Isang Ruel Gamboa, "kontratistang nakabase sa Cabiao, Nueva Ecija" ang ibinabalang "nakapanloloko" dahil sa "kahenyuhang magpakuno."
Itinimbre ng mga Kabyawenyong "nabiktima" ni Gamboa na "ibinibitin saka pinagtataguan" nito ang kakontratang verbal sa construction o renobasyon ng bahay.
Hihingi raw ito ng cash na pambili ng lahat ng kailangang materyales at pambayad sa serbisyo niya at kanyang workers, titiyaking matatapos ang trabaho alinsunod sa itinakdang deadline.
Laging kulang ang materyal at tauhang dumarating, magpapanukala na gawin din ang gayon at ganito saka hihingi muli ng pera.
Paulit-ulit na maatraso ang trabaho at maiinip maiinis ang kakontrata, ipasasauli na lang ang perang "malinaw namang di naipambili ng materyales.
Kukuha ng ibang kontratista siyang "binibiktima" at iyan ang palusot ni Gamboa. Tinapos ng biktima mismo ang usapan, di na talaga sisipot sa trabaho si RG na "mahusay bumuladas" pag sinisita.
Ang babalang ito ng victims ay may aral na kung bakit nililimot ng marami sa atin: meron lang nanloloko kung may nagpapaloko.
Posibleng may mga kapangalan-at-kaapelyido ang "kontratistang" ito. Basta iwasang makipag-deal sa isang Ruel Gamboa na "sanay sa layaw mula sa kontratang laway," anang victims.
Tamang panukalang pantaga-at-pantagay sa maling kalagayang umiiral ang (salungatang) masayang paghasaan ng kakayahang magsuri.
Bilib ako sa manunulat na "satirada" ang approach, satirikong tumirada. Gaya ni Barbara Ehrenreich, social critic ng Amerika.
Ms. Ehrenreich's acts of kindness, by no means random, aim to kill. And, in a larger sense, to save (anang The New York Times).
Kaipala, taglay ni Barang ang "(Mark) Twain-like talent for turning a phrase, which makes her much fun to read and downright irrefutable," ayon naman sa San Francisco Chronicle.
Isang pruweba ng galing na iyan ang panimulang pangungusap ni Barang sa essay niyang God Owes Us An Apology na kabilang sa librong This Land Is Their Land:
"The tsunami of sea water that hit South Asia was followed instantly by a tsunami of spittle as the religious sputtered to rationalize God's latest felony."
Saganang Akin - AKO AT SI 'INSIANG' NGAYON PAGKARAAN NG 37 TAON (Una sa Dalawang Bahagi)
AKO AT SI 'INSIANG' NGAYON PAGKARAAN NG 37 TAON (Una sa Dalawang Bahagi)
Noong 1976 nakita ko sa unang pagkakataon si Hilda Koronel sa shooting ng "Insiang" sa Women's Correctional Institution, Mandaluyong City. Iyon ang una't huling punta ko sa isang location ng sineng dinirek ni Lino Brocka.
Sayang! Isa ako sa biggest fans ni HK na di sinuwerteng makalapit para magpakilala o makipagkilala sa kanya.
Noong Enero 2014, umuwi sa RP ang kababayan kong Andy Tecson, violinist-photographer, konektado sa AJ Press na may mga base sa US. Nalamang iniskrip ko ang "Insiang," dinalaw niya ako.
Inusisa ni AT ang lagay ng karera ko. (Kapwa graduate kami sa isang high school sa bayan namin, pamilyar sa hilig ng isa't isa.
Mahabang kuwentuhan. Bago umalis, bumili si Andy ng isa kong libro, humingi ng aking resume, posible raw mainterview ako ng press nila. Higit sa lahat, pinasulat ako ng liham, ibibigay raw niya kay Hilda. Kakila niya ito, naninirahan ngayon sa US kapiling ng negosyanteng husband Ralph Moore.
Natuos ko, mahigit 37 taon na pala ang lumipas mula nang iskripin ko ang "Insiang." Dekada '70 ang yugto ng pasiya kong ipampahaba sa sariling career ang paglikha ng Pinoy version ng "artform of the 20th century" (pelikula).
Sa mga nabuo kong iskrip, 2 ang naihanap ng producers; tinanggihang isapelikula dahil parehong "sobrang serious, at magastos."
Isa ang sobra naman sa bakbakan, naisine matapos ulit-ulit na ipabago ang title "para di gaanong mahalatang copy cat ni Charles Bronson ang bidang Pinoy. May naka-troika ako sa iskrip na ito.
Saganang Akin - AKO AT SI 'INSIANG' NGAYON PAGKARAAN NG 37 TAON (Huling Bahagi)
AKO AT SI 'INSIANG' NGAYON PAGKARAAN NG 37 TAON (Huling Bahagi)
Isa ko pang iskrip ang naisine rin; nang itanghal saka ko lang nabistong nilapa ang diskarte ko at iniba pati takbo ng istoryang sex comedy.
Ayoko na sanang sumawsaw sa pelikula. Tinutukan ko nang husto ang mga trabahong pampublikasyon.
Bigla, kinontak ako ni Lino Brocka, inalok na gawin ko ang screenplay adaptation ng "Insiang" (teleplay ito ni Mario O'Hara).
