Obra Muwestra - ROMANSANG MAHIWAGA AT MAKAPANGYARIHAN
ROMANSANG MAHIWAGA AT MAKAPANGYARIHAN
Isang demonstrasyon ng dalubhasang pagromansa sa paksa ang nobelang "Halina sa Ating Bukas" ni Macario Pineda.
Background nito ang pagsailalim ng mga Pinoy sa maselang proseso ng pagbabago noong himagsikang 1896 at noong dumating ang hukbong pandigma ng Amerika.
Pulido, mabisa ang pagsasadula ng tadhana ng tao: hinuhubog ng sariling pagkukusa at mga impluwensiyang panrelihiyon, pampolitika, pangkalikasan.
Makilapsaw, matining ang teksto ng mahiwaga, makapangyarihang pagsintang higit sa pansariling interes ang saklaw.
Modelo si M. Pineda sa paghabi ng pananalitang malalim ang talab sa "sintaks ng sensibilidad" ng reader.
Pagsuri sa kahapon at sa ngayon at paglikha ng bukas ang anyaya ng nobela.
Agosto 1896 nang simulan ng Katipunan ni(na) Andres Bonifacio ang rebolusyon laban sa mga Espanyol. Agosto 1983 nang patayin si Benigno "Ninoy" Aquino.
Sa pumagitnang 87 taon at sumunod na 3 dekada, kinuro ng mga historyador: bitin, unfinished ang rebo 1896 at 1986. Tatlong taon matapos bumagsak sa tarmac si Aquino, ibinagsak ng people power ang Marcos regime.
Diumano, kinakain ng rebolusyon ang mga anak nito. Patunay: pinatay sina Bonifacio at Antonio Luna, sa utos ng nang-agaw ng liderato Emilio Aguinaldo.
Pero ayon sa isang makata-nobelistang Pinoy, mga traidor na anak ang lumalamon sa rebolusyong nagsilang sa kanila.
Isinisisi ng iba sa "short memory" ng Filipinos ang pagkabitin ng rebo.
Paoka-okasyong pagkokak ng paalala: pag di ka natuto sa lessons of history, condemned kang ulitin mo yun.
Heto'ng isang exhortation: gagapin ang apoy ng nakalipas, huwag mamulot lang ng abo nito.
Kargado ng sobrang kapangyarihang makatukso ang pork barrel, kaya ang nakapaloob ditong bilyon-bilyong piso laan dapat sa kapakanang pampubliko ay muling nabalot ng sigalot.
Nagkataong sa ilalim ng administrasyong tumatahak sa "daang matuwid" naulit ang balitaktakan.
Idinidispatsa ang pork mula sa dalawang malaking atadong pinabango ng katawagan, halimbawa, congressional initiative allocation ng Senado at countryside development fund ng Kamara ng mga Representante.
May katapat itong IRAng ukol sa local govt at poverty alleviation o kauring social reform agendang ipinagkatiwala sa Palasyo.
Sa muling-sulpot ng sigalot, nagmungkahi ang liderato ng Senado: Huwag nang pag-usapan pa Ito. Ano ba'ng inaangalan sa pork?
Diumano, nagiging "commissioners" ang kinauukulang lawmakers na nangongomisyon ng mahigit 40% sa mga proyektong pambayang naitokang gawin ng pinaborang contractors.
Walang bago sa bagay na ito, gaya ng ibang usaping higit sa hinala ang ibig mapalutang. Kaya nga may kumikibo, baka sakaling masipat ang medyo bago; kaysa naman habambuhay mapanisan ng laway.
Saganang Akin - KAILANGAN NG BATA: MAWILING BUMASA NG LIBRO
KAILANGAN NG BATA: MAWILING BUMASA NG LIBRO
Bahagi ng wastong paglaki ng bata ang kawilihan niyang bumasa ng libro, ayon sa experts. Paalala nila: "Readers are made, not born."
Narito ang halaw ng ilang kaugnay na kabatiran.
Pangunahing instrumento sa socialization ang pagsasalita. Ang kalidad ng usapang pampamilya ay malalim na natatanim sa utak ng bata.
Pag ang sinasabi ay mayaman sa nilalaman, paksa, anekdota, pagbabahagi ng opinyon at karanasan, at sinasambit na iba-iba ang tono at makulay at malikhain, naihahanda ang bata upang masapol (grasp) niya ang mga posibilidad ng wika.
Pag di nagbabasa ang magulang, kalimitang di rin nagbabasa ang anak niya. Bumibigat ang problema pag di nagbabasa pati titser.
Mahalaga ang paligid. Ang pagbabasa, maging ito ay pinag-uukulan ng oras at uri ng kalagayang pisikal na kailangan man o hindi, ay nakakaapekto sa ugali at pananaw ng bata tungkol sa libro.
Baka maging bitag sa pagtuturo sa bata ang iisang paraan ng pagbasang naghahangad lang ng pagkuha ng impormasyon. Timbangin ang tinatawag na kakitiran ng "opisyal na literaturang" inihaharap sa bata bilang pinagtibay na babasahin at aralin.
Kung prostitution ang oldest profession, karalitaan (poverty) ang pinakagurang na problema ng mundo. Karalitaang higit sa economics ng sikmura. Naiipit tuloy ang buong katawan.
Sa kathang historical na Hija de la Fortuna ni Isabela Allende, ipinasilip ng isang "soiled dove" ang sanhi ng pagpuputa niya. Ginugulpi ng amang naniwalang nasa Paraiso pa sana si Adan kung hindi siya natukso ni Eba. Hindi gayon kasama ang propesyon niya, anang tauhang puta. Pipikit, walang iisipin at paglipas ng ilang minuto ay tapos na.
Ang Paloma ni Allende ay "kalapating mababa ang lipad" sa pagwiwikang Filipino. Tugon ang propesyong ito sa karalitaang pangkabuhayan, ayon sa palasak o karaniwang palagay.
Palasak din itong katawagan o bansag na nagkabasag-basag, lumaganap bilang nakalulungkot, nakatutuksong mga senyal ng karalitaang spiritual, pansin ng isang pastor.
Bukod sa "masamang babae," tawag din kay Paloma ang burikak, callgirl, donut, jokard, kaladkarin, kokak, jije, pampam, patutot, pakantuten-- depende sa sona at sirkumstansiya ng heograpiyang pangwika.
Dagdag sa katiyakan: "calban" o lalaking prostitute. Higit sa katawan ang kalakal. Isipin halimbawa ang political prostitutes na pinalalayaw ng alta sosyedad.
Sina Paloma at Palomo ay may mahabang lipad. Kasinghaba ito ng kasaysayang nagsisimula marahil sa Genesis.
Pumuting uwak ang naghudyat ng parangal sa hangal (stupid), pagkakasalapi ng tuso (sly) at pag-insulto o pagdungis sa mabuti.
Nalaos ang tulisang-gubat, pansin ng isang kritiko, kaya lumipat ito sa mga sopistikadong lugar.
Puhunan ng katiwalian (graft) ang katiwalaan (mutual trust). Naging tusak (superabundant) ang mga Kaututang-Dila ng Katiwalanghiyaan.
Mga kagulang-gulang na kagalang-galang silang nakaamerikana nakabarong nakaroba nakasutana.
Nagpapakasiba sa kabulukan (corruption) ang katiwala (overseer), hinahawahan ang naglalahong tribu ng matino-tino at nagtitiwala na may tiwa (ascaris).
Bando sa banda roon banda rito ang deodoranteng pamawi raw ng alingasaw.
At sinasabi ng makakapal ang mukha at matitibay ang sikmura: Batid ng Bathala na malinis ang aming konsensya.