balagtas.org

balagtas.org

Wika Nga - OPERASYON 'SALVAGE'

OPERASYON 'SALVAGE'

Panahon ng rehimeng Marcos nang magsimulang lumaganap ang salitang "salvage" na pagpatay, imbes na pagsagip, ang kahulugan. Kasama sa pagbabagong pangwika ang ganyang kabaligtaran.

Kabilang ang "salvage" sa mahigit 8,000 Enlish-language words sa librong Dictionary of Word Origins na kinatatalaan ng sumusunod:

"Sa puntong etimolohiko, bayad sa pagkaligtas ng barko ang 'salvage'. Dumaan ang salita sa Old French na 'salvage' buhat sa medieval Latin 'salvagium', isang derivative ng late Latin 'salvare' (source ng English 'save').

Sa Filipino, 'salba' ang popular at maaliwalas na katumbas ng "salvage". Pahapyaw na naghaka ang media sa nabaligtad na kahulugan. Baka may kinalaman daw sa bigkas at tunog ng salitang Espanyol na 'salvaje at English na 'savage'.

"Kaligtasan" pa rin ang kahulugang nakakarga sa "salvage" na ipinakahulugan ngang kapahamakan. Noong mga dekada '70 at '80, kaligtasan ng mga salbahe o elementong kriminal ang nakataya. Laganap ang krimen, kasangkot ang mga alagad ng batas, kailangang patayin ang mga kapwa salarin para di sumuko at magtapat.

Saklaw ng kahulugang kriminal ng "salvage" ang mga kaso ng 'desaparesido'--kung matagpuan man ay patay na, "pinatahimik" ng military dahil nagtaguyod ng rebolusyonaryong pakikibaka ang mga biktima.
wikanga