balagtas.org

balagtas.org

Saganang Akin - PAGDAAN NG MEDIA SA IBABAW NG BANGKAY

PAGDAAN NG MEDIA SA IBABAW NG BANGKAY

Kampante ang media, brodkast lalo na, sa maling paggamit ng salita.

Tampok na halimbawa ang "maliban." Wala ito sa tagpo pero pinapapapel sa halip na "bukod" ang tama at dapat gumanap.

Pinatay ng media ang "bukod" at padaan-daan sa ibabaw ng bangkay nito, habang bitbit ang "maliban".

Bale "besides" ang bukod at "except" ang maliban; dagdag ang una, bawas ang huli.

Huwag naman tayong maging iresponsable sa pagwiwika habang nagsusulong tayo ng "responsableng pamamahayag".
saganangakin

Obra Muwestra - DOBLE TRES, DOBLE UNO: BAGONG LIBRO NI LAMBERTO E. ANTONIO

DOBLE TRES, DOBLE UNO: BAGONG LIBRO NI LAMBERTO E. ANTONIO

Katipunan ito ng 33 sanaysay sa pamilya at lipunang Pilipino na pinili mula sa mga akdang sinulat (1977-2008) ni LEA at inilathala kamakailan ng Ateneo de Manila University Press.

Ayon kay Antonio, marami siyang nabuong kuwento, nobelang kapos at tula na "nahubaran ng maskara" makaraang paulit-ulit niyang basahin. "Dapat naiklasipika bilang sanaysay ang mga ito,"sabi niya.

May walo pang aklat si LEA na nagpapakita ng husay, lalim at lawak niya bilang manunulat.

Kabilang dito ang Hagkis ng Talahib: Mga Tula (1980), na katatagpuan ng "tunay na pamumulaklak ng henyo ng makatang nakikisangkot," ayon sa guro at kritikong si Soledad S. Reyes.
obramuwestra

Tularaw - SAWING PUSO, WAGING KURO

SAWING PUSO, WAGING KURO

Sa pagsulat ng tula ng pag-ibig, gawing sementado ang unawaang ano at paano.

Kung hindi, baka lumitaw na nakalupasay sa lungkot ang makata.

Halimbawa ng linyang "first love never never dies" sa kanta ang sisipatin nating bersong BABAE SA ULAN:

Nakatingin siya sa kawalan
habang naglalakad, may dalang nakatiklop na payong.
Saan kaya galing? bulong
ng alaalang naambunan.

Pagtalikod sa bintanang kasasara,
kinapa ko ang sariling damdamin;
tag-araw kami huling nagkaharap:

Panakaw na sulyap niya
sa handog kong bulaklak;
pag-uwi kong tinatalunton
ang hiwalay na landas.

Malalim ang unang sugat
na pinaghilom ng pagkamaginoo.
Sinangguni ko ito
makaraang matunghayan
ang babae sa ulan.

Taglay ng piyesa ang matinding pahiwatig, na dapat lang asahan sa makatang sanay dumistansiya sa dagok ng pagsinta.

Dalawang panahon ang saklaw ng tula, alinsunod sa kumpulan ng mga sagisag na abstrakto at kongkreto.

Ang pananalinghaga ay agad inihudyat ng dating nobyang "nakatanaw sa kawalan" at "nakatiklop na payong" ang dala gayong umuulan.

Hindi mahalagang sagutin ang tanong na "saan kaya galing?" Sapat na ang tirada ng dating nobyo bilang makatang nakaiwas maglupasay sa kalungkutan.

--
Leo Amorco
tularaw

Portada - AWIT, IHI AT KATOTOHANAN

AWIT, IHI AT KATOTOHANAN

Piyesa itong sumalok ng inspirasyon sa jingle ng isang radio station tungkol sa katotohanang magpapalaya at magpapasulong sa bayan.

Ayon sa station, panata ng mga naroon ang katotohanan. Matapos mong pakinggan ang jingle, bahala kang kumatas ng ibang kabatirang wala sa abstraktong obrang pantenga.

Ikaw ang magsusuplay ng konteksto. Ano, halimbawa, ang totoo? O kongkretong kondisyon ng sambayanan? Naghihirap ang buhay, na nakikita at nararanasan.

Alipin ng karalitaan (poverty) ang bayan. Dapat sambayanan mismo ang lumutas sa dantaong pataw (burden) na ito.

