balagtas.org

balagtas.org

Obra Muwestra - ADAPTASYON NG AWIT NOON (Huli sa 3 Bahagi)

ADAPTASYON NG AWIT NOON
(Huli sa 3 Bahagi)

ni LAMBERTO E. ANTONIO

SITSIRITSIT

Sitsiritsit, alibambang,
naira os na ang kasal;
sa paghimbing ng heneral,
ang senyora ay daratal.
Dumidinig sa tugtugin
ang duluhang sasapitin,
sumasayaw ang damdamin
sa maputik na landasin.
Salagubang, salaginto,
may handaang walang hinto:
pandalawa at patago,
pamawi ng panibugho.
obramuwestra

Portada - PANULAAN AT KASAYSAYAN

PANULAAN AT KASAYSAYAN

Pagkaalipin at pagkapalaasa ang namamagitan sa tao at kasaysayan.

Radikal na binabago ng panulaan ang ugnayang iyan, na mangyayari lamang kung mapapahamak ang kasaysayan.

Ang lahat ng mga produkto nito ay di basta maghihintay ng kamatayan, dahil nakatalagang may magawa hanggang wakas.

Hindi magkakaroon ng panulaan kung walang kasaysayan, ngunit walang ibang misyon ang panulaan kundi paglagusan at baguhin ang kasaysayan.

Sa ganyang pananaw, ang tanging tunay na panulaang rebolusyonaryo ay yaong apokaliptiko.

Kinailangang lumanghap kahapon ng simoy ng pandaigdigang pagkakaisa ang panulaang nagpapatuloy bilang eksorsismong nangangalaga sa atin laban sa mapangulam na pwersa at dumi.

Ang pagtula ay isang paraan ng pagsasabi ng "Hindi!" sa lahat ng kapangyarihang naghahangad maghari sa ating budhi at lumagas sa ating buhay.

(Halaw kay Octavio Paz)
portada

Bersong Barbero - SAKALING MAHILIG PO TAYO SA TSISMIS

SAKALING MAHILIG PO TAYO SA TSISMIS

Iyang tinatawag nating alimuom
ay maitutumbas sa sitsit na buhong,
makakating dila ang nagpapausbong
ng tsismis na sabi'y isa nang propesyon.
Inggit ang malimit na sanhi ng sitsit;
delikado dahil baka maghimagsik
ang sinisiraang pahina-hinagpis
at nang maghiganti ay napakalupit.
Maipanlalaban sa ganyang sistema?
Magpasak ng bulak sa butas ng tenga;
kundi hahabaan ang ating pasensya,
ilong na may bulak ang magiging suma.
Nagiging sukdulan iyang alimuom
kung asal ng kapwa ay laging patraidor;
mas nakabibingi, sabi nga, ang bulong
kompara sa sigaw na dumadagundong.
Iyang alimuom kung ibig masagap,
kaibiganin mo nang husto ang kabag;
pigilin ang utot, habang may kausap,
kung bulok ang amoy dahil lalaganap.
bersongbarbero

Saganang Akin - JORGE LUIS BORGES: MONOLOGO SA LABERINTO

JORGE LUIS BORGES: MONOLOGO SA LABERINTO

Tila nga obsesyon ang gumawa ng kuwentong laging may imahen ng laberinto. Ayaw humiwalay sa imahinasyon ko mula nang una ko itong matuklasan sa library ng ama ko.
Ang image ay nasa isang librong may kakatwang ukit sa isang buong pahina, nagpapakita ng gusaling kahawig ng ampiteatro, mabitak, mas mataas kaysa mga sipres at nakatayong mga tao sa paligid.

Inisip ko noon na kung gagamit ako ng magnifying glass, makakikita ako ng isang minotauro sa loob ng gusali.

Ang laberintong iyon ay simbolo ng pagkalito, ng pagkawala sa buhay.

