IYANG PAMAHIING NAKAGISNAN NATIN
May philosopher po na minsang nagwika,
"Ang pagkatao mo ang iyong tadhana."
Angkop sa sinumang nilumpong mistula,
ng basyong batayan, ang malay at haka.
Mababanggit dito'y mga pamahiing
kung dinidinig man hindi nililining,
basta nakagisnan takot na suriin
kung sakto o saltod lagi sa gawain.
Isang halimbawa ang trahe de boda:
masamang isukat umano ng nobya;
papaano naman kung kulang o sobra
ang yari? A, iya'y mas masamang suma.
Huwag pong isiping kawalan ng galang
ang tila pagdedma sa matandang asal.
Kung may pangyayaring nagkataon lamang,
tama bang tanggapin kahit habambuhay?
Tradisyon ang aking tawag sa tuntuning
nakapagsusulong ng wastong layunin,
isang salalayang laging malargahin:
tila po di saklaw iyang pamahiin.