balagtas.org

balagtas.org

Portada - AWIT, IHI AT KATOTOHANAN

AWIT, IHI AT KATOTOHANAN

Piyesa itong sumalok ng inspirasyon sa jingle ng isang radio station tungkol sa katotohanang magpapalaya at magpapasulong sa bayan.

Ayon sa station, panata ng mga naroon ang katotohanan. Matapos mong pakinggan ang jingle, bahala kang kumatas ng ibang kabatirang wala sa abstraktong obrang pantenga.

Ikaw ang magsusuplay ng konteksto. Ano, halimbawa, ang totoo? O kongkretong kondisyon ng sambayanan? Naghihirap ang buhay, na nakikita at nararanasan.

Alipin ng karalitaan (poverty) ang bayan. Dapat sambayanan mismo ang lumutas sa dantaong pataw (burden) na ito.

Dagdag-tiis ang bayan sa sakit na dulot ng katotohanang iyan para ganap na mapanday ang pasiyang lumaya at sumulong. Nang tunay at totoo.

May problema pa rin, ayon sa isang pagsusuri: intellectual poverty ang isang sanhi ng karalitaang pisikal ng bayan.

Teka, di lang uri ng awit ang jingle; balbal na tawag din ito sa ihi o pag-ihi. Baka ibig mo munang magdiskarga ng mapanghing likido, 'wag nga lang sa salawal.

Pagkaraos, larga muli ng konteksto ng katotohanang sa buhay ng sambayanan ay nakabalatay ang masinsing anino ng kasinungalingan na namamaraling mga lingkod ng bayan.
portada