balagtas.org

balagtas.org

Bersong Barbero - DISKURSO SA USO (5)

DISKURSO SA USO (5)

Panapaghihigpit tayo ng sinturon
sapagkat ang bansa'y tila basyong bayong;
mag-export ng lakas, diskarte't propesyon
ang panghimok bilang ultimong solusyon.

Mag-abroad ang uso, mangibang-lupalop,
doon magserbisyo kahit mabusabos;
di bale raw sakal habang kumakayod,
may yen dinar dollar naman sa bulsikot.

Tipong hindi hiyang sa ating gobyerno
na sa RP mismo tayo magserbisyo:
tumuklas ng mga likas na rekurso
para paghanguan ng mga trabaho.
bersongbarberodiskursosauso

Bersong Barbero - DISKURSO SA USO (6)

DISKURSO SA USO (6)

Kung tayo ay dayo sa bansang narating,
ang nilisang RP ay dinadayo rin
ng mga banyagang atat halughugin
at pakinabangan ang ating lupain.

Mga kalakara'y laging kaakibat
ng tukso at hamong magtulak-humatak;
sarili'y igayak kung makikilakad,
pero sandatahin iyang pag-iingat.

Ang salitang "uso" ay pakaisipin:
mamimina rito ang mga diwain,
may noon at ngayong mainam suriin
kung tama o maling bukas ay pawiin.
bersongbarberodiskursosauso

Obra Muwestra - ALITAPTAP SA GABING MAUNOS

ALITAPTAP SA GABING MAUNOS

Mga kuwento ni LAMBERTO E. ANTONIO

Published ng Ateneo Press. Pinagtatagpo ng librong ito ang mga karanasang rural at urban, at ikinikislap ang pag-asa sa gitna man ng malungkot, malagim na buhay.
obramuwestra

Tamali - IBINULSANG BARILES NG KARNENG-BABOY

IBINULSANG BARILES NG KARNENG-BABOY

Isyung ipinambubutas muli sa mga mambabatas ang pork barrel. Tawag ito sa appropriation o enterprise na mudmod pondo o trabaho na walang accountability. Pumabor kaya sa sambayanan ang pagbusisi kuno sa "scam"? Dahil sa love affair ng pera't politika baka bariles eh pambulsa muli ng trapo't amuyong. Tama o maling perception ba ito?
tamali

Bersong Barbero - ANG NATIPUHANG KARERA NG CLASSMATE NA DEBATISTA

ANG NATIPUHANG KARERA NG CLASSMATE NA DEBATISTA

Kilala sa bayan namin
ang isa kong kapitbahay,
Allan Talo kung tawagin,
laging wagi sa huntahan.

Tuloy-tuloy bumukilya
sobrang lakas umuugong,
mapagsiste, at tatawa
ang katalo kahit tutol.

Purok-purok mang malayo
o malapit ay humanga
sa malawak niyang kuro
na may halong talinhaga.

Pilosopo yaong bansag
sa patay na niyang tatay,
kaya naman naging tatak
na minana nitong Allan.

Mayroon din namang inis
at palaging umiiwas
na harapin o mamasid
siyang baliw daw mangusap.

"Naipasok na sa Mental
si Allan ng kanyang ama,
ang ganitong karanasa'y
nanatiling bitbit niya."

Sa nasagap niyang sitsit,
naisagot na pailing,
"Para silang walang sakit
na gaya ng magmagaling."

"Sila kasi'y nangabara
sa lahat ng pag-uumpok;
gumiit man di umubra
ang mayabang nilang sagot."

Mas maraming nahikayat
si Allan sa aming baryo,
naihalal na kagawad
at kapitan ng konseho.

Nang lalo pang makilala
sa diskarte bilang lider,
nagdesisyong ang tirada
ay sa bayan ibabaling.

"Mas mabigat ang labanang
pang-alkalde," nawika ko.
"Masalapi ang karibal
at manok ng kapitolyo."

"Buong bayan ang sasalag
sa palo ng katunggali,"
ani Allan parang tiyak
na panalo siyang muli.

At siya nga'y nakalusot
sa salpukang pagkahigpit,
isang boto yaong ungos:
"Akin iyon!" aking sambit.

Nang manumpa sa tungkulin
si Allan eh sobrang tamlay,
bumalikat ng gawai'y
walang kibo gaputok man.

Napansin ko, laging gayon
ang anak ng pilosopo:
gamundo ang konsumisyong
humumpak sa pisngi nito.

Naisip ko, tumalab na
kay Allan ang kahulugan
ng labanan: wagi siya,
may sugat na dinaramdam.

Hatinggabi nang umigkas
ang sagot sa dili-dili:
natanaw kong nakaakyat
sa bubungan itong yorme.

"Prinsipyo ko'y mariwasa!!!"
ani Allan umuugong
muli ngayon ang salita.
"Saan ako dadagison?!"

Sasamsamin palang lahat
yaong manang naiprenda;
ganun daw ba ang katapat
ng sinuong na karera?

Kilala sa circle namin
akong tanging tagahanga
ni Allan na greatest leader
ng maliit at kawawa.

