balagtas.org

balagtas.org

Bersong Barbero - GANITO KALAPAD ANG PAPEL NG ERMAT

GANITO KALAPAD ANG PAPEL NG ERMAT

Tingnan natin siyang pinagbubuhatan
ng itinatanging liwanag ng buhay:
ina siyang laging inilalarawang
may kaibang sinding ilaw ng tahanan.
Sa buhay-pamilya napakahalaga
ang tanglaw na mula sa ulirang ina;
anumang sandaling kailangan siya,
hindi magkakait sa anak na sinta.
Wala nang hihigit sa pamamatnubay
ng ina, sapagkat sa kanyang kandungan,
dibdib, labi't bisig unang namalayan
ng sanggol ang tunog at anyo at kulay.
Paano na kaya ang ating daigdig
kung wala ang isang ilaw na marikit?
Ang gabi't araw man ay mamumusikit
sa dilim at lungkot, hirap at hinagpis.
Pagmasdan ang ina at ang mamamasdan
ay mga dekada ng kanyang tag-araw;
gumaganap siyang walang pagkapagal
bilang tanglaw natin hanggang magtag-ulan.
bersongbarbero