Sa loob-loob ko, sino akong iisnab kay Brocka? Ora mismo, naakit ako na muling sumabay sa kalakarang "mulang print tungong screen."
Bilang screenwriter, di ako lubhang dismayado. Permanenteng nakasabit sa "Insiang" ang ngalan ko. Ito ang unang pelikulang Pinoy na itinanghal sa (maprestihiyong)Cannes Film Festival at mula roon, mula noon, ay umorbit sa iba-ibang panig ng daigdig.
Sa aking liham (handwritten) kay "Insiang," isinaad ko, humigit-kumulang, ang ganito:
Hindi ako magtataka kung tulad ng maraming students at kritiko ng literatura ay maibulalas ni Susan 'Hilda' Reid-Moore: "I know the name (akin) but not the man."
Ano't anuman, ang "Insiang" ay mananatiling matingkad na bahagi ng aking karera, gaano man kahaba ang maabot nito. (LAMBERTO E. ANTONIO)
Portada - VALENTINE CARD: SIMBOLO NG PAGKALAKAL SA PAG-IBIG
VALENTINE CARD: SIMBOLO NG PAGKALAKAL SA PAG-IBIG
Sagisag ng komersiyalisasyon ng pista ni San Agustin ang nanlilimahid nang mensahe ng mga Valentine card.
Sinadyang maging "panlahat" ang mga mensahe upang bawat bumili ng card ay maniwalang sarili niyang damdamin ang ipinahahayag ng mga salitang nakatitik doon.
Walang dalawang tao ang dumaranas ng pag-ibig sa magkaparehong paraan; bawat isa sa ati'y may partikular na karanasan.
Ang katapatan ng ating mga salita at kilos ang nagpapakilala sa likas na kulay ng ating pagtatangi sa isang tao.
Ang mga "tula" sa milyon-milyong Valentine card ay nilikha ng mga bayarang mambebersong nasa empleo ng mga publisistang ang negosyo'y magbili ng mga pinatamisang larawa't damdamin.
Ang mga dakilang tula ng pag-ibig sa panitikang pandaigdig ay ibinunga ng partikular na karanasan ng isang tiyak na makata.
Kung ang mga ito ay patuloy na maantig sa damdamin at isipan ng mga mambabasa, ang sanhi'y nasa masinop na pagpili ng salita at larawan:
May kapangyarihang umarok sa nilalaman ng puso ng isang taong nabuhay sa isang tiyak na panahon at lunan.
Higit na makatotohanan at matapat ang mga iyan kaysa emosyong pilit binibigyang-buhay ng mga kumbensiyonal na palamuti ng mga Valentine card.
(Halaw ito sa isang akdang kasama sa librong Abot-Tanaw: Sulyap at Suri sa Nagbabagong Kultura at Lipunan ni National Artist Bienvenido Lumbera)
Matatawang madidismaya ka sa mga pagdinig at malayang talumpating paugong ng Senado.
Walang kinahihinatnan, wala kundi makumbinse ka ng namamayaning pakiwari.
Dating balwarte ito ng mga estadistang nagsusulong ng kapakanang pambansa at kagalingang pampubliko.
Sa kasalukuyan, tila imposibleng makasilip ng katiting na senyal ng paglitaw ng isang Claro M. Recto o sinumang kapanahon niya.
Sadyang imposible raw, dahil pananagutang pansarili at pampartido ang puno at dulo ng existence ng Senado ngayon.
Pero mainam-inam ito kompara sa Kamara ng mga Representante. May ilang Senador na matalas ang isip, sintalas ng patalim na laan sa patraidor na pagsaksak.
Ang Kamara kasi ay batbat lang ng rubber stamp ng Malakanyang.
Dahil gayon kung magpatay ng oras ang Senado, sa alaala mo na lang binubuhay ang statesmen sa dakong ito ng mundo.
Bersong Barbero - KAUNA-UNAHANG BABAE SA MUNDO NG MGA LALAKI
KAUNA-UNAHANG BABAE SA MUNDO NG MGA LALAKI
Ang salin ng lahi at kapangyarihan ay pinagsama ko sa paglalarawan. Sa texto ng akda, isang matang bulag ang ibig sabihin ng salitang "pisak." Iyan ang nag-inspire para itong berso ay buuin bilang kisapmatang kwento. Ngayon po bahala na kayong magmatyag at mag-analisa SA MUNDO NG BULAG:
Sa mundo ng bulag na mga lalaki, lumitaw ang isang pisak na babae. Dahil sa pangalan, hipo, halimuyak ay hinirang siyang reyna ng liwanag. Pagkat nagkareyna, dapat magkahari; sa pinakabata siya nagpalahi. Anang nangaiwan sa pangungulila: "Ang babae dito madagdagan sana." "Kailangang bago tayo mamayapa, mabawasang muli ang mga binata." "Sa ano't anuman, pasalamat tayo; hindi kumakapa ang dumating dito." Sabihin pa nga bang ang mundo'y nagdiwang nang ibalita na: "Reyna'y nagsisilang!" Umuha ang batang haring tatanghalin-- malaki, malusog, makisig, at duling.