Pagkilala ng balagtas.org sa kapangyarihan ng salita ang "puting uwak." Bansag o tawag itong pwedeng ikompara sa "tupang itim."
Gaya ng halaman at isda, naging kapalaran ng ibon at hayop ang makasangkapan sa pananalita ng tao laban sa tao.
Itatampok sa pitak na ito ang asal at gawaing imbes punahin ay pinapalakpakan kahit palpak. Manifestation ng negation ng obra kadabra ng bantog gayong kilabot pala.
Para sa (mga) kinauukulan, di sapat maging kakulay ng abo.
Sumabay sa modernisasyon ang pagpapahusay ng paraang lilitaw na kagalang-galang gayong kagulang-gulang.
Nagiging concrete example ito ng kasabihang "lumalaon bumubuti, sumasama kaysa dati."
Ganyang klase ng "kabihasaang" pantao ang binabanatan ng paglalarawang panghayop.
Walang imposible sa modernong panahon, kaya pumuti na ang uwak, sabi ng mababagsik na critics.
Ang pitak na ito ng balagtas.org ay nais makaigpaw sa mataas, siksik na salansan ng nangaunang matayutay (figurative) na salita't ekspresyon, gaya ng "politikong paruparo na, balimbing pa" at "kapit-tuko sa poder."
Modernistang uwak ang sinumang henyo kung magpakuno at di halatang sa kasibaang lumaklak ng iba-ibang uri ng kabulukan.
Pakiabangan dito ang mga piyesa hinggil sa taong-ibong naghihimagas ng bulok na kamatis at bugok na itlog kahit naeempatso oras-oras.
Isang Ruel Gamboa, "kontratistang nakabase sa Cabiao, Nueva Ecija" ang ibinabalang "nakapanloloko" dahil sa "kahenyuhang magpakuno."
Itinimbre ng mga Kabyawenyong "nabiktima" ni Gamboa na "ibinibitin saka pinagtataguan" nito ang kakontratang verbal sa construction o renobasyon ng bahay.
Hihingi raw ito ng cash na pambili ng lahat ng kailangang materyales at pambayad sa serbisyo niya at kanyang workers, titiyaking matatapos ang trabaho alinsunod sa itinakdang deadline.
Laging kulang ang materyal at tauhang dumarating, magpapanukala na gawin din ang gayon at ganito saka hihingi muli ng pera.
Paulit-ulit na maatraso ang trabaho at maiinip maiinis ang kakontrata, ipasasauli na lang ang perang "malinaw namang di naipambili ng materyales.
Kukuha ng ibang kontratista siyang "binibiktima" at iyan ang palusot ni Gamboa. Tinapos ng biktima mismo ang usapan, di na talaga sisipot sa trabaho si RG na "mahusay bumuladas" pag sinisita.
Ang babalang ito ng victims ay may aral na kung bakit nililimot ng marami sa atin: meron lang nanloloko kung may nagpapaloko.
Posibleng may mga kapangalan-at-kaapelyido ang "kontratistang" ito. Basta iwasang makipag-deal sa isang Ruel Gamboa na "sanay sa layaw mula sa kontratang laway," anang victims.
Puting Uwak - PAPEL NG KONSEHAL SA KONTRATANG LAWAY
PAPEL NG KONSEHAL SA KONTRATANG LAWAY
Isang konsehal, Nago Aguilar ng barangay P. sa Cabiao, N. Ecija ang naging "tulay" pahantong sa kontratang laway.
Sabi ito ng latest "victim" ng "kontratistang Ruel Gamboa" na isinumbong dito sa balagtas kamakailan.
Sabi pa ng victim (ayaw ipabanggit ang ngalan): pinsan ng misis niya si konse Nago. Kahit nakatango na silang mag-asawa sa mas kilalang kontratista, kay Gamboa nila ibinigay ang trabahong ayos-bahay. Rekomendado ito ng konse.
Nang ibitin ng suspek ang trabaho at di na sumipot pagkakuha ng perang pambili ng gamit, may nagsabing marami nang niloko si RG.
"Konse, tulungan mo sana akong bawiin yung pera," panawagan ng victim kay Aguilar.
Ibig daw niyang isiping pati si Nago ay "nagoyo" ng suspek. Pero sanggang dikit umano ang dalawa.
May Nago, este, Agno River na di laway ang umaagos; ewan kung may tulay roong madadapuan ng puting uwak, sabi ng balagtas sa victim.
Kabit ng mga pandama namin ang lahat ng rimang karima-rimarim. Pinagseselosan ang aming kalagayang kasingganda ng kasalanan. Dinadasal-dasal namin ang pagkalugod na bangungot ng iba ang pantustos. Puting-puti kami, busilak na busilak sa panahong magkalaguyo ang dilim at liwanag.