NAWAWALANG SALITA, UGALING NAWAWALA
"Turoso" ang tawag sa pagdisiplina
sa kalabaw habang ito ay bata pa;
isisingkaw para turuang "magdusa"
habang may mabigat na bagay na hila.
Buhay-magsasaka'y pamilyar sa akin,
meron ako diyang ugat na malalim.
Dahil makabago ngayon ang tunguhin,
turoso ay angkop nating talakayin.
Ito ay kabilang sa mga salita
na naghihingalo o namatay na nga,
nakaugnay iyan sa pagbalewala
na modernisasyon ang isang nagtakda.
Kapansin-pansin po, sa kasalukuyan
ay kinukunsinti kahit maling asal,
sinumang mapera ay hinahangaan,
gayong sa kurakot nagmula ang yaman.
Pagpapahalagang baluktot ang "uso"
at "pakitang-tao" ang pantakip dito
malaking mayorya ay "disiplinado"
sa trabaho't balak na dispalinghado.
Ang mga bukiri'y naglalaho ngayon
dahil sa rahuyo ng modernisasyong
tinanggap pagdaka, at anihilasyon
halos ng kalabaw ay resulta niyon.
Sa new generation ay masasaksihang
naglipanang higit ang mga pasaway,
dedma sa kanilang isip at pananaw
yaong kung tawagi'y halagahang moral.
Naging barbero po akong Gusting Gunting
matapos agawin ang aming bukirin;
kami ay naghabol pero naangkin din
niyong akusado ang hustisyang lasing.