Dagdag-tiis ang bayan sa sakit na dulot ng katotohanang iyan para ganap na mapanday ang pasiyang lumaya at sumulong. Nang tunay at totoo.

May problema pa rin, ayon sa isang pagsusuri: intellectual poverty ang isang sanhi ng karalitaang pisikal ng bayan.

Teka, di lang uri ng awit ang jingle; balbal na tawag din ito sa ihi o pag-ihi. Baka ibig mo munang magdiskarga ng mapanghing likido, 'wag nga lang sa salawal.

Pagkaraos, larga muli ng konteksto ng katotohanang sa buhay ng sambayanan ay nakabalatay ang masinsing anino ng kasinungalingan na namamaraling mga lingkod ng bayan.
portada

BALAGTAS.ORG SA WORKSHOP: ISANG ESPESYAL NA ULAT

Mga direction sa panulatang Filipino ang iniugnay ni Lamberto E. Antonio (ng balagtas.org) sa mga akdang sinuri sa workshop na idinaos sa residence niya sa Nueva Ecija kamakailan.

Mga tula at kuwento ng mga kasapi ng Sulat-Kamay Writers Guild na nakabase sa Kamaynilaan ang dumayo kay Antonio para ipakilatis at ipalagom ang kanilang commentaries sa obra ng isa't isa.

Naglahad siya ng kuro-kuro at nagpanukala ng hakbanging mas ikahuhusay ng pagkatha.

May nakahanda nang observations ang attendees, kaya agad napuspos at natapos sa maghapon ang workshop.

Gayunman, apat sa writers ang nagpaiwan nang bumalik sa Manila ang mga kasamahan nila. Nakipagtagayang-diwa kay Antonio ang mga ito hanggang madaling-araw.

Itinatag noong 2010, nakapaglathala ang Sulat-Kamay ng ilang antolohiyang nagbabadya ng bagong sigla ng kolektibong pagkilos pampanulatang "walang basbas" ng mga institusyon ni "pakikisakay" sa reputasyon ng sikat na writers.

Ang workshop na ito ang nagsilbing unang tugon sa exhortation ng balagtas.org na patuloy na lumikha ng mga tulay pantalastasan ang sectors ng ating lipunan.

Tamali - NUYNOY SA DAP

NUYNOY SA DAP

Magnuynoy o magnilay tayo hinggil sa DAP na idinipensa ni Pres. Benigno "Noy" Aquino III sa presidential broadcast noong 30 Oct. 2013

Nagtanggol siya dahil laganap ang palagay na pork barrel ang DAP gaya ng congressional PDAF. Binansagan ng critics si P-Noy na "Hari ng Makarneng Bariles."

Pasubali niya: "Spending through DAP is clearly allowed by the Constitution and by other laws."

Kaugnay nito, 3 lawmakers na idinawit sa pork barrel scam ang sinampahan sa Ombudsman ng reklamong plunder.

Kinailangan ang solo kwerpong depensa bilang pag-ulit ni P-Noy sa sariling pahayag: hindi siya magnanakaw.

Pinilantik din niya ang diumano ay mga lumalabusaw, nagpapalabo ng issues. Nakisawsaw sa depensa pagkaraan ng broadcast ang mga nakikibalahibo kay P-Noy.

May tanong. Ba't naatat o nag-apurang dumipensa ang Pangulo? Ba't di hinintay ang magiging resulta ng pagdinig ng Supreme Court sa petitions kaugnay ng DAP sa Nov. 11?

First time kasi na sa "charmed presidency" ni P-Noy ay bumagsak daw ang popularity rating niya.

May kinalaman daw dito ang baha, deterioration ng EDSA, pagiging world's worst airport ng NAIA 1, Zambo siege, etc.

Nagsolo ng depensa sa DAP si P-Noy dahil wala raw ginagawa ang mga opisyal na alalay niya kundi magpaigkas ng nakaiiritang dakdak.

--
Celing Labuyo
tamali

Bersong Barbero - IBA'T IBANG TEMA, MAY ISANG SISTEMA

IBA'T IBANG TEMA, MAY ISANG SISTEMA

(1) ABISO SA PAGBERSO
Lumalabas ang tinig
ng nayong kapuspalad
sa subyang ng talahib
na gamit kong panulat.

(2) ANAK-DALITA
Pinaos ng hilahil
si Bunsong kasisilang:
"Saplot kong gagamitin,
dating lampin ni Nanay."