Classmate ngayon kaming muli
ng neighbor kong politician:
nagtatalo, buong sidhi,
at parehong nasa Mental.

Dito na po nagwawakas
ang salaysay kay Ka Gusting
ng kostumer na maluwat
niyang hindi nagugunting.
bersongbarbero

Saganang Akin - ANG PISO NATIN NOON

ANG PISO NATIN NOON

Sino-sino kaya sa Generation X ang nakababatid, at makikihati, sa kasiyahan kong gunitain ang tatag ng pisong Pinoy? Inabutan ko ang panahon na one peso=$2 ang exchange rate.

Oks pa rin ang peso power paglipas ng ilang taon, kahit medyo nabawasan. Bukambibig ang "upong-diyes" ng pasahero sa jeepney at sa tinalikdang ilang taon, nahihingi lang sa sarisari store ang panrekado sa lutuin.

Sa baryo namin, malaki ang role ng kusing (kalahati ng one centavo) sa gawaing pangkusina.

Ang kusing ay makabibili ng bagoong suka luya bawang sibuyas paminta at sa "pakyaw" na iyan kasama ang hinging asin at sili.

Five centavos ang baon (allowance) ng mga estudyante sa elementary at high school at amount iyan na pambili nila ng kamote o banana cue na 3-5 pirasong nakatuhog, sansupot na hopia, santol sinuguelas kaimito mangga. May matitira pang pambili ng leche o halo-halong yelo gatas asukal.

Nagyayabang, nagmamarangya sa pag-uwi ang tagabaryong kumakayod sa malayong siyudad dahil dala niya ang 90 pisong suweldo sa isang buwan. Bale hepe siya ng isang division sa office niya.

Mula sa panahon kong iyon, parang yoyo ang piso. Baba-taas ang purchasing power. "Libonaryo" ngayon kahit sinong empleado (thousands ang buwanang sahod) pero ano'ng katapat? Presyo ng bilihin at serbisyong taas taas taas.

Sinubok kong muli kamakailan na mabuhay sa lumipas. Nilimusan ko ng one peso ang isang pulubi. Ibinato niya iyon sa akin.

--
Boni Baltazar
saganangakin

Wika Nga - PAGSUSUNOG NG KILAY

PAGSUSUNOG NG KILAY

Panlarawan ito sa pagsisikap matuto o seryosong pag-aaral, halimbawa, ng estudyante.

Tanglaw niya ang kandila o gasera sa halos subsob na pagtuklas ng kaalaman. De-koryente man ang buhay sa modernong panahong ito, ginagamit pa rin ang kongkretong prase. May brownout kasi.

Kaugnay nitong siste ang pagkapuwing o pagkabulag ng kinauukulan sa abo ng kilay.

Ibig sabihin, di niya naunawaan ang nalaman, o mali ang naituro sa pobre.
wikanga

Tularaw - PAMBUNGAD

PAMBUNGAD

Tuloy ka, panulat, na sobrang malikot
o kaliwa't kanang nakahahalughog
ng mga paksaing lulan ng taludtod
na mula sa danas ng baryo at lungsod.

Ang pagtula'y isang uri ng pagtuklas
na imahinasyon ang gamit na lakas:
muling lumilikha at nagpapatingkad
ng sino at anong kaiba ang likwad.

Dito'y maghahasa tayo ng kataga
na ukol sa akin, sa iyo, sa madla;
hatulan kung tula o kaya'y tulala
ang puno at dulo nitong pagtatangka.
tularaw

Puting Uwak - ABISO

ABISO

Pagkilala ng balagtas.org sa kapangyarihan ng salita ang "puting uwak." Bansag o tawag itong pwedeng ikompara sa "tupang itim."

Gaya ng halaman at isda, naging kapalaran ng ibon at hayop ang makasangkapan sa pananalita ng tao laban sa tao.

Itatampok sa pitak na ito ang asal at gawaing imbes punahin ay pinapalakpakan kahit palpak. Manifestation ng negation ng obra kadabra ng bantog gayong kilabot pala.
putinguwak

Bersong Barbero - VIDEOKE SA TAPAT

VIDEOKE SA TAPAT

Umaga nang lihim siyang pumalakpak
dahil sa kantahang narinig sa tapat.

Hanggang tanghalian gayon ang nangyari.
Napadighay siya buong pagkawili.

Magdadapithapon nang tipong nahumal
ang kanta kasunod ang tawa at sigaw.

Ayaw pumalakpak kahit tenga niya
hanggang gabihin na ang bulol na kanta.

Nasundan ng mura ang bigkas at tono.
May mga nabasag na bote at baso.

Kusang inantala niya ang hapunan
dahil may babae siyang nadungawan.

Seksi'y habol-sigaw at may dalang karit,
"Puputulan kita, bisitang manyakis!!!"

Siyang nagkataong solong taong-bahay,
may ganitong kuro humigit-kumulang:

"Beterano ako ng mga sing-along
lalo kung sa bertdey na libre ang inom."

Pero "bagito pa ako sa kantahang
hinirit ng taga ang birit at tagay."
bersongbarbero

prev 10 20 30 40 50 60 70 80 90 100 110 120 130 140 150 160 170 180 190 200 next