balagtas.org

balagtas.org

Puting Uwak - KRONIKANG ITIM

KRONIKANG ITIM

Nagluksa ang ulilang lubos na si Lukas Busilak sa loob ng 65 taon.

Sabay-sabay namatay sa isang aksidente ang asawa at 10 anak niya.

Inabandona ni Lukas ang bahay niya at sa kubo sa sariling bukid siya tumira, kasama ang kanyang kalabaw.

Iyon ang pinakahuling hayop sa kanilang baryong X sa bayang Y ng lalawigang Z.

Ang ibang kalabaw, manok, aso, pusa at pati lote't bahay ay ibinenta ng mga kanayong nag-TNT sa abroad.

Ibinulong ng hangin kay Lukas ang paglaganap ng polusyong pumipinsala sa kaisipan.

Matagak dati sa bukid. Sa paglalaho ng mga ibong iyon, nagluksa pati kalabaw na alalay ni Lukas sa pagbubukid.

Malimit siyang bangungutin. Paulit-ulit iyon at iyon din ang masamang panaginip: tinutungkab ng mga taong-uwak ang 11 nitso ng yumaong pamilya niya.

Nagising siya isang umagan maulan at makulog at makidlat. Wala ang kalabaw, sino kaya ang nagnakaw?

Nang maghanap si Lukas, tinamaan siya ng kidlat.

Bago siya namatay, kumisap sa kanyang pangitain: pinagpipistahan ng mga puting uwak ang bangkay ng kalabaw.

--
Floro Olvido
putinguwak