balagtas.org

balagtas.org

Portada - KORTE: HUGIS AT HUKUMAN

KORTE: HUGIS AT HUKUMAN

Dapat lang mahalatang pinabanatan ng Palasyo sa mga kritikuno nito ang Supreme Court kaugnay ng desisyon ng SC sa pork barrel.

Desisyong ipinagpu(pu)tok ng butse ng Numero Unong Tao sa Malakanyang.

Ang isyung hugis-bariles na kargado ng salapi ng bayan, sa yugtong ito, ay nagpagunita sa amin ng isang selection sa aklat na TINGIN SA TINGI: OBSERBASYON SA BISYON AT BISYO NG PINOY.

Ayon sa isang bahagi ng librong inakda ni L. E. ANTONIO at takdang ilabas ng Ateneo Press:

"Totoo nga na pana-panahong lumalambong sa Korte Suprema ang ulap ng pagdududa dahil sa mga desisyon nito na makiling at duling kundi man anakronistiko. Ngunit nagpapakita ng pagbawi ang tribunal.

"Iwinawagayway ng kataas-taasang hukuman ang pagiging independiyente nito bilang sangay, at iwinawasiwas din ang talas ng kamalayan sa pagpapanatili ng check and balance, lalo na kung nakataya ang (dapat katigang) interes ng sambayanan."
portada

Obra Muwestra - KANTAKADA SA PAGSINTA

KANTAKADA SA PAGSINTA

Lumitaw sa libing ng aking pagsinta
ang isa ring sintang nalimot ng mata.

Yumanig ang tulay ng isip at dila
kasabay ng biglang pagbigat ng haka:
lumitaw ba siya para maminsala?

Paligsahan sana sa pamamanatag
ang magkasimbatang mutya ng paglingap;
kung may susulpot pa saka mangungusap,
walang pagsisidlan angaking bagabag.

Natapos ang libing nang di nasilayan
ang iba sa puno't dulo ng libingan.

Lumitaw sa tagpo at nagkahininga
ang pagsisintahang ukol sa dalawa...
na itinitik ko noon sa lapida.

(Mula ito sa SINTAHAN AT SITAHAN, bagong katipunan ng mga tula ni LAMBERTO E. ANTONIO)
obramuwestra

Saganang Akin - SA PAGKATHA MO

SA PAGKATHA MO

Ikaw ang pipiliin ng paksa ng ikukuwento mo.
Huhulihin mo ang kislap ng alitaptap.
Papatak ito, lalaganap na luha, laway, pawis, at semilya.
Saka iigting, iinit at lilikha ng butas sa pahina.

(Batay sa isang lecture ni Nadine Gordimer)
saganangakin

Tamali - PALAGAY SA TRAHEDYA

PALAGAY SA TRAHEDYA

ni John Northam

Pagkasindak at muling paglakas ang dulot ng trahedya; mahalaga ito sa kalusugang spiritual ng isang panahon.

Nagpapahiwatig ito ng mga pamantayan sa buhay na puwedeng mag-express ng nobleza (nobility).

Ginagalugad (explore) ng trahedya ang abot-kaya ng tao na maging responsable sa sarili niyang kapalaran.

Kailangan ang galugad dahil kahit kumikilos ang tao batay sa palagay na malaya siyang pumili, magiging kalaban niya ang mga kapangyarihan ng uniberso na di niya kontrolado.

Ang hanggahan ng kalayaan at pangangailangan ay di palagian o malinaw.

(Hango at salin ni Boni Baltazar)
tamali

Tularaw - PAGKAGISING

PAGKAGISING

Ibig ko nang kayamutan
ang pagtulog; paulit-ulit ang panaginip: nalagas na ngiping
nagiging chewing gum tuwing pupulutin.

Samantala, nag-aalaga
na pala ng lumot ang baso,
dagdag sa nakababad na pustiso.

(Celine Labuyo)
tularaw

Bersong Barbero - NAWAWALANG SALITA, UGALING NAWAWALA

NAWAWALANG SALITA, UGALING NAWAWALA

"Turoso" ang tawag sa pagdisiplina
sa kalabaw habang ito ay bata pa;
isisingkaw para turuang "magdusa"
habang may mabigat na bagay na hila.