(3) KAY SIR DERECHO
Urong-sulong sa lubak
ng landas na matuwid
ang sarili mong pangkat
na sa pagliko sabik.

(4) TAKSIL SA TAKSIL
Sa payong mo kasukob
ang aking kasintahan,
kasukob ko sa kumot
naman ang iyong ginang.

(5) MGA IBONG BAKA MALIPOL
Nagpupulong ang kawan
sa himpilang mausbong,
paksang pagtalakay:
naglipanang tirador.

(6) EROTIKA 69
Lumitaw, nakangiti,
sumalubong, sumubo;
nabusog man o hindi,
nakangiting nagtago.

(7) ANI SA ANIBERSARYO
Sandekada ang edad
ng pagsasamang kasal:
nakasiyamna anak,
ngayo'y buntis na naman.

(8) PAYAGPAG NG SALARIN
Mahaba ang listahan
ng mga nakaburol,
may sisiw sa ibabaw
ng kanilang kabaong.

(9) OPERASYONG SAGIP
Bahang malalim agad,
pamilyang nasa atip:
"Hangin! Kami'y ilipad!
Tulungang mag-evacuate!"

(10) NAWAWALA
Iyang delikadesa
ay hinahanap natin.
Gustong muling makita?
Suhol ay palakarin.
bersongbarbero

Puting Uwak - EKSPERTO SA PAKUNO

EKSPERTO SA PAKUNO

Para sa (mga) kinauukulan, di sapat maging kakulay ng abo.

Sumabay sa modernisasyon ang pagpapahusay ng paraang lilitaw na kagalang-galang gayong kagulang-gulang.

Nagiging concrete example ito ng kasabihang "lumalaon bumubuti, sumasama kaysa dati."

Ganyang klase ng "kabihasaang" pantao ang binabanatan ng paglalarawang panghayop.

Walang imposible sa modernong panahon, kaya pumuti na ang uwak, sabi ng mababagsik na critics.

Ang pitak na ito ng balagtas.org ay nais makaigpaw sa mataas, siksik na salansan ng nangaunang matayutay (figurative) na salita't ekspresyon, gaya ng "politikong paruparo na, balimbing pa" at "kapit-tuko sa poder."

Modernistang uwak ang sinumang henyo kung magpakuno at di halatang sa kasibaang lumaklak ng iba-ibang uri ng kabulukan.

Pakiabangan dito ang mga piyesa hinggil sa taong-ibong naghihimagas ng bulok na kamatis at bugok na itlog kahit naeempatso oras-oras.
putinguwak

Wika Nga - KASALI SA SALIN

KASALI SA SALIN

Translation o salin ang isang paraan ng pagpapalawak ng tangkilik sa akdang isinalin.

Pambawas ito sa bigat ng layuning umunawa at magpaunawa.

Literal ba o malaya ang (pagka)salin? Puwedeng kombinasyon, kung sadyang ito ang kailangan.

Pinakamahalaga sa salin: mapanatili ang diwa't kahulugan ng orihinal. Makiling ang mayorya ng translators sa diskarteng malaya.

May pahalaw na salin; madalas ay pinipili ang ilang tampok na bahagi ng akdang isasalin dahil mahaba ang kabuuan nito.

Kasali ba sa gawaing ito ang "saling-pusa"? Pupuwede iyong "salin" lamang.
wikanga

Saganang Akin - ANG TUNAY NA TRADISYON

ANG TUNAY NA TRADISYON

Naglahad minsan si Igor Stravinsky ng pakahulugan sa tradisyon. Sabi niya:

"Hindi relikya ng naglahong panahon ang tunay na tradisyon kundi buhay na puwersang nagpapasigla at pumapatnubay sa kasalukuyan.

"Isang pamana ang tradisyon: tinatanggap natin pero dapat pinamumunga bago ipagkatiwala sa susunod na henerasyon.

"Walang kinalaman sa pag-alinsunod sa tradisyon ang panghihiram ng isang method dahil napapalitan itong huli.

Isinusulong naman ang tradisyon para makalikha ng bago.

Bagaman sining ng musika ang paksa ni Stravinsky, mapagbabatayan ito ng pagsusuri sa ibang larangan.
saganangakin

prev 10 20 30 40 50 60 70 80 90 100 110 120 130 140 150 160 170 180 190 200 next