balagtas.org

balagtas.org

Wika Nga - KALAPATING MAHABA ANG LIPAD

KALAPATING MAHABA ANG LIPAD

Kung prostitution ang oldest profession, karalitaan (poverty) ang pinakagurang na problema ng mundo. Karalitaang higit sa economics ng sikmura. Naiipit tuloy ang buong katawan.

Sa kathang historical na Hija de la Fortuna ni Isabela Allende, ipinasilip ng isang "soiled dove" ang sanhi ng pagpuputa niya. Ginugulpi ng amang naniwalang nasa Paraiso pa sana si Adan kung hindi siya natukso ni Eba. Hindi gayon kasama ang propesyon niya, anang tauhang puta. Pipikit, walang iisipin at paglipas ng ilang minuto ay tapos na.

Ang Paloma ni Allende ay "kalapating mababa ang lipad" sa pagwiwikang Filipino. Tugon ang propesyong ito sa karalitaang pangkabuhayan, ayon sa palasak o karaniwang palagay.

Palasak din itong katawagan o bansag na nagkabasag-basag, lumaganap bilang nakalulungkot, nakatutuksong mga senyal ng karalitaang spiritual, pansin ng isang pastor.

Bukod sa "masamang babae," tawag din kay Paloma ang burikak, callgirl, donut, jokard, kaladkarin, kokak, jije, pampam, patutot, pakantuten-- depende sa sona at sirkumstansiya ng heograpiyang pangwika.

Dagdag sa katiyakan: "calban" o lalaking prostitute. Higit sa katawan ang kalakal. Isipin halimbawa ang political prostitutes na pinalalayaw ng alta sosyedad.

Sina Paloma at Palomo ay may mahabang lipad. Kasinghaba ito ng kasaysayang nagsisimula marahil sa Genesis.

--
Plaridel Ortega
wikanga