HULING POOK NG LAGALAG
ni Vivo Palomo
Naiwan sa walong pugad mo ang lahat
ng saplot maliban sa itim na bahag,
nang gabing sumumpong ang paglalagalag
at napahantong ka sa dulo ng landas.
Ipinaaninaw ng walong bituin
ang iyong anino sa bingit ng bangin.
Lumitaw ay mutyang higit na matiim
ang tingin sa inyong pingkian ng tingin.
Nakalas ang bahag at nagbaga kayo
sa balumbon niyang nagsusumilakbo,
saka ibinulid ng hanging masikdo
sa banging nilagom ng apoy at bango.
Isang pook ito ng iyong pag-ibig,
na tila totoo, sa muling paglihis:
daang ikasiyam ng huling paghilig
na di pagkabuwal lamang ang nasilip.
Nasa walong pugad ang lahat ng saplot
na sa alaala laang ipasuot,
kung may isang talang tutulong umarok
sa pagkawala mo sa dulo ng pook.