSO SA USO (2)

May napahahatak sa trend o sa uso
na di nagsusuri ng puno at dulo,
tipong gaya-gaya na over masyado,
patoks na patoks daw ang pagkamoderno.

Daming naghihikaw na lalaking bagets,
sapagkat nauso ano'ng namamasid?
Hikaw-hikaw nila ay ikinakabit
pati na sa ilong at tabi ng bibig.

Ang pagbabago ba'y senyal ng pag-unlad?
Sagot eh depende sa uri at antas.
Siyang nasa kubo simputi ng tagak,
pagdapo sa mansion biglang naging uwak.

Sumuso sa uso, labis ang lunggati,
nabundat sa rangya, naglibag ang budhi;
super materyoso, may bayad ang ngiti
kaya amo't amoy ay laging salapi.
bersongbarberodiskursosauso

Bersong Barbero - DISKURSO SA USO (3)

DISKURSO SA USO (3)

Sinasabing noon, humigit-kumulang,
ang Pinoy politics ay para sa bayan;
may malilingon daw na yugtong mainam
dahil leaders noo'y di lider-lideran.

Mula nang mauso ang pangungurakot
ay namanhid tayo, mistulang tangegot;
kapalit ng boto'y bigas na maumok,
sanlatang sardinas, noodles na sansupot.

Ang mga halalan kuno ay panatag
kahit may bagito't beteranong hudas;
datung, boga at goons ang pinalalakad
upang ang dayaan ay mapalaganap.

Uso kasi, kaya tayong bumoboto,
patay-mali na lang, nagpapaabuso;
pagdampot ng bato nakatawa tayo
kung ipukpok ito sa sariling ulo.
bersongbarberodiskursosauso

Bersong Barbero - DISKURSO SA USO (4)

DISKURSO SA USO (4)

Bopol daw ang kontra sa katiwaliang
madaling itatwa o kaya'y pagtakpan,
bulok na sistema ay dedmahin na lang,
anang dalubhasang sumikwat, manlamang.

Ah, meron ngang moda, wala namang modo;
ang sunod sa uso ay pakikituso,
may nakikiuod na mas ambisyoso
at nagiging ahas sa pandodorobo.

Ilan ba ang Pinoy na Islaw Palitaw
lulubog-lilitaw sa taing-kalabaw?
Sumisinghap-singhap sa karalitaan--
higit na biktima ng usong tusuhan.
bersongbarberodiskursosauso

Bersong Barbero - DISKURSO SA USO (5)

DISKURSO SA USO (5)

Panapaghihigpit tayo ng sinturon
sapagkat ang bansa'y tila basyong bayong;
mag-export ng lakas, diskarte't propesyon
ang panghimok bilang ultimong solusyon.

Mag-abroad ang uso, mangibang-lupalop,
doon magserbisyo kahit mabusabos;
di bale raw sakal habang kumakayod,
may yen dinar dollar naman sa bulsikot.

Tipong hindi hiyang sa ating gobyerno
na sa RP mismo tayo magserbisyo:
tumuklas ng mga likas na rekurso
para paghanguan ng mga trabaho.
bersongbarberodiskursosauso

Bersong Barbero - DISKURSO SA USO (6)

DISKURSO SA USO (6)

Kung tayo ay dayo sa bansang narating,
ang nilisang RP ay dinadayo rin
ng mga banyagang atat halughugin
at pakinabangan ang ating lupain.

Mga kalakara'y laging kaakibat
ng tukso at hamong magtulak-humatak;
sarili'y igayak kung makikilakad,
pero sandatahin iyang pag-iingat.

Ang salitang "uso" ay pakaisipin:
mamimina rito ang mga diwain,
may noon at ngayong mainam suriin
kung tama o maling bukas ay pawiin.
bersongbarberodiskursosauso