balagtas.org

balagtas.org

Bersong Barbero - KAUNA-UNAHANG BABAE SA MUNDO NG MGA LALAKI

KAUNA-UNAHANG BABAE SA MUNDO NG MGA LALAKI

Ang salin ng lahi at kapangyarihan
ay pinagsama ko sa paglalarawan.
Sa texto ng akda, isang matang bulag
ang ibig sabihin ng salitang "pisak."
Iyan ang nag-inspire para itong berso
ay buuin bilang kisapmatang kwento.
Ngayon po bahala na kayong magmatyag
at mag-analisa SA MUNDO NG BULAG:

Sa mundo ng bulag na mga lalaki,
lumitaw ang isang pisak na babae.
Dahil sa pangalan, hipo, halimuyak
ay hinirang siyang reyna ng liwanag.
Pagkat nagkareyna, dapat magkahari;
sa pinakabata siya nagpalahi.
Anang nangaiwan sa pangungulila:
"Ang babae dito madagdagan sana."
"Kailangang bago tayo mamayapa,
mabawasang muli ang mga binata."
"Sa ano't anuman, pasalamat tayo;
hindi kumakapa ang dumating dito."
Sabihin pa nga bang ang mundo'y nagdiwang
nang ibalita na: "Reyna'y nagsisilang!"
Umuha ang batang haring tatanghalin--
malaki, malusog, makisig, at duling.
bersongbarbero