Hindi miminsang hiningan ako ng kuro-kuro hinggil sa "malaberintong" mga akda ko--tila pagkonsulta kaugnay ng "pag-influence" ko sa isang buongsalinlahi ng mga manunulat.

Inaakala ko ba na ang imahen ng pagkawala nating lahat sa isang laberinto ay isang pesimistikong pagtanaw ko sa panahong hinaharap ng sangkatauhan?

Di ganyan kalubos ang pakiwari ko. Naniniwala akong meron ding pag-asa, may salvation. Kung tiyak ngang isang laberinto ang uniberso, makadarama tayo ng kapanatagan.

Minotauro ang kakila-kilabot na sentro ng laberinto. Gayunman, di natin alam kung may isang sentro ang uniberso. May probabilidad na di laberinto ang uniberso kundi gulo at kung gayon, nawawala nga tayo.

Madaling isiping isang maayos na estruktura ang uniberso, pero pwede ring pasubalian iyan at ikatwirang di ito magagamitan ng lohika, o di maipaliliwanag sa sangkatauhan ang uniberso.

(Adaptasyon ni LEAntonio)
saganangakin

Tularaw - BESO-BISYO: RESPONSO NG AMIGO

BESO-BISYO: RESPONSO NG AMIGO

Sa ilong ko ibinulong ng amihan
ang balitang masaya ka nang pumanaw,
ibinigay ang huli mong kahilingang
makahitit ng sanhi ng karamdaman.
Inilulan ko sa usok ang mataos
na dalanging mamanatag ka nang lubos;
mga upos sa ibabaw nitong puntod
ang iiwang alaalang hugis-kurus.
tularaw

Obra Muwestra - WALANG NAKAPIGIL SA PAGSULAT

WALANG NAKAPIGIL SA PAGSULAT

Yumao noong 17 Abril 2014 si Gabriel Garcia Marquez, ang manunulat ng Colombia. "Internationally acclaimed" ang kanyang mga nobelang "One Hundred Years of Solitude"(1970) at "Love in the Time of Cholera"(1988) at maging ang maiikling katha niya.

Nag-aral ng batas, nagsulat ng screenplay, nagreporter para sa peryodikong Colombian na El Espectador, at nagkorespondentsa Rome, Paris, Barcelona, Caracas at New York, pinagtambal ni GGM ang malikhaing pagsulat at mapagsiyasat ng pag-uulat.

Nakahulma sa kombinasyong ito ang reputasyon niya kaugnay ng "magical realism". Nanalo siya ng Nobel Prize for Literature noong 1982.

Isang imahen ang nagpapaigkas ng mga istorya ni Garcia Marquez: sumisibol at lumalago sa ulo niya ang imahen hanggang mabuo ang akdang puwedeng maranasan sa tunay na buhay.

Isinilang sa Aracataca, Colombia noong 1928 si GGM na nagwika minsan: "Mula nang naisin kong maging manunulat, wala kahit sinong nakapigil sa akin. Maging pinakamahusay na writer sa buong mundo ang natitirang bagay na magagawa ko".

(Boni Baltazar)
obramuwestra

Tularaw - KAMBAL NA RETADOR: NOTASYON SA OBRANG I.S.B.

KAMBAL NA RETADOR: NOTASYON SA OBRANG I.S.B.

ni Boni Baltazar

Kambal na retador ng mortalidad ang gunita at haraya.

Muling lumalalang ng mundo ng lipol na lahi siyang pinawanahan ng pighati.

Silang nangamatay ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihan sa pagbubuo: iniuukilkil ang kaayusang iginuho ng pagbabagong mapang-aglahi; humahangos ang kanilang abuhing mga tinig na nagtutustos ng maalab na hininga sa kanyang panitik.

Nasa mundo nila ang mundo niya ngayong umiikot nang walang pagkahambal sa mga kalansay na naglutang sa mga dagat, naghambalang sa mga lupalopng modernong panahon.