Buhay-magsasaka'y pamilyar sa akin,
meron ako diyang ugat na malalim.
Dahil makabago ngayon ang tunguhin,
turoso ay angkop nating talakayin.

Ito ay kabilang sa mga salita
na naghihingalo o namatay na nga,
nakaugnay iyan sa pagbalewala
na modernisasyon ang isang nagtakda.

Kapansin-pansin po, sa kasalukuyan
ay kinukunsinti kahit maling asal,
sinumang mapera ay hinahangaan,
gayong sa kurakot nagmula ang yaman.

Pagpapahalagang baluktot ang "uso"
at "pakitang-tao" ang pantakip dito
malaking mayorya ay "disiplinado"
sa trabaho't balak na dispalinghado.

Ang mga bukiri'y naglalaho ngayon
dahil sa rahuyo ng modernisasyong
tinanggap pagdaka, at anihilasyon
halos ng kalabaw ay resulta niyon.

Sa new generation ay masasaksihang
naglipanang higit ang mga pasaway,
dedma sa kanilang isip at pananaw
yaong kung tawagi'y halagahang moral.

Naging barbero po akong Gusting Gunting
matapos agawin ang aming bukirin;
kami ay naghabol pero naangkin din
niyong akusado ang hustisyang lasing.
bersongbarbero

Obra Muwestra - ISANG TALA HINGGIL SA TULA AT SALIN

ISANG TALA HINGGIL SA TULA AT SALIN

Sa mga pormang panliteratura, ang tula ang madalas magharap sa mambabasa ng problema sa pagpapahalaga.

Kailangang mahiwatigan niya ang mga kabatirang kimkim ng talinghaga, na magkakapuwang kung naiintindihan ng mambabasa ang wikang gamit ngmakata.

Dito (muling) lilitaw ang tulay at pader na likha ng wika. Sa sitwasyong pantalastasang ito, kailangan (din) ang salin o translation.

Umaayuda ang (taga)salin sa pagbawas sa bigat ng layuning magpaumawa at umunawa.

Pinagsasalubong nito ang malikhain at mapanuri.

Sa gayon, napagdadaop ng mambabasa ang pakahulugan at pagpapahalaga niya sa teksto ng (pagka)makata.
obramuwestra

Tularaw - HAMON: GAWING TUBIG ANG PALITO

HAMON: GAWING TUBIG ANG PALITO

Mahigit 10 palito ng posporo ang kailangang gamitin bilang mga letrang bubuo ng salitang TUBIG.

Imposibleng sumapat, syempre, ang 5 palito lang kung TUBIG mismo ang iispelingin.

Pairalin ang malikhaing imahinasyon, isipin ang mga halimbawang likido.

Ayos! Nadale mo! sabi ng humamon pagkalipas ng 5 oras.

Ang hinamon ay gumamit ng 5 palito ng posporo sa pag-ispel ng IHI.
tularaw

Portada - ABISO NG HANGIN SA KINAUUKULANG LIDER

ABISO NG HANGIN SA KINAUUKULANG LIDER

Sige, akong hangin naman ang maghahasik ng aral.

Papasok ako, ngayong kulang pa sa iyo ang inaani mong bagyo.

Sa pagpasok ko, Sir Lider, magiging kasinlaki ng daigdig ang iyong ulo.
portada

Wika Nga - PAGWIWIKANG PAMPANULAAN

PAGWIWIKANG PAMPANULAAN

Bilang mga alagad ng sining, may sari-sariling depinisyon ng tula ang mga makata mismo, isinasaloob man o isinisiwalat ang pakahulugan dito.

Pangkalahatang pananaw ng balagtas.org ang sumusunod:

Pinakamasugid magpahiwatig ang makata. Taglay ng pinakamaikli niyang pananalita ang pinakamahabang gunita.

Hindi kailanman mabubuo ang tula kung iisipin ang sukat at tugma at malayang taludturan.

Walang tradisyonal, walang moderno sa daigdig ng talinhaga. Mayroon lamang muling-likha.

(LEAntonio)
wikanga

prev 10 20 30 40 50 60 70 80 90 100 110 120 130 140 150 160 170 180 190 200 next