balagtas.org

balagtas.org

Portada - VALENTINE CARD: SIMBOLO NG PAGKALAKAL SA PAG-IBIG

VALENTINE CARD: SIMBOLO NG PAGKALAKAL SA PAG-IBIG

Sagisag ng komersiyalisasyon ng pista ni San Agustin ang nanlilimahid nang mensahe ng mga Valentine card.

Sinadyang maging "panlahat" ang mga mensahe upang bawat bumili ng card ay maniwalang sarili niyang damdamin ang ipinahahayag ng mga salitang nakatitik doon.

Walang dalawang tao ang dumaranas ng pag-ibig sa magkaparehong paraan; bawat isa sa ati'y may partikular na karanasan.

Ang katapatan ng ating mga salita at kilos ang nagpapakilala sa likas na kulay ng ating pagtatangi sa isang tao.

Ang mga "tula" sa milyon-milyong Valentine card ay nilikha ng mga bayarang mambebersong nasa empleo ng mga publisistang ang negosyo'y magbili ng mga pinatamisang larawa't damdamin.

Ang mga dakilang tula ng pag-ibig sa panitikang pandaigdig ay ibinunga ng partikular na karanasan ng isang tiyak na makata.

Kung ang mga ito ay patuloy na maantig sa damdamin at isipan ng mga mambabasa, ang sanhi'y nasa masinop na pagpili ng salita at larawan:

May kapangyarihang umarok sa nilalaman ng puso ng isang taong nabuhay sa isang tiyak na panahon at lunan.

Higit na makatotohanan at matapat ang mga iyan kaysa emosyong pilit binibigyang-buhay ng mga kumbensiyonal na palamuti ng mga Valentine card.

(Halaw ito sa isang akdang kasama sa librong Abot-Tanaw: Sulyap at Suri sa Nagbabagong Kultura at Lipunan ni National Artist Bienvenido Lumbera)
portada