Isinasatinig niya ang napugto nilang mga pangarap, hinahango ang isang kahapong karapat-dapat maitampok.

Selebrasyon ito ng karera niyang mapaghanap, mapag-ampon, at mapanghusga--

Negasyon ng mga sublebasyong panlipunang pinag-aanihan ng lagim ng sangkatauhan.
tularaw

Bersong Barbero - PILIIN DITO ANG IYONG MAYO

PILIIN DITO ANG IYONG MAYO

Mayo'y narito na. Araw ng Paggawa
ang basal na hasik sa ating gunita:
pawis, luha't dugong sa obrero mula
ang sinasariwang pangunahing paksa.
"Siyang di kilala't malimit madusta,
ating kilalaning bayani ng madla".
Mensahe ng Mayo Uno ay may wisik
na paghihinagpis at paghihimagsik:
uring manggagawa'y lalong nagigipit
habangang mayama'y yumayamang higit.
Gayunman ang Mayo ay ikinakabit
sa saya at siglang ayaw raw pasaid.
Abalang masayang mabangong makulay
ang Mayo na hitik sa mga larawan;
kahit ang tag-araw ay namamaalam,
maayang panahon ang ibig silayan;
kundi sunod-sunod, suson-susong tunay
ang dinadaluhang pista't santakrusan.
Buwang ikalima'y sadyang masagisag
sa buhay ng Pinoy noon ngayon bukas.
"Buwan ng Bulaklak" kahapon ang tawag,
sa kasalukuya' buwan din ng prutas.
Ang Mayo, sa ganang iba'y walang kupas
o di nagmamaliw yaong halimuyak.
bersongbarbero

Wika Nga - (I)SIPI(N)

(I)SIPI(N)

Isang salin sa Filipino ng 'quote', 'quotation' at 'copy' ang salitang-ugat (rootword) na 'sipi'. Anagramatikong mahuhugutan ito ng 'pisi' (string), 'isip' (mind, thought) at 'ipis' (cockroach).

Kailangang ayon at alinsunod sa konteksto ang pagsipi bilang ayuda sa punto de bistang ipinahahayag ng sinumang sumisipi.

Isang layunin sa pagsipi ang 'magpapogi'. Halimbawa, ng politikong pulpol na umaastang matalas ang ulo. O ng pastor na nagpapalawak ng relihiyosong kawan niya.

Ang pagiging 'out of context' ng kinauukulan ay puwedeng udyok ng hangad na pagtugmain ang retorika at realidad na magkataliwas naman.

Kung alam mo ang bagay na ito, di mo siguro gugustuhing lumitaw na meron ka ngang isip, pero may tali itong pisi at pinamamahayan ng ipis.
wikanga

Portada - SANDUGUAN SA ISIP, SA SALITA AT SA GAWA

SANDUGUAN SA ISIP, SA SALITA AT SA GAWA

Nagtetengang-kawali silang nasa itaas at nasa ibaba kapag may nag tatanong kung magkatapat ang langit at pusali.

Mga paham sila sa paglikha ng kapahamakang sa iba nauukol at bubukol.

Manipis ang pagkakaiba ng panghihimasok sa pakikisangkot, aminin mang nagkakasakitan sa pagmamalasakitan ang nasa sentro, pasilyo at sulok ng kapangyarihan.

Naipatak ng sanduguan ang kalatas: kahangalang habambuhay na tumaga sa bato at sila na iisa ang kaliskis ay laging namumurong mausig.

Nagkatali at nagkatalik ang matibay at marupok, pinabukol at pinatayog ang mga layuning naging kalansay gayong hindi nagkalaman, hindi nagkadugo. Itinatapon muna nila ang kawali kapag nakaamoy sila ng salapi mula sa langit at pusali.

(Boni Baltazar)
portada

prev 10 20 30 40 50 60 70 80 90 100 110 120 130 140 150 160 170 180 190 200 next