KRONIKA: NUMBERS THAT MATTER SA BUHAY NG ISANG LOVER
Anim na distrito ang iniikutan
ng isang ginoong Amante ang ngalan;
nagrarasyon siya, ayon sa usapan,
ng pitumpung lingap sa pitong maybahay.
Kahit layo-layo ang mga distrito,
araw-araw siyang paroon-parito;
ang bawat paggrahe nakakalendaryo
pati paghagibis patungong trabaho.
Bobo kung ituring sa Amante noon:
naghaiskul tumigil nagpakabulakbol,
isa't kalahating buwang nagjanitor
saka biglang-bigla, tumabo ng milyon.
Sampung sunod-sunod umanong bin'wenas
sa sabong at naku, lalo pang pinalad
sa 'weteng at ibang pagbolang may jackpot--
hayun nagkamansion, sa numero buhat.
Kasal si Amante at sa kanyang ginang
ay may walong anak na laki sa aral;
dalawampung supling ng kasal-kasalan
ang paproxy niyang inaalagaan.
Halos sabay-sabay kung magdalantao
ang ginang at anim sa ibang distrito,
may tigdadalawang sasakyang magarbo
at nagtatabaan ang account sa banko.
Ilang mainggitin ang nakapagdili:
hindi sa sugal lang hiyang si Amante;
nag-ulit ng tudyo ng isang alkalde
tungkol sa ulupong na dating bulati.
Sa performance niya, isang obligasyong
sumaludo lagi kay ganito't gayong
kumare't kumpareng mas nasa posisyon
para makatiyak siya ng proteks'yon.
Dahil may negosyong litaw at maunlad
at baryang regular ukol sa karidad,
umabot sa anim na libo ang k'wintas
ng papuring suot niya sa paggayak.
"Dodoblehin ko na ang bilang ng district
ngayong kayang-kaya ng puson at wallet,"
sabi sa sarili matapos magbihis
ng napakapalad na Amante Saez.