Panlarawan ito sa pagsisikap matuto o seryosong pag-aaral, halimbawa, ng estudyante.
Tanglaw niya ang kandila o gasera sa halos subsob na pagtuklas ng kaalaman. De-koryente man ang buhay sa modernong panahong ito, ginagamit pa rin ang kongkretong prase. May brownout kasi.
Kaugnay nitong siste ang pagkapuwing o pagkabulag ng kinauukulan sa abo ng kilay.
Ibig sabihin, di niya naunawaan ang nalaman, o mali ang naituro sa pobre.
Kung prostitution ang oldest profession, karalitaan (poverty) ang pinakagurang na problema ng mundo. Karalitaang higit sa economics ng sikmura. Naiipit tuloy ang buong katawan.
Sa kathang historical na Hija de la Fortuna ni Isabela Allende, ipinasilip ng isang "soiled dove" ang sanhi ng pagpuputa niya. Ginugulpi ng amang naniwalang nasa Paraiso pa sana si Adan kung hindi siya natukso ni Eba. Hindi gayon kasama ang propesyon niya, anang tauhang puta. Pipikit, walang iisipin at paglipas ng ilang minuto ay tapos na.
Ang Paloma ni Allende ay "kalapating mababa ang lipad" sa pagwiwikang Filipino. Tugon ang propesyong ito sa karalitaang pangkabuhayan, ayon sa palasak o karaniwang palagay.
Palasak din itong katawagan o bansag na nagkabasag-basag, lumaganap bilang nakalulungkot, nakatutuksong mga senyal ng karalitaang spiritual, pansin ng isang pastor.
Bukod sa "masamang babae," tawag din kay Paloma ang burikak, callgirl, donut, jokard, kaladkarin, kokak, jije, pampam, patutot, pakantuten-- depende sa sona at sirkumstansiya ng heograpiyang pangwika.
Dagdag sa katiyakan: "calban" o lalaking prostitute. Higit sa katawan ang kalakal. Isipin halimbawa ang political prostitutes na pinalalayaw ng alta sosyedad.
Sina Paloma at Palomo ay may mahabang lipad. Kasinghaba ito ng kasaysayang nagsisimula marahil sa Genesis.
Wika Nga - SI 'BULAGSAK' AKA 'AKSAYA' SA LILIM NG AKASYA
SI 'BULAGSAK' AKA 'AKSAYA' SA LILIM NG AKASYA
"Bulagsak" si Atanacio, mapag-aksaya (mapagsayang) ng pera o kabuhayan. Nagbenta ng lahat ng sariling ari-arian, nakalilim sa akasya si Aksiyong Aksaya. Pakonsuwelo niya sa buhay ang salitang "saya" (glad) na nakakabit sa alyas niya. Para siyang "lagsak"--bunton ng sukal o basura. Naging "bulag" si Atanacio sa pagpili ng gawaing gagampanan. Nagpakaadik kasi sa kaliwa't kanang bisyo. Todo"bagsak" siya. Masasabi rin na kakulay ng lilim ang kanyang kamalayan.
Pintig ng kahulugan ng salita ang pantig (syllable). Nakabatay sa nabuong salita ang pulso ng ekspresyon, ng pahayag, na anumangkomunikasyong pangwika.
Pantig, kung gayon, ang nagsisilang ng salitang pinakinggan, binasa, at pinagmoldehan ng pagyaman at pagbabago ng wika.
Karanasan ang batayan naman ng tao sa paglikha o pag-imbento niya ng salita.
Anyo at tunog at kulay at numero ang patuloy na umaayuda sa pintig ng kahulugan.
At sa kombinasyong iyan madalas din na pantig na ikinakabit sa unahan, gitna at hulihan o dulo ng salitang-ugat (rootword) nailalarga ang higit pang kabatiran sa talastasan.
Panahon ng rehimeng Marcos nang magsimulang lumaganap ang salitang "salvage" na pagpatay, imbes na pagsagip, ang kahulugan. Kasama sa pagbabagong pangwika ang ganyang kabaligtaran.
Kabilang ang "salvage" sa mahigit 8,000 Enlish-language words sa librong Dictionary of Word Origins na kinatatalaan ng sumusunod:
"Sa puntong etimolohiko, bayad sa pagkaligtas ng barko ang 'salvage'. Dumaan ang salita sa Old French na 'salvage' buhat sa medieval Latin 'salvagium', isang derivative ng late Latin 'salvare' (source ng English 'save').
Sa Filipino, 'salba' ang popular at maaliwalas na katumbas ng "salvage". Pahapyaw na naghaka ang media sa nabaligtad na kahulugan. Baka may kinalaman daw sa bigkas at tunog ng salitang Espanyol na 'salvaje at English na 'savage'.
"Kaligtasan" pa rin ang kahulugang nakakarga sa "salvage" na ipinakahulugan ngang kapahamakan. Noong mga dekada '70 at '80, kaligtasan ng mga salbahe o elementong kriminal ang nakataya. Laganap ang krimen, kasangkot ang mga alagad ng batas, kailangang patayin ang mga kapwa salarin para di sumuko at magtapat.
Saklaw ng kahulugang kriminal ng "salvage" ang mga kaso ng 'desaparesido'--kung matagpuan man ay patay na, "pinatahimik" ng military dahil nagtaguyod ng rebolusyonaryong pakikibaka ang mga biktima.
Alam ng halos lahat ang kahulugan ng "O.K." pero bihira siguro ang nakababatid na dinaglat na palayaw (abbreviated nickname) ito ng isang politikong Kano.
Noong 23 Marso 1840, naglathala ang peryodikong New Era ng New York City ng ganitong anouncement:
"The Democratic O.K. Club are hereby ordered to meet at the house of Jacob Calvin on Tuesday evening".
Binuo ang club para suportahan sa muling pagkandidato ang dating presidente ng US na si Martin Van Buren, isinilang sa Kinderhook, New York.
Sa paghirit niya ng 2nd term sa White House, "Old Kinderhook" ang naging papuri kay Van Buren ng admirers niya.
Mula noon, naging popular sa US at lumaganap sa buong mundod ang prase ("okey" rin ang bigkas-Filipino).
Isang salin sa Filipino ng 'quote', 'quotation' at 'copy' ang salitang-ugat (rootword) na 'sipi'. Anagramatikong mahuhugutan ito ng 'pisi' (string), 'isip' (mind, thought) at 'ipis' (cockroach).
Kailangang ayon at alinsunod sa konteksto ang pagsipi bilang ayuda sa punto de bistang ipinahahayag ng sinumang sumisipi.
Isang layunin sa pagsipi ang 'magpapogi'. Halimbawa, ng politikong pulpol na umaastang matalas ang ulo. O ng pastor na nagpapalawak ng relihiyosong kawan niya.
Ang pagiging 'out of context' ng kinauukulan ay puwedeng udyok ng hangad na pagtugmain ang retorika at realidad na magkataliwas naman.
Kung alam mo ang bagay na ito, di mo siguro gugustuhing lumitaw na meron ka ngang isip, pero may tali itong pisi at pinamamahayan ng ipis.
Nakikinabang ang industriya ng advertising sa isang artipisyal na salitang inimbento ng humorist na Kanong si Gelett Burgess.
Patok siya sa readers at listeners noong 1920s at 1930s nang makatuwaan ni GB na paglaruan ang diskarte ng advertisers.
Naghanda ng dummy book jacket para sa convention ng isang publisher, nagnakaw siya ng sketch ng isang kaibig-ibig, kabataang babae at idinispley niya ito.
Nilagyan ni Burgess ng maikling endorsement ni "Miss Belinda Blurb" ang libro. Nagtagumpay si GB: nakabilang sa sirkulasyon ang pekeng entusiyasmo ni Belinda Blurb.
Tinawag na "blurb" ang anumang abisong papuri sa ibinebentang libro, plaka, kotse, etsetera.
(Batay sa librong Why You Say It ni Webb Garrison)
Philology (pilolohiya o palawikaan): pag-aaral ito ng mga pormang historikal ng isang wika o mg wika, kabilang ang mga pormang non-standard at dialectal, gayundin ang mga kaugnay na wika.
Gayunman, di dapat makulong sa pag-aaral pangwika lamang ang philology. May mga tekstong nasa matatandang porma ng wika na kadalasang nagtataglay ng kapangyarihan at tiyak na katangian.
Ang alinmang pag-aaral na bumabalewala sa mga iyan, o tumatangging magsikap para umunawa riyan, ay di-kompleto at maralita.
Samantala, ang alinmang pag-aaral na linguistic lamang ang tuon ay nagtatapon ng pinakagmahusay na materyal at pinakamahusay na argumento para sa eksistensiya nito.
Sa larangang iyan ng palawikaan, di mapaghihiwalay ang literary at linguistic.
(Halaw kay Tom Shippey, "J.R.R. Tolkien: Author of the Century")
Nagiging parusa sa iyo bilang translator ang pabirong hamon ng sinuman sa abilidad mo.
Ipasasalin sa iyo ang isang salita. May pahiwatig (clue) na ihahanap mo ng kaukulang konteksto. Lilitaw na masisteng "makatwiran" ang"tama" o "angkop" na salin.
Halimbawa: Ano ang classic translation sa Filipino ng "impotent"? Wala sa alinmang dictionary ang salin nito. Meron lang "ibong adorno" na sagot ng nagpasalin, kung sinukuan mo ang hamon.
"Classic" ang batayan, pagsangguni sa obrang "Ibong Adarna." Ibon ang isang phallic na katapat ng testicle, panlalaki ang impotent, at adorno ang singkahulugan ng dekorasyon, borloloy, palamuti.
Halimbawa pa: Ano sa Filipino ang (salin ng) "abortion"? Suko kang muli? Tanging sa sariling dictionary ng imahinasyon ng mabirong nagtanong matatagpuan ang sagot: "Patay kang bata ka."
Materyal ng malilikhang sitwasyon ang anagram. Paglitaw ng mga salitang binalasa, paglaruin ang imahinasyon.
Anong tema ang ibig talakayin ayon sa mga salitang iyan bilang batayang estruktura? Ang ngalang Kulas, halimbawa, ay isang sagot.
Sumulak ang dugo niya, biglang naalala ang hirap na dinanas sa abroad: ginulpi, itinapon sa lusak matapos pagnakawan, binantaang papatayin pag nagreklamo sa pulisya.
At ngayong dumating si Kulas sa sariling bahay, masukal ang kalooban niya.
Sa halimbawang ito, ang sitwasyon ay batay sa mga salitang-ugat na'luksa', 'lusak', 'sulak' at 'sulak'. Sumulpot sa anagramatikong larong pangwika ang mabubuong mahabang akda na realismong sikolohikal at emosyonal ang